Chapter 8 Hotness

2.9K 58 0
                                    

"Sino iyong ka-text mo at para kang biglang nawala sa sarili mo?" usisa ni Lea. Nakalimutan ko na rin na katabi ko lang pala siya. Mabuti na lang at hindi niya nabasa ang laman ng convo namin ni Lance.

"Iyong bagong boss ko. Pinaalalahanan lang ako na mag-resign na sa mga dati kong trabaho para makapagsimula na raw ako sa kanila," pagsisinungaling ko. Tumango-tango ito at bahagyang nalungkot ang mukha. Ako man ay nalulungkot na hindi ko na siya makakasama sa trabaho araw-araw.

"Sayang naman. Kasi hindi na tayo madalas magkikita niyan," malungkot na sambit nito. Ngumiti lang din ako nang malungkot sa kaniya.

"Kailangan e. Saka puwede naman tayo mag-chat anytime 'di ba? Basta kapag may problema ka at makatutulong naman ako, huwag kang mag-atubiling magsabi, okay?" paalala ko sa kaniya. Huminga ito nana malalim at hindi inalis ang tingin sa mga mata ko.

"Sabagay. Pero kapag may opening diyan sa bago mong work irekomenda mo ako ha?" nakangiting turan niya. Hindi ko tuloy alam kung matatawa ako o ano sa kaniya. Kung alam niya lang kung anong klaseng trabaho ang pinasok ko.

Kinahapunan, pagkatapos na pagkatapos ng huling klase ko sa hapon ay dumiretso na ako sa restaurant para ibigay ang resignation letter ko. Nalungkot din iyong amo ko sa biglaang pag-alis ko dahil masipag at matiyaga raw ako sa trabaho. Tapos, binigyan pa niya ako ng bonus bago tuluyang pinaalis. Gano'n din ang ginawa ko sa pangalawang trabaho ko at mabuti na lang ay naging maayos naman ang lahat.

Pagdating ko sa bahay dumaan muna ako sa kuwarto ni daddy. Wala naman akong nakitang kakaiba roon kaya nagtungo na ako sa kusina para mag-umpisang magluto para sa hapunan namin.

"O, bakit narito ka na naman? Gumawa ka na lang ng mga gawain mo sa school at ako nang bahala rito," mahinang saway ni yaya Aida nang makita akong naglalagay ng bigas para sa rice cooker. Tinapos ko ang ginagawa bago siya hinarap at malambing na nginitian.

"Ya, madali lang naman po ito. Saka ayaw ko naman pong iasa sa inyo ang lahat. Ang laki na nga rin po ng sakripisyo ni'yo para sa amin kaya gusto ko naman makatulong kahit konti.

Si yaya Aida ay yaya ni daddy mula noong bata pa siya. Biyuda na si yaya at lahat ng mga anak niya ay may kaniya-kaniya na ring pamilya. Kahit halos hindi na nga namin siya napapasuweldo ay ayaw niya kaming iwan. Pamilya na rin kasi ang turing niya sa amin at mas maigi na raw ito kaysa mag-isa siya sa bahay nila. Pinaalis na rin kasi namin lahat ng mga maids namin dahil nga hindi na namin sila kayang sahuran. Mula rin noon ay natuto na kami ng kapatid kong gumawa ng mga gawaing bahay upang makatulong kay mommy at yaya. Mas nauubos kasi ang panahon ni mommy sa paggawa ng mga cookies na ibinebenta niya at sa pag-aalaga kay daddy. Ayaw ko namang akuin ni yaya ang lahat ng natirang gawaing bahay kaya kapag may sapat akong panahon ay tumutulong talaga ako.

"Alam mo, napakasuwerte ng mapapangasawa mo sa iyo..." bigla ay banggit ni yaya pagkatapos kong mapindot ang 'on' ng rice cooker. Natawa ako nang bahagya sa sinabi niya.

"Bakit naman po, ya?" nakangiting tanong ko. Ngayon ay abala na siya sa paghahanda ng mga sangkap na gagamitin niya sa pagluluto ng ulam.

"E, kasi kahit ipinanganak kang mayaman, kahit kailan hindi ka naging maarte. Palagi kang mapagpakumbaba at mabait sa lahat. At nang halos maghirap na kayo imbes na magrebelde ay natutuhan mo ang maraming gawain. Alam mo kahit kailan hindi ko inakalang kakayanin mong mamasukan upang kumita ng pera," mahabang pahayag niya. Parang uminit ang puso ko sa mga binitiwan niyang papuri. Bigla ay parang naiiyak na ako sa tuwa.

"Ikaw talaga, yaya napakabolera mo," kunwa'y natatawang tugon ko sa kaniya.

"Naku, hindi kita binobola, anak. Napakaganda mo pa kaya nga ang suwerte talaga ng kahit sinong makabibihag sa puso mo," parang kinikilig na dagdag papuri nito. Nayakap ko tuloy siya sa lambing ng mga salita niya.

Riot Men Series #21: DESIRED BY THE BILLIONAIRE HEIRحيث تعيش القصص. اكتشف الآن