Chapter 37 The Lost Memory

1.9K 35 0
                                    


Kahit masiyadong masakit ang nangyari noong isang araw ay hindi ako tumigil sa araw-araw na pagpunta sa ospital. Kahit malamig ang trato ni Lance sa akin at halos isuka na ako nito sa tuwing naroroon ako ay tiniis ko ang lahat. Araw-araw ding naroroon si Hailey at mas sinasadya pa yatang magpaka-sweet kay Lance kapag naroroon ako.

Isang linggong gano'n ang naging routine ko. Dahil hindi naman niya ako mapalayas ay hindi na lang din niya ako pinapansin. Pero ngayon ay nagulat ako dahil pagpasok ko ay nag-iisa lang si Lance. Wala rin ang mama niya at pati si Darwin. Maging ang bruhang Hailey na iyon ay wala rin dito. Lihim akong napangiti at dahan-dahang isinara ang pintuan.

"You're here, again!" malamig at may inis na pahayag ni Lance nang ganap na akong makapasok.

"Kumusta na ang pakiramdam mo?" malumanay kong tanong. Hindi ko pinansin ang pagsusungit niya kahit sobra akong nasasaktan.

"Wala kang pakialam. Maayos ang pakiramdam ko kanina pero sumama ito nang dumating ka!" pabalang niyang sagot at itinuon ang pansin sa hawak niyang cellphone. Napalunok ako at napakagat sa pang-ibabang labi dahil sa panibagong kirot na dumaan sa dibdib ko.

"Lance... hindi mo ba talaga ako naaalala?" halos pumiyok nang tanong ko. Muli akong napalunok upang pigilan ang sariling maiyak dahil bahagya na ring nanginig ang mga labi ko. Gusto kong maging matapang sa kabila nang paghilab ng dibdib ko dahil sa malamig na trato niya sa akin.

"Makulit ka rin talaga, eh, ano? Ilang beses ko nang sinagot iyang tanong mo! Ikaw lang itong hindi makaintindi dahil ipinipilit mo ang sarili mo sa akin! Bakit? Magkano ba ang kailangan mo para tigilan mo na ako?" nang-iinsultong tanong niya. Napanganga ako sa sinabi niya at sa pagkakataong ito ay hindi ko na napigilan pa ang maiyak.

"Lance, buntis ako..." umiiyak kong sambit. "Miss na miss na kita..." pagpapatuloy ko pa. Pero hindi nagbago ang malamig na tingin nito sa akin. Dahil doon ay lalo akong napahikbi sa sobrang sakit na dinaranas ng puso ko. Para itong patuloy na dinudurog at tinatapakan pa nang paulit-ulit.

"Ah... iyon naman pala! Buntis ka at gusto mong ipaako sa akin?" nagulat ako nang pagak siyang tumawa.

"Totoo ang sinasabi ko. Sa iyo ang batang ito, Lance. Ito dapat iyong surprise ko sa iyo pagbalik mo pero biglang nangyari iyong aksidente!" maagap kong katuwiran. Pero nanunuya niya lang akong nginisian.

"You know what? Nagpunta rin dito si Angeli kahapon at sinasabing nabuntis ko siya. Pagkatapos, ikaw naman ngayon. Huwag ka nang mahiya, sabihin mo na sa akin kung magkano ang kailangan mo para tantanan mo na ako. Kasi sa totoo lang, naaalibadbaran ako sa tuwing nakikita ko ang pagmumukha mo! Imbes na tuluyan akong gumaling, parang lalo lang akong magkakasakit dahil sa pagkairita ko sa iyo! Kaya puwede ba, tumigil ka na. Kung mayroon man akong babaeng pakakasalan ay si Hailey lang iyon dahil siya lang ang mahal ko mula pa noon. Kaya tumigil ka na sa kahibangan mo!" ngayon ay may halo ng galit ang mga pang-iinsulto niya.

Sa unang pagkakataon ay parang bumagsak ang lahat ng mga pinanghahawakan ko. Mahigit isang linggo na mula nang magising siya at makalimutan ang ilang bagay na nangyari pagkatapos mamatay ang daddy niya. Ang hangganan lang ng naaalala niya ay noong mailibing nila ang daddy niya. Ni hindi niya maalala iyong babaeng aksidenteng namatay at naging dahilan kaya kami nagkakilala.

Sabi ko sa sarili ko, magtitiis ako dahil umaasa akong isang araw ay babalik ang iba pang mga alaala ni Lance at makikilala niya akong muli. Pero dahil sa mga pinakawalan niyang masasakit na mga salita ngayon ay parang biglang nawasak ang mundo ko. Nagiba ang pag-asang tanging pinanghahawakan ko maliban sa pagmamahal ko kay Lance.

"Oh? bakit, hindi ka na nakapagsalita? Masiyadong malaking halaga ba ang gusto mong hingin kaya hindi mo masabi? I will give you a blank check and you can write there whatever the amount that you want be. Pero ang kapalit no'n, hinding-hindi mo na ako guguluhin at kahit kailan, hindi ka na muli pang magpapakita sa akin!" untag niya sa akin na nagpabalik ng isip ko sa reyalidad.

Riot Men Series #21: DESIRED BY THE BILLIONAIRE HEIRWhere stories live. Discover now