Chapter 35 Farah's Agony

1.9K 38 0
                                    


"Patay ang lahat ng lulan ng private plane na kinabibilangan ng mismong may-ari nito na si CEO Lance Dominguez, dalawang piloto, apat na crew at ang kaniyang personal assistant. Hanggang sa kasalukuyan ay inaalam pa ng mga otoridad ang sanhi nang biglaang pagsabog ng nasabing pribadong eroplano..." malinaw na sabi ng lalaking naghahatid ng breaking news.

Tulala akong nakatitig sa screen ng TV at hindi namalayan ang pagragasa ng mga luha mula sa aking mga mata.

"No! hindi totoo iyan!"

Wala sa sariling bulalas ko at bigla na lang nagdilim ang lahat.

Paggising ko ay nasa kuwarto na ako ng isang ospital. Nang bahagya akong gumalaw ay nakita kong may nakakabit palang suwero sa akin. Ilang minuto rin ang nakalipas bago nagbalik ang lahat sa akin. At ganoon na lamang ang pagbaha ng takot at sakit sa dibdib ko nang maalala ang dahilan kung bakit ako nawalan ng malay.

"Anak, gising ka na pala? Kumusta na ang pakiramdam mo?" si mommy agad nag nakita ko, pero hilam na ng luha ang mga mata ko.

"Mommy si Lance? Mom, hindi... hindi po totoo iyong napanood ko, 'di ba? Panaginip lang po ang lahat ng iyon, 'di ba, mommy?!" hindi ko na napigilan ang mapaiyak habang sunod-sunod na nagtatanong sa mommy ko. Parang dinudurog nang paulit-ulit ang puso ko maisip ko pa lang na hindi ko na ulit makikita at makakasama si Lance. Hindi puwede, hindi pa niya nalalaman na magkakaanak na kami.

"Huminahon ka muna anak, please," naiiyak na ring sabi niya sa akin. Pero agad akong umiling.

"No, mommy! Tawagan mo po si Lance, mommy. Kailangan niyang pumunta rito ngayon. May ibabalita po ako sa kaniya, mom. Please tawagan mo po siya!" pagsusumamo ko habang patuloy sa pag-iyak. Hindi ko maipaliwanag ang matinding sakit na nararamdaman ko ngayon. Ang takot na halos magpawala ng ulirat ko at direktang sumusugat sa puso ko.

Awang-awa si mommy habang nakatingin sa akin at bakas din ang matinding lungkot sa mga mata niya. At dahil nga roon ay lalong nadadagdagan ang takot at sakit sa dibdib ko.

Nang hindi siya magsalita ay bumangon ako at tinanggal ang suwerong nakakabit sa kamay ko. Ganoon na lamang ang gulat niya kaya agad niyang hinawakan at itinaas ang kamay kong nilalabasan ng dugo. Tumalsik na ang dugo sa kama at sa sahig dahil sa biglang pagkakatanggal ng nakakabit na karayom sa pulsuhan ko.

"Anak, ano bang ginagawa mo?! Diyos ko, kumalma ka anak at baka kung ano'ng mangyari sa iyo!" halos sumigaw na si mommy sa matinding pag-aalala. Eksakto namang bumukas ang pintuan ng silid at pumasok ang isang nurse na nabigla sa nakitang ayos namin ni mommy. Bumaba rin ang tingin niya sa mga patak ng dugo na kumalat sa gilid ng kama ko at sa sahig. Nanlaki ang mga mata niya kaya patakbo niya akong nilapitan.

"Ano pong nangyari, ma'am?" natatarantang tanong niya habang salitan kaming tinitingnan ni mommy na nagtatanong ang mga mata. Natahimik ako at biglang nahiya sa ginawa ko kanina.

"Huwag mo nang ibalik. Aalis na ako, kailangan ko nang umalis dahil may mahalaga akong kailangang puntahan!" nagulat siya nang bigla akong tumanggi nang kunin niya ang braso ko at ibabalik sana ang karayom ng dextrose na tinanggal ko. Napalingon pa siya kay mommy na ngayon ay malungkot lang siyang tiningnan.

"Pero, ma'am, hindi po kayo puwedeng umalis nang walang pasabi mula kay doc. Hintayin ni'yo na lang po kasi papunta na raw po siya rito ngayon. Nag-rounds lang po siya sa third floor, tapos babalik na po siya rito agad," malumanay na paliwanag ng nurse. Pero hindi pa rin ako nagsalita. Walang ibang laman ang isip ko kung'di si Lance. Kailangan kong malaman ang totoong kalagayan niya. Alam ko, dama ko sa puso ko na hindi totoo ang nasa balita. Hindi ako iiwan ni Lance ng gano'n-gano'n lang dahil nangako siya sa akin.

Riot Men Series #21: DESIRED BY THE BILLIONAIRE HEIRWhere stories live. Discover now