Chapter 30 Unexpected Act

1.9K 47 0
                                    


Hindi mawala-wala sa isip ko ang mga sinabi ni Lance. Ang gulo-gulo niya. Nakipaghiwalay na siya at lahat tapos sasabihin niya na sa kaniya lang ako? Sino'ng nagbigay ng karapatan sa kaniyang angkinin ako ng gano'n? Pagkatapos niyang makipaghalikan doon sa Hailey na iyon, sasabihan niya ako ng mga gano'ng salita? Ewan ko sa lalaking iyon, nasisiraan na yata ng bait!

"Oh, Farah, saan ka pupunta? Uwi na tayo!" tawag ni Leah sa akin. Napahinto ako sa paglalakad nang lingunin siya.

"Pupunta lang ako sa opisina ni Darwin at magpapaalam na hindi ako makakapasok bukas. Alam mo na, kailangan kong tumulong doon sa party kahit mayroon nang nirentahang organizer sina mommy," sabi ko.

"Wow, ha. Darwin lang talaga ang tawag mo sa boss natin?" panunukso niya, kaya umikot ang mga mata ko saka umiling.

"Iyon ang gusto niyang itawag ko sa kaniya. Saka kung ano man iyang iniisip mo itigil mo iyan, wala kang mapapala riyan," nakairap na sagot ko. Pero sa halip ay tinawanan niya lang ako at mas lumapit pa sa akin.

"Eh, bakit ba? Wala naman akong sinasabi, masiyado kang defensive. Saka ano naman kung magkagusto ka sa iba, eh, single ka naman," giit pa niya. Patagilid ko siyang tiningnan saka tinaasan ng kilay.

"Wala akong panahon diyan sa mga pinagsasasabi mo. Sige na, hintayin mo na lang ako sa labas," pagtataboy ko sa kaniya. Isang 'hmp' ang pinakawalan niya bago tumalikod at nagmamartsang umalis. Nailing na lang ako habang pinapanood siyang mawala sa paningin ko.

Dumiretso na ako sa pupuntahan ko at naabutan kong nagliligpit na rin ng gamit si Darwin. Siguro ay pauwi na rin. Pero madalas ay nag-o-overtime ito lalo kung hindi siya papasok sa susunod na araw para naman bumisita sa iba pa niyang mga restaurants.

"Hi, magpapaalam sana ako kasi magli-leave ako bukas," para namang hindi siya nagulat sa sinabi ko, pero gayunpaman ay hinintay ko ang isasagot niya.

"Why? May problema ka ba?" kunot-noong tanong niya.

"Ah, wala naman," itinaas ko pa ang dalawang kamay para patangging ikaway. "Birthday kasi ng mommy ko at thanksgiving party rin ng daddy ko bukas kaya kailangan kong tumulong sa paghahanda," pagtatapat ko. Saglit siyang tumitig sa akin bago tumango-tango.

"Oh, I see. Alright. By the way, invited ba si kuya riyan?" aaminin kong medyo nagulat ako sa tanong niya. Mabuti na lang at hindi niya napansin ang mabilisang pagkibot ng mga labi ko.

"Yeah. Business partner na siya ni daddy ngayon kaya inimbitahan siyang dumalo," mahinang sabi ko. Naiintindihan naman ako ni Darwin kaya palagay ang loob kong ipakita sa kaniya ang tunay kong nararamdaman.

"Siya nga pala, ano ba'ng nangyari kanina? Mukhang mainit ang ulo ni kuyang lumabas ng opisina ko. Binalaan pa ako na huwag na huwag daw didikit sa iyo. O kahit hawakan ka ay hindi raw puwede, akala ko ba wala na kayo?" nang-aarok na tanong niya. Maging ang maliit na ngiti sa mga labi niya ay tila nanunukso. Natigilan ako at sinalubong ang mga tingin niya. Hindi ko alam kung hinahamon ba niya ako o ano, pero may kakaiba sa tingin niya. Hindi ko nga lang alam kung ano iyon.

"Ikaw na mismo ang nagsabi sa akin, 'di ba? Bumalik na ang true love niya, so talagang wala na kami. Ewan ko nga rin doon sa kuya mo, mukhang nasisiraan na yata ng ulo," naghihimutok na saad ko. At nagulat ako nang bigla itong bumunghalit ng tawa. Nalilito ako dahil parang wala naman akong sinabing nakakatawa. Naku, magkapatid nga sila, pareho silang maluluwag ang turnilyo sa utak.

"Hey, huwag mo akong tingnan ng ganiyan," sita niya sa akin. Naguguluhan ko siyang tiningnan. "Huwag mo akong pag-isipan ng masama. Natatawa lang talaga ako, kasi feeling ko kahit naririto na si ate Hailey, gusto pa rin ni kuyang ariin ka," natatawa pa ring dagdag niya. Doon ako nakaramdam ng disappointment. Ano, gagawin niya akong kerida? Palipasan ng oras kapag bored siya sa girlfriend niya, gano'n? No way!

Riot Men Series #21: DESIRED BY THE BILLIONAIRE HEIRWhere stories live. Discover now