Chapter 34 Endless Hardships

1.8K 33 0
                                    

It took me a few good minutes before I could fathom what I just heard. Mariin akong napatitig sa kaniya habang siya ay unti-unting ngumisi at halatang nabasa na niya ang reaksyon sa mukha ko.

"Ilang araw nang masama ang pakiramdam ko at palagi akong nasusuka at nahihilo. Iyon naman pala, may magandang dahilan. Ayaw sagutin ni Lance ang mga tawag ko kaya naisip ko, sa iyo ko na lang ibabalita, tutal ikaw naman ang girlfriend, 'di ba? Naalala mo ba iyong gabing iyon na iniwan ka niya para pumunta sa akin. We made love the whole night at ito na ang bunga," may pang-aasar at buong pagmamalaking pahayag niya. Ngunit hindi ko pa rin mahagilap ang dila ko at hindi ko alam kung ano ang sasabihin. Napalunok ako nang maramdaman ang bara sa lalamunan ko. Kasabay din niyon ang sunod-sunod na pagguhit ng sakit sa dibdib ko. Parang pinipiga ang puso ko na lalong nagpapabigat ng bawat paghinga ko.

"Hindi ko alam kung ano ang purpose mo at sinasabi mo sa akin iyan. Pero gusto ko lang malaman mo na wala akong pakialam! Kung gusto mo, kausapin mo si Lance at sabihin mo iyang balita mo, dahil sa akin wala kang mapapala!" matatag at matapang na sagot ko. Kahit durog na durog na ang puso ko sa narinig ay hindi ko iyon ipakikita sa kaniya. Alam ko na ang tungkol sa nangyari sa kanila ni Lance at kasama iyon sa mga bagay na pinatawad ko na. Hindi ko lang talaga napaghandaan na magbubunga ang namagitan sa kanila ng gabing iyon. Sinabi sa akin ni Lance na lasing na lasing siya noon kaya hindi niya iyon matandaan. Pero gayunpaman, nandito na. Ano pa nga bang magagawa ko? Kung makikipaghiwalay si Lance sa akin para panagutan ang bata, iyon ang hindi ko pa alam. At hindi ko rin masasabi kung makakaya ko bang pakawalan siya nang hindi labis-labis na masasaktan at mahihirapan.

Tumalim ang mga tingin ni Angeli at napuno ng galit ang mukha niya. Ang inaasahan niya siguro ay maglulupasay ako rito at mag-iiyak. Gagawin ko man iyon, pero hinding-hindi sa harap niya. Hinding-hindi ako magpapatalo sa kaniya, lalo na at alam ko namang sinasadya niya lang na saktan ang damdamin ko.

"May iba ka pa bang sasabihin?" kunwa'y balewalang tanong ko. Hindi ako nagbaba ng tingin at pinanatiling nakataas ang noo ko.

"Tingnan natin ang tapang mo kapag hiniwalayan ka na ni Lance para panagutan ang anak ko. Sigurado akong kami ang pipiliin ni Lance, dahil alam niya ang pakiramdam na magkaroon ng hindi buong pamilya. Sure na sure naman akong hindi niya hahayaang lumaki ang anak niya na hindi kumpleto ang pamilyang makagigisnan nito!" buong tapang niyang saad. Muli ay para akong sinaksak ng diretso sa puso dahil sa narinig. Pero pinanatili ko ang katatagan sa mukha ko. Kahit hirap na hirap na ako sa pagpipigil na lumabas ang mga luha ko dahil sa kirot na bumabalatay sa dibdib ko ay hinding-hindi ako iiyak sa harap niya.

"Iyon lang? Gawin mo kung ano'ng gusto mo! Gaya na nga ng sinabi ko, wala akong pakialam!" matapang kong pahayag at tumayo na. Mabilis ko siyang tinalikuran at tinungo na ang pinto ng kainan. Alam kong sinusundan niya ako ng tingin pero hindi ako nag-atubiling huminto at tapunan din siya ng tingin. Nang makalabas ay nasa tabi ko na si Leah.

Hindi ako nagsalita hanggang sa pumara siya ng taxi at makasakay kaming dalawa. Nang umibis na ang sinasakyan naming taxi ay doon na humulagpos ang kanina ko pa pinipigilang lumabas.

"Uy, bakit?!" natatarantang tanong ni Leah nang bigla na lang akong napahagulgol ng malakas. Nabitawan ko ang handbag ko at itinakip ang dalawang kamay sa mukha ko. Ilang beses niya akong tinatanong pero hindi ako makasagot. Umiyak lang ako nang umiyak sa tindi ng sama ng loob. Paulit-ulit na nagre-replay sa utak ko ang mga sinabi ni Angeli at parang paulit-ulit ding dinudurog ang aking puso. Ilang gabi kong iniyakan noon ang matinding selos kapag nai-imagine ko kung paanong may nangyari kina Lance at Angeli. Pero mas masakit palang malaman na nagbunga pa iyon.

"Ano'ng gagawin ko, Leah? Ano'ng gagawin ko? Ang sakit-sakit! Ano'ng gagawin ko!" ilang ulit kong tanong habang patuloy na umiiyak. Maging iyong taxi driver nga ay nagtatanong na rin dahil siguro nag-aalala sa kalagayan ko. Pero wala akong magawa kung'di patuloy lang na umiyak. Naguguluhan ako, nasasaktan at nahihirapang mag-isip ng tama. Nilalamon ng matinding pighati ang puso at isip ko. Ang isipin pa lang na mawawala na sa akin nang tuluyan si Lance ay para na akong pinapatay. Hindi ko kaya!

Riot Men Series #21: DESIRED BY THE BILLIONAIRE HEIRTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon