Chapter 36

4.3K 69 4
                                        

Aftermath

"Nakilala ko si Isabella sa catering. Madaling pakisamahan kahit baguhan pa lang. Kaya kahit ilang linggo pa lang siya sa trabaho naka-close din namin agad," kwento ni Ate Marisol, kasamahan ni Mama sa trabaho.

"Hindi maarte ang nanay mo. Kahit anong ipagawa sa kaniya ng amo namin ayos lang sa kaniya. Kahit maglinis ng dumi sa banyo o kahit magpunas ng pinagsukaan ng mga bisita, hindi siya nagrereklamo. Ni hindi ko nga nakita na nagpapahinga iyon kaya naman isang araw nagulat ako kasi niyaya niya akong magsugal."

Nilahad sa akin ni Ate Marisol ang phone niya at pinakita niya sa akin ang mga picture nila ni Mama doon sa nasabing sugalan. Medyo nagulat ako kasi ang garbo ng suot niya doon. Tulad na lang din noong isang beses ko siyang naka-video call at sinabi niyang pupunta lang daw siya sa KTV.

"Lahat kami nagulat kay Isabella. Hindi namin inasahan na sugarol pala siya. Hindi lang basta bastang sugarol. Ang laki niya tumaya kasi malaki rin daw ang balik."

Kinagat ko ang labi ko bago ko kinuha ang kapeng nasa harapan ko. Niyaya ko muna sa malapit na coffee shop si Ate Marisol dahil hindi namin pwedeng pag-usapan ang lahat doon sa supermarket.

"M-may sinabi po ba siyang rason kung bakit niya ginagawa iyon? Kung paano nag-umpisa iyon?" tanong ko.

"Past time lang daw. Gano'n lagi ang sagot niya pero sa tingin ko Beatrice hindi lang iyon past time para sa kaniya. Mukhang coping mechanism niya na rin sa tuwing may problema siya. Minsan panalo, madalas talo. Noong una okay pa hanggang sa lumala ang pagsusugal niya."

Marahang inabot ni Ate Marisol ang kamay ko. "Hanggang sa nangutang na siya para lang makapagsugal. Kailangan niya raw para sa panganay niya pero parang hindi na gano'n ang nangyari. Adik na talaga ang Mama mo sa pagsusugal."

Ang hirap maniwala.

Hindi ganito ang pagkakakilala ko kay Mama. Hindi siya ganito. Hindi niya magagawa ito. Kami palagi ang inuuna niya at alam kong mahalaga kami sa kaniya kaya sigurado akong hindi siya gagawa ng bagay na ikakapahamak niya!

"Parang hindi naman po gan'yan si Mama. Kilala ko po siya. Hindi niya kayang gawin sa amin iyan!" giit ko, bahagya pang tumaas ang boses ko kaya may napatingin sa aming mga ibang customer.

"Ilang taon mo bang hindi nakita ang Mama mo? Lima? Anim? Maraming nagbago sa kaniya, Beatrice. Kaya nga lubog siya sa utang ngayon dahil sa pagiging sugarol niya."

"Hindi niyo po ba siya sinubukang tulungan? Kayo ang kasama niya doon diba? Kaibigan niyo ho ang Mama ko pero bakit hinayaan niyo siya? Bakit iniwan niyo siya?"

Ate Marisol lowered her gaze slightly. "Hindi naman kami gano'n ka-walang puso para pabayaan si Isabella. Sinubukan namin siyang itakas pero wala sa kaniya ang passport at visa niya. Hawak iyon ng pinagkakautangan niya para masigurado na hindi siya makakatakas."

"Kaya iniwan niyo na lang siya..." nanghihina kong sagot.

"May pamilya rin akong naiwan dito, Beatrice. Tulad mo, may mga anak din akong naghihintay sa akin kaya pasensya ka na kung hanggang doon lang ang kaya kong magawa para sa Mama mo."

"Magkano?" I breathed heavily. Nangingilid na ang luha ko. "M-magkano po lahat ng utang niya?"

"7 million HKD..." mahina niyang sagot. "50 million dito sa atin."

Tuluyan nang naubos ang natitira kong pag-asa. Isang milyon nga hindi ako makaipon, gano'n pa kayang kalaking halaga?

"Nagtatrabaho pa rin siya para lang bayaran ang utang at dahil hindi na rin siya makauwi," dugtong pa ni Ate Marisol pagkatapos ng isang minutong katahimikan.

It's the Same Old Song (The Runaway Girls Series #4)Where stories live. Discover now