Prologue

655 40 11
                                    

Prologue

Kakaapak ko pa lang sa building namin, bungad na bungad na sa akin ang tahimik na naglalakad na si Keeno. Maraming estudyante sa hallway pero angat na angat siya sa paningin ko. Hindi lang dahil matangkad siya, kundi dahil... siyempre, kahit saang lugar naman, madilim man o maliwanag, makikita at makikita ko pa rin siya agad.

At bakit hindi?

Ultimate crush ko iyan!

Sa kabilang dulo siya galing at mukhang papunta na rin sa third floor. Kabisado ko ang schedule niya sa umaga dahil halos araw-araw ko siyang nakakasabay sa hagdan. Suwerte pa ngang nasa parehong palapag ang mga klase namin. At magkatabi pa!

His name was Keeno Prince Ortega. Best friend ng pinsan kong si Alexandie at hindi ko talaga alam kung bakit ngayon ko lang siya nakilala. Magpinsan na kami since birth at mag-best friends na rin sila since forever. Sa mga panahong nagdaan, paano at bakit ngayon lang kami nagkatagpo?

Imagine my horror when I learned na sa INVU rin pala siya nag-aaral. Grabe... Mula kindergarten, dito na ako nag-aaral. Dito na ako lumaki at nagdalaga. Kahit malaki ang school namin, hindi pa rin iyon papasang valid reason as to why ngayon lang kami nagkita. Lahat ng mag-aaral dito, kung hindi magkakaibigan, halos magkakakilala na. So how come at hindi ko man lang siya napansin noon?

I met him for the first time sa senior high school graduation party ni Xandie. Bukod sa ako ang inatasan na maging photographer nina Tito Vince, nagbilin din sina Mommy at Daddy na mag-ipon ako ng maraming shots para may kopya rin kami. Kinukuhanan ko na ng solo shots ang pinsan ko nang bigla na lang siyang sumulpot sa tabi nito. He grinned so wide kaya halos hindi na maaninag ang eyeballs niya.

Ako naman, literal na napatunganga sa kanya. Naestatwa ang mga kamay ko sa hawak na camera.

Ngayon lang ako nakakita ng ganito ka-cute na lalaki. Matangkad siya at lalaking-lalaki ang tindig pero wala na akong maisip na ibang description na babagay sa kanya kundi iyon lang: cute. Sobrang cute. Mukha siyang Koreano dahil sa singkit na mga mata. Sa tuwing ngumingiti siya o humahalakhak, parang buong mukha niya ang nagniningning... at buong mundo ko naman ang tumitigil.

Hindi ko na nga matandaan kung paano ko nagawang kuhanan ng litrato ang dalawa. Kung hindi pa ako kinalabit ni Xandie, baka buong event ay wala ako sa sarili.

Bigla kong nahigit ang aking hininga nang maamoy ko ang pabangong gamit niya pagkatapak naming dalawa nang sabay sa unang baitang ng hagdan. Kagaya ng nakasanayan, marami ring paakyat na estudyante. Ang iba ay nagkukuwentuhan, ang iba naman ay nagmamadali. Ganoon ulit ang eksena ngayong umaga kaya halos magkadikit na kaming dalawa. Pabor naman iyon sa akin dahil bihira lang akong magkaroon ng pagkakataon na makalapit sa kanya nang todo.

Hindi ko na alam kung saan pa ilalagay ang kilig na nararamdaman kaya nagkasya na lang muna ako sa pagkagat sa pang-ibabang labi. Mamaya na lang ako ngingiti nang todo kapag nasa classroom na ako.

Pagkaakyat namin sa third floor, halos sabay ulit kaming lumiko. Sa point na iyon, halos hindi na ako humihinga. Mabuti na lang at malapit na ang classroom namin. Nasa gitna iyon ng palapag at ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata ko bilang warning nang matanaw ang dalawa kong kaibigan na nakaabang sa pagdating namin—este, sa pagdating ko lang pala.

Isang malaking ngisi ang isinalubong sa akin ni Czeila. Doon pa lang, gusto ko nang mapa-facepalm. Ngisi pa lang kasi iyon pero halata nang may ibang meaning. Lalo na't pagkatapos ay tiningnan nito si Keeno nang hindi nito hinaharap o nililingon. Mga mata lamang nito ang iginalaw nang mapadaan na sa tapat nito ang kasabay ko.

Abot-abot ang kaba ko dahil ang obvious nito masyado sa pag-aabang. Mas maliit kasi ito kumpara sa amin ni Rhyne. Lalo naman kay Keeno kaya may posibilidad na baka nakita niya ang ginawa nito.

Keeno's Princess (2023)Where stories live. Discover now