Chapter 4

247 24 9
                                    

Chapter 4

"Hindi ko alam kung ano'ng sasabihin sa dalawa."

Pagkasarang-pagkasara ni Tito Vince sa ref, iyon agad ang namutawi sa mga labi nito. Mula sa mga hinuhugasang pinggan, lumipat ang tingin ko rito. Halata sa mukha ang stress nito nang humugot ng malalim na hininga. Napainom pa nga ng tubig dahil mukhang apektado pa rin hanggang ngayon sa nangyaring sagutan kanina ng dalawang magkaibigan sa hapag.

Si Keeno, tuluyan nang lumayas pagkatapos maglabas ng sama ng loob. Si Xandie naman, hindi na ulit umimik kaya alam kong dinamdam no'n ang nangyari. Medyo maramdamin pa naman ang pinsan ko. Ngayon ko pa lang ding nasaksihan na magtaas ng boses si Keeno rito. Nasa dugo niya ang pagiging suplado pero pagdating kasi kay Xandie, mga fifty percent ang bawas. 'Yong bawas na iyon, nalipat sa akin. Kung susumahin, bale lahat ng inis at galit ni Keeno sa mundo, ako ang tagasalo. Binabalik ko naman sa kanya agad. Tinitriple ko pa.

"Ngayon lang nag-away ang dalawang iyon." Isang malalim na hugot ulit ng hininga ang ginawa ni Tito Vince at nang pakawalan nito iyon, inilapag na nito ang basong ginamit sa tabi ng mga hinuhugasan ko bago bumalik sa bookshelf na kanina pa nito niri-rearrange. Buwan-buwan, iba-ibang arrangement ang ginagawa nito roon. Hitik iyon sa pocketbooks, mga koleksiyon nito mula pagkabata.

Isang taon na itong walang trabaho. May pag-aari itong milk tea house sa labas ng subdivision pero pasilip-silip na lang ang ginagawa nito roon. Matalik na kaibigan na nito ang nagma-manage. Mula nang gr-um-aduate kasi si Xandie, hindi na ito pinayagang magtrabaho ng pinsan ko. Bawal kasi ang stress dito dahil nati-trigger ang migraine. Ibang klase pa naman ang migraine nito, sobrang lala to the point na sinasabayan ng pag-atake ng seizure.  Eh, iyon pa naman ang pinakainiiwasan namin dahil dati na itong naoperahan sa utak. Malaking tumor ang nakuha na kung pumutok bago naagapan, paniguradong wala na ito sa buhay namin ngayon.

Sanay magtrabaho si Tito Vince pero pinagbigyan nito ang gusto ni Xandie. Iyon nga lang, halos hindi rin ito nauubusan ng gawain sa bahay. Kung puwedeng baliktarin ang buong bahay, baka ginawa na nito magkaroon lang ito ng gagawin.

"Hayaan na muna natin, Tito."

"Alam mo kasi, hindi ko ma-gets si Keeno," problemado pa ring himutok nito. "Nangunguna pa nga iyon noon sa pambubuyo sa tuwing inuudyok ko nang mag-boyfriend ang pamangkin ko. 'Tapos, ngayong mayroon na, naghihigpit?"

Isa-isa ko nang inilagay sa dish rack ang mga plato.

"Jowain mo na kaya? Nang mabawasan naman ang init ng ulo no'n."

Biglang dumulas ang isang baso mula sa kamay ko. Tumalbog iyon nang isang beses sa kitchen counter bago nag-dive pababa sa sahig. Mabuti na lang at mabilis kong naipangsalo ang dalawang kamay ko roon.

"Ay, pati baso, ayaw!" maluwang ang ngising pangangantiyaw nito.

"Tito naman!"

"Grabe! Na-distract agad!"

Napangiwi ako at umaktong naduduwal sa sink.

"Diring-diri, Princess? Kapag kayo nagkatuluyan!" Napaismid ito.

For a while, nakita ko ang sarili ko rito sa tuwing tinutukso ko si Czeila kay Troy at si Rhyne kay Asher. Pero ibang kaso naman kasi ang dalawang iyon. Mabait naman kasi si Troy. Masungit din at palapatol sa pag-iinarte ni Czei pero mabait. 'Yong mga pagsusungit naman din kasi nito, madalas na dulot ng pag-aalala. Matigas kasi ang ulo ng kaibigan ko. Halos araw-araw magtalo ang dalawa to the point na hindi yata mabubuhay ang mga ito kung hindi nasisinghalan ang isa't isa. Eh, kami ni Keeno, basta't hindi niya ako uunahan, kaya kong manahimik at ignorahin ang existence niya. Si Czeila kay Troy, hindi. Kapag hindi ito pinansin ni Troy, hahanap at hahanap iyon ng pag-aawayan ng mga ito para lang mapansin. Hindi naman umaatras si Troy pero sa lagay na iyon, masasabi kong ito na ang may pinakamahabang pasensiya sa aming lahat pagdating kay Czei. Kaya mas gusto ko iyon kaysa sa manliligaw nitong hindi ko feel ang hilatsa ng pagmumukha kahit maayos namang makitungo sa amin. Pakiramdam ko kasi, nasa loob ang kulo. Ayoko ng ganoon.

Keeno's Princess (2023)Où les histoires vivent. Découvrez maintenant