Chapter 10

257 22 8
                                    

Umabot na tayo sa Chapter 10. After this, every Friday ko na ia-update ang Chapter 11 hanggang 20 and Epilogue. Thank youuu! Happy reading! ♥️

Chapter 10

Pagkatapos ng naging reaksiyon naming dalawa ni Keeno, tila may kakaibang hangin ang dumaan sa pagitan namin kaya sa sumunod na mga sandali, hindi na namin magawang tingnan ang isa't isa. Tinantanan na niya ang buhok kong unti-unti nang natutuyo. At ako naman, ibinuhos na ang buong atensiyon sa pagpapatuloy ng kinakain.

Hindi ko na siya ulit tiningnan pero ramdam kong umalis na siya sa likod ko.

Pagkatapos kong mag-agahan—na parang lunch na rin kasi halos tanghaling-tapat na, mabilis kong hinugasan ang mga pinagkainan ko at saka dumiretso na sa kuwarto. Bitbit ko ang bigay niyang Kit Kat at business card. Napasandal ako sa pinto pagkasara ko niyon at napangiwi na lang nang tingnan ang isinulat niyang sorry. Ang daming sticky note sa opisina namin pero sa business card pa nilagay.

Opisina ko pala. Ano ba 'yan?

Napahinga ako nang malalim at inilapag na ang mga iyon sa bedside table. Pagkatapos ay saka ko hinarap ang kama at inayos. Mukha na namang dinaanan ng bagyo dahil sa pamimilipit ko kanina. Pero mabuti na lang, hindi nadamay sa tagos ko kanina kasi nakatagilid akong humiga.

Hindi ako mapakali nang walang ginagawa kaya pinagdiskitahan ko na rin ang closet ko. Nagulat ako nang makitang maayos pa rin ang mga gamit doon kahit alam kong binuksan iyon ni Keeno kanina nang kumuha siya ng mga isusuot namin. Napangiwi ako ulit nang makita ang undies ko.

Dear God... wala na yata akong maitatago pa kay Keeno.

Kung ano-anong abubot pa ang mga pinagkalkal ko para lang hindi ako mabakante at magkaroon ng dahilan para lumabas. Nang mapagod, nahiga ako nang bahagya sa couch at hindi sinasadyang nakatulog. Namalayan ko lang iyon nang maalimpungatan ako sa naramdamang init. Napabangon ako agad at napatayo habang pinupunasan ang pawis sa leeg. Pinatay ko nga pala ang aircon kanina bago ako naglinis. Kahit wala naman talaga akong dapat na linisan in the first place kasi naglinis ako kagabi bago natulog.

Humihikab na tinungo ko ang pinto nang makita sa wall clock na halos alas tres na ng hapon. Wala naman na siguro si Keeno sa labas. Imposibleng hindi pa iyon umalis o umuwi. Sapat na ang tatlong oras para patuyuin ang mga nilabhan niya.

Kaya ganoon na lang ang panggigilalas ko nang bumungad sa akin ang nakahigang bulto niya sa couch. Matagal ko nang alam kung gaano siya katangkad at kalaking tao pero hindi ko pa rin naiwasang ma-overwhelm nang makitang lumampas ang mga paa niya. Malaki na kasi sa akin ang seventy inches na sofa na iyon but he made it seem so small.

Nakatihaya siya sa pagkakahiga at ang kanang braso ay nakaangat at nakatakip sa kanyang mga mata. Yakap naman ng isa ang throw pillow sa dibdib niya. May isa pang throw pillow na nakapuwesto sa bandang ibabang bahagi ng kanyang katawan. Doon ko lang napansin na T-shirt at tuwalya ko pa rin ang suot niya. At base sa kalmadong pagtataas-baba ng kanyang dibdib, mukhang nakatulog na sa paghihintay.

Maingat kong isinara ang pinto ng kuwarto bago ako nagpunta sa laundry area. Naroon pa nga ang mga damit na nilabhan niya. Inilabas ko na agad ang mga iyon at isinampay sa sunroom sa terasa para matuyo nang maayos. Mabilis na lang iyon dahil bukod sa maaraw pa rin, medyo may kalakasan din ang hangin.

Pagkabalik ko sa loob, muli akong pumasok sa kuwarto nang makitang hindi pa rin natitinag si Keeno sa couch. Kumuha ako ng kumot at binitbit iyon palabas. Maingat ang mga hakbang na tinungo ko siya. Nang tuluyang makalapit, nakita kong kunot ang kanyang noo. Buwisit na buwisit siguro 'to sa buhay kaya pati sa pagtulog ay nadadala.

Napabuntong hininga na lang ako bago ko ibinalot sa kanya ang kumot. Pero dagli ko ring nahigit ang sariling hininga nang bigla niyang hawakan ang palapulsuhan ko.

Keeno's Princess (2023)Where stories live. Discover now