Chapter 18

33K 1.1K 188
                                    

Morixette's POV


Manghang-mangha ako sa ganda ng paligid. Mga matatayog na puno na nakikisabay sa ihip ng hangin; mga dahong kumukumpas sa pag-indayog; mga halamang namumukadkad sa may parang; mga anyong tubig na tahimik sa pag-agos at marami pang iba. Masarap sigurong mamuhay sa probinsiya.


Sa paglandas ng aking mga mata, namataan ko ang dalawang matanda na nakatayo sa may gate at pawang hindi makapaniwala nang makita si Ate Ginny.


"Manong, Manang, na-miss ko po kayo!" bungad niya sabay yakap sa dalawang matanda.


Sa tantiya ko, mga nasa singkuwenta pataas na ang edad ng mga ito.


"Ma'am Ginny, paanong buhay ka pa ngayon e 'di ba patay ka na?" tanong ni Manong matapos humiwalay sa yakap ni Ate Ginny.


Kaming lahat ay nandito lamang sa may tabi ng sasakyan at nakatayo, hindi naman masyadong malayo sa kinaroroonan nila at tila naghihintay kung anong kaganapan ba ang mangyayari.


"Naku, Manong, mahabang istorya. Saka ko na po ipapaliwanag," turan ni Ate Ginny.


"Alam na ba ng mga magulang mo na buhay ka?" segunda ni Manang.


Umiling si Ate Ginny bilang tugon.


"Hangga't maaari po sana, huwag ninyo munang ipaalam sa mga magulang ko na buhay po ako. Hindi ko po kasi alam ang magiging reaksyon nila saka masyado pang komplikado ang lahat," paliwanag nito.


"Sige Ma'am, masusunod..." tugon ng mga ito.


"Nga po pala, kasama ko ang mga kaibigan ko," aniya.


"Hello po," tugon namin na may kasamang ngiti sa aming mga labi.


"P'wede po bang dito muna kami tumuloy pansamantala?" tanong ni Ate Ginny.


Nagkatinginan ang mag-asawa at pawang gustong matawa.


"Oo naman, saka kayo ang nagmamay-ari nito. Tagapangasiwa lamang kami," saad nila.


"Maraming salamat po talaga!"


Nabuhayan kami ng loob na lahat dahil sa mabuting balita na narinig namin.


"Halina't pumasok na kayo. Ipaghahanda ko kayo ng makakain," paanyaya ni Manang.


Tuwang-tuwa kaming nagsipasok sa loob ng bahay na pawang mga bata.


Pagkapasok namin sa loob, nagkaniya-kaniya na ng gawa ang mga kasama namin. Ang iba, humilata sa may sofa kagaya nina Aaron at Agatha na talaga namang kailangang mamahinga sapagkat hindi naman sila natulog sa biyahe. Tumulong naman sa kusina si Ate Arianne, Nikka at Grace.

Might of Alibata (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon