Chapter 75

16.5K 624 28
                                    

Agatha's POV


Unti-unting nanghihina sina Aaron at Nikka. Naghihikahos na sila at tila ba mga nakahiga na dahil sa labis na pamamalipit.


Ilang sandali lang, tumigil sila sa pagkibot. Hindi na sila gumagalaw, para bang wala na silang buhay...


"Nikka! Aaron! Bumangon kayo riyan!" sigaw ko.


Hindi p'wedeng ngayon pa kami panghinaan ng loob. Hindi dapat mawala ang pag-asa na halos abot-kamay na namin. Masasayang ang lahat ng pinaghirapan namin kung hindi namin matatalo ang kalaban.


"Malalaman natin kung ano ang kaya ninyong gawin," sambit ng dragon. Nanlaki ang mata ko nang idako ko ang aking atensiyon sa kaniya. Nagliliwanag ang kaniyang katawan at maging ang scorpion kaya ako nabahala.


"Agatha, sina Aaron at Nikka!" turan ni Roxette na natataranta.


Nang ibaling ko ang aking tingin sa dalawa, pinapalibutan at iniiukutan sila ng usok na kulay pilak. Gano'n din ang nangyari sa dalawa naming kalaban.


"Anong ginagawa ninyo sa katawan nila?" nagugulumihanan kong tanong.


"Panuorin ninyo kung ano ang mangyayari," tugon ng scorpion.


Mayamaya pa, tila ba nagsasanib at nagiging isa si Nikka at ang scorpion habang si Aaron at ang dragon naman. Napangiwi ako sa aking nasaksihan.


"Hindi maaari..." malumanay na sambit ni Mark.


Matapos ang pagsasanib na naganap, 'yung scopion at ang dragon na ngayon ang gumagamit sa katawan nina Nikka at Aaron. Wala namang naiba sa kanilang kasuotan, kulay lang mismo. Ang kanilang kasuotan, sandata, sapatos, burloloy at buhok ay naging kulay pilak.


"Ano masasabi n'yo ngayon?" bungad no'ng scorpion.


"Anong ginawa ninyo sa mga kaibigan namin? Ibalik n'yo sila!" singhal ko.


"Well, nandito pa rin naman sila sa katawang 'to. Pinatulog lang namin ang kanilang diwa para kami ang makagamit ng kanilang katawan," paliwanag no'ng dragon.


"Mga tampalasan!" giit ni Roxette. Gigil na gigil siya sa kalaban pero wala kaming magawa sapagkat paralisado pa rin ang aming katawan.


"Saka ka na magngitngit kapag natalo namin kayo," wika ng scorpion sabay hagalpak ng tawa.


"Kung gayon, magpakilala kayo sa amin!" ani Mark.


"Sa wakas at natanong mo rin 'yan. Ako si Draion, isa sa tagapagbantay," ani ng dragon.


"At ako naman si Scorfaye," ani ng scorpion.


"Hindi magiging maganda ang laban natin kung hindi kayo makakagalaw..." dagdag pa ni Scorfaye saka ipinitik ang kamay sa ere. Kasabay no'n, nawala na ang pagkaparalisa ng aking katawan, maaari na namin silang labanan.

Might of Alibata (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon