Chapter 90 (part 2)

21.7K 757 187
                                    

Ginny's POV


Panandaliang nagkaroon ng katahimikan. Wala nang kawala si Death ngayon dahil anim na ang nakapalibot sa kaniya. Batid kong nag-iisip siya ng paraan kung paano makatatakas at matatalo ang aking mga kasama dahil palinga-linga siya sa paligid.


May ginamit si Rox na kapangyarihan para makabawi sila ng lakas. Kahit anong oras, mukhang kaya nilang itumba ang huli naming kalaban para tuluyan na naming makamit ang kapayapaan.


"Ano, Death? Lalaban ka pa ba?" bungad ni Cross na may halong pantutuya. Hindi naman ito nagpasindak sa mga kasama ko. Bagkus, isang nakakalokong ngiti ang kaniyang pinakawalan.


"Wala sa bokabularyo ko ang salitang pagsuko, Cross... alam mo 'yan. Gagawin ko pa rin ang lahat, para maitumba kayo," mapang-uyam nitong tugon.


Para bang kalmado at kampante na siya ngayon. Mukhang may naisip na siyang paraan sa kabaliwang 'to. Pero kahit na gano'n, alam kong hindi papayag ang mga kasama ko na magpasupil sa kadiliman.


"Kailangan mo ng manahimik, Death. Hindi na namin palalampasin ang pagkakataong ito para makabawi sa panlalapastangan mo sa amin," sabat ni Time.


"Tatlong palakpak para sa iyong tinuran, Time..." pang-uuyam ni Death habang nagpapakawala ng tatlong palakpak.


"Dapat lang na tugisin ang isang katulad mo! Sagad sa buto ang iyong kasamaan!" giit ni Roxette.


Umiinit lalo ang tensiyon sa kanilang direksiyon. Sina Life at Morixette naman, hindi pa rin sila tapos sa kanilang ginagawa sa loob. Kailangan na nilang bilisan...


"Gusto ko ang poot na dumadaloy ngayon sa iyong ugat, Roxette. Tingnan natin kung hindi ka lalong magngitngit sa gagawin kong 'to," ani Death sabay kalatok ng kaniyang tungkod na may lupa. Ilang saglit pa, naglabas ng itim na usok ang bungo sa kaniyang tungkod na bumalot sa kanilang lugar.


Hindi ko makita kung ano ang nagaganap ngayon dahil sa usok na bumabalot sa kanila. Kamukatmukat ko, nakita ko si Agatha na nakalutang na sa himpapawid.


"Ahh!" sigaw ni Mark.


Kinabahan akong bigla sa kung ano ang nangyayari ngayon doon. Agad namang kumilos si Agatha at ikinampay ang kaniyang pakpak para itaboy ang usok gamit ang hangin. Nang mawala ang usok, bumungad sa amin si Mark na nakaangat sa ere habang may tila itim na usok na nagmumula sa bungo ang nakasakal sa kaniyang leeg. Pilit na pumapalag si Mark pero unti-unti na siyang nanghihina.


"Mark!" sigaw ni Rox sabay sugod patungo kay Death.


"Bueno sequipache," turan ni Death at nagpakawala siya ng maraming barang para mapigilan si Rox.


"Bubble scheme!" sambit ni Nikka at nagpakawala ng mga bula para ikulong ang mga barang na umaaligid kay Rox.


"Hindi maaari, mukhang gagawin niya nga..." kabadong saad ni Cross.


"Ano ang ibig mong sabihin, Krusita?" nagugulumihanang tanong ni Agatha.

Might of Alibata (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon