Chapter 81

16.8K 690 119
                                    

Agatha's POV


Halos lumawit na ang aking dila dahil sa pagkakasakal ng tali ng yoyo ni Xiara sa aking leeg. Napasinghap agad ako sa hangin matapos niya akong kalagan.


Nakahawak ako sa aking leeg at medyo umuubo-ubo habang nakatingin nang masama sa kaniya. Siya naman, nakahalukipkip lang sa aking harapan at tila ba sinisimpatiya kung papatulan ko siya.


"Malala na iyang kabaliwan mo, Xiara. Mukhang kailangan mo ng magpagamot sa espiritista," bungad ko habang dahan-dahang tumatayo. Nginitian ko siya nang nakakaloko para inisin siya at nagtagumpay naman ako.


"Magpasalamat ka nga dapat sa akin dahil ikaw ang hinarap ko. Dedo ka na ngayon tiyak kung si Ate Helga ang kumalaban sa iyo," anas nito. Naglalakad siya ngayon paikot sa akin nang dahan-dahan, tila ba sinisiyasat niya ako mula ulo hanggang paa.


"E 'di salamat," pang-uuyam ko.


Napahinto siya sa paglalakad at mistulang napatiim-bagang na lang. Kasabay no'n, inihagis niya ang kaniyang yoyo at ako'y tinamaan no'n sa noo.


"Aray!" giit ko dahil ang lakas ng impact no'n.


"Higit pa riyan ang kaya kong gawin," aniya. Itinaas niya paharap ang isa pa niyang kamay at doon ko nakita na dalawa pala ang yoyo niya.


"S'yempre, hindi ako magpapatalo sa iyo 'no. Si Agatha kaya 'to," sambit ko.


"Tingnan natin kung hanggang saan ang iyong galing," saad niya. Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa at nagpalit na ako ng anyo.


"Bam!" sambit ko. Unti-unti akong lumutang sa ere at nagpalit ng anyo.


"Maganda ang sandata mo. Magamit mo kaya iyan nang maayos sa akin?" ani Xiara pagkalapag ko sa lupa.


"Malalaman natin kung magsisimula na tayo," tugon ko sabay hugot ng aking sandata do'n sa aking likuran.


Tumakbo palayo sa akin si Xiara, hindi ko alam kung ano ba ang plano niya. Hindi ko siya mahahabol sapagkat hindi ko kayang tumakbo nang mabilis, at hangga't maaari, hindi ako tatakbo. Hinayaan ko na lang ang aking palaso na habulin siya.


Sampung malalaking hakbang lang naman ang layo niya sa akin kaya tiyak kong maasinta ko siya. Sa bawat palasong pinakakawalan ko, sinasalag niya lang ito gamit ang kaniyang yoyo. Hindi ko siya matiyempuhan dahil ang bilis niyang kumilos.


"Nakakabagot, iyan lang ba ang kaya mong gawin?" pantutuya niya. Malakas ang pagkakasigaw niyang iyon, minamaliit niya yata ako.


Sa inis ko, ihinagis ko sa direksiyon niya ang aking pana na tila ba isang boomerang. Yumuko lamang si Xiara para iwasan ito.


"Hay naku, napakadali namang iwasan no'n," singhal nito. Nginitian ko lang siya bilang tugon.

Might of Alibata (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon