Chapter 80

18.4K 684 127
                                    

Roxette's POV


Wala namang pinasunod na kampon si Death nang makaalis sila Time para isagawa ang kanilang misyon.


"Tapusin na natin ang kahibangang ito. Huwag na kayong mandamay pa ng ibang tao!" sambit ko.


Malakas ang loob ko dahil kaagapay namin si Life. Habang pinagmamasdan ko ang tatlong maria, ibang-iba na sila sa dati. Mukhang pinalakas sila ni Death para tapatan kami. Ramdam ko rin ang naghuhumindig nilang lakas kaya hindi kami dapat magpakakampante.


"Bilib din ako sa iyo, Roxette. Sige, pagbibigyan ka namin," ani Helga sabay lakad papalapit sa akin.


"Bago n'yo simulan ang inyong laban, tumungo na muna tayo sa komportableng lugar," pahayag ni Death. Agad niyang itinaas ang hawak na tungkod na may mahabang talim sa dulo. Sa dulo ng tungkod, matatagpuan ang isang tila ba bungo at ito'y nagpakawala ng itim na usok na lumukob sa aming lahat.


Makalipas ang ilang saglit, nawala na rin ang usok. Pagtingin namin sa paligid, nandito na kami ngayon sa isang malawak na field na tila ba pinaglalaruan ng soccer. Malaki ito masyado, wala ring ibang tao bukod sa amin.


"Dito natin tapusin ang inyong sinimulan," bungad ni Death sabay kalatok ng hawak na tungkod sa may lupa.


"At dito rin magwawakas ang iyong kasamaan," segunda ni Life.


Iniunat ni Life ang kaniyang kanang kamay patungo sa direksiyon ni Death at nagpakawala siya ng isang puting salamangka patungo rito. Sa kaliwang kamay naman niya, tangan-tangan niya pa rin ang Alibata na libro. Tinapatan ito ni Death ng isang itim sa salamangka na nagmumula sa bunggo na nasa kaniyang tungkod.


"Huwag kang tumingin sa kung saan-saan!" sigaw ni Helga sabay sipa sa aking tiyan. Napaatras ako at hindi ko kinayang hindi mapaluhod sa lupa. Medyo makirot dahil sa taas ng kaniyang takong. Babawian ko talaga siya kapag naka-recover ako.


"Roxette!" sigaw ni Agatha. Akmang lalapitan niya na ako nang biglang may pumulupot na tali ng yoyo sa kaniyang leeg.


"Akin ka, tayo ang magtuos!" giit ni Xiara at kinaladkad si Agatha palayo sa amin.


"Ang sasama n'yo talaga!" anas ni Nikka. Kamukatmukat ko, nasa likod na niya si Ethel.


"Huwag tayong makisawsaw sa kanila. Tayo na muna ang maglaro," sambit ni Ethel.


"Ahh!" sigaw ni Nikka dahil sinabunutan siya ni Ethel bago sila maging usok at maglaho para lumayo-layo.


Lahat kami ay nandito lang sa malawak sa field. Masyado lang kaming layo-layo pero natatanaw naman namin ang bawat isa. Kung natalo namin ang mga tagapagbantay ng talulot, matatalo rin namin ang tatlong maria. Kailangan naming lakasan ang aming kumpiyansa.


"Gaganiyan ka na lang ba riyan habambuhay?" pagsingit ni Helga na ngayo'y nakahalukipkip pa. Nakataas pa ang kaniyang kanang kilay at nandidilat ang mga mata. Akala niya siguro'y masisindak ako ro'n. Dahan-dahan akong tumayo kahit na nakayuko.

Might of Alibata (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon