Chapter 34

25.1K 935 143
                                    

Mark's POV


Bumuwelta kaagad sa akin ang taong putik nang magkaharap kami. Pinaulanan niya ako ng maraming bolang putik kaya naman takbo-ilag lang ang ginagawa ko.


Hindi pa ako nakakaisip ng paraan kung papaano siya tatalunin gayong wala akong magawa sa pagsugod niya.


"Hindi mo ako matatakasan, bata..." giit niya.


Wala akong magawa kundi ang tumayo rito at harapin ang bawat pag-atake niya.


Ilang saglit pa, sumugod siyang muli at pinaulanan ako ng bolang putik. Tumindig lang ako sa kinatatayuan ko upang salagin ang kaniyang mga tira gamit ang aking espada.


Wasiwas lang ako nang wasiwas para mahiwa ang bawat bolang putik na inihahagis sa akin. Kamukat-mukat ko, hindi ko napansin na nawala na ang talim ng aking sandata sapagkat nabalot na ito ng putik ng kalaban.


"Paano na iyan? Makakalaban ka pa ba?" pang-aalaska niya habang namumutawi ang ngiti sa kaniyang labi.


Napailing na lang ako dahil mukhang wala akong laban sa kaniya. Ilang saglit pa, naramdaman ko ang pagyanig ng lupa.


"Hayaan mong ipalasap ko sa iyo ang lubusang pagkatalo," aniya habang nakatingala at nakataas ang dalawang kamay.


Nakaantabay lang ako sa maaari niyang gawin habang palinga-linga sa paligid.


Isa-isang naglutangan sa ere ang mga hugis diamond na putik na tila ba pinatigas ng lupa. Hindi ko mabilang kung gaano iyon karami. Itinapat niya sa akin ang kanan niyang kamay habang nakakuyom ang kaniyang kamao.


"Le siartes," aniya sabay buka ng kaniyang kamao.


Biglang nagsisuguran sa akin ang mga ito. Ginamit ko pa rin ang aking espada para sanggahin sana ang mabilis na pagbulusok ng mga iyon ngunit bigo ako.


"Aaaaa!" sigaw ko. Para bang isang malakas na suntok ang ginagawad ng mga ito sa bawat pagdampi sa aking katawan.


Roxette's POV


Heto, nahaharap na naman kami sa panibagong pakikipagsagupaan. Tiyak na marami pa kaming makakaharap na iba't ibang nilalang dito kaya kailangan naming magpakatatag.


"Ang ganda mo naman," bungad ng isang taong putik sa aking gilid.


"Huh, tigil-tigilan mo nga ako," sambit ko.


Dalawang beses kong pina-ikot ang aking sandata into 360 degrees bago ko ito itinutok sa kaniya. Naglakad siya papaikot sa akin kaya sinabayan ko siya. Nag-ikutan kaming dalawa sa layong tatlong dipa.


Huminto ako saglit at ganoon din ang ginawa niya. Itinaas ko ang aking kanang kamay at tinutukan siya ng aking sandata.

Might of Alibata (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon