Fifteenth Star 2

3.8K 89 4
                                    

"NASAAN BA TAYO NGAYON?" tanong ko kay Laurence matapos niyang ihinto ang sasakyan. Hindi ko alam kung nasaan ba kami? Wala na yata kami sa Maynila.

"Ito 'yong sinabi ko dati na madalas naming puntahan ni Kuya." Tugon niya. Tiningnan ko siya, naroon na naman ang malungkot at malalim niyang mga mata. Kanina lamang ay pinagtitripan niya pa ako. Puwede bang ibalik na lamang ang malokong iyon? Umiling ako at naglinga-linga sa paligid. Nandito kami ngayon sa isang tabing ilog. Marahil ay ito ang kinuwento niya sa akin noon. Hindi ko akalain na babalik siya kaagad dito matapos ang aming pag-uusap. Alam kong maraming masasakit na alaala ang gusto niyang takasan pero hanggang ngayon ay hindi niya magawa-gawa. Sa pagbalik niya rito ay tiyak na manunumbalik din ang lahat ng sakit.

"It's been four years since the last time that I had been here." Aniya kasunod ng malalim na buntong hininga

"Iyon ay noong naganap ang aksidente, hindi ba?" tumango siya bilang kasagutan. Binuksan niya ang pinto at lumabas na.

"Ang ganda naman dito," masigla kong wika para mawala ang gloomy atmosphere na bumabalot sa paligid. Muli akong naglinga-linga sa paligid. Nasaan ba kami ngayon?

"This is what I call Secret Haven. Puwede kang tumawa, alam kong corny." Ani Laurence na tila nabasa ang tanong sa isip ko. Bahagya siyang humalakhak. Sinundan ko na lamang ang tinatahak ng kanyang mga mata. Isa itong malawak na kaparangan na malapit sa ilog. May mga asul na  irises na namumukadkad sa lugar na ito. Maaliwalas sa mata ang tanawin at malamig ang simoy ng hangin. Pero kahit gaano kagandang pagmasdan ang palagid ay hindi pa rin niyon maitatago ang lahat ng nangyari noon. Muli kong sinulyapan si Laurence. Umiling ako para iwaksi ang alaalang iyon. Kailangan maging masaya kami ngayon.

Tumakbo ako patungo sa gilid ng ilog, may malaking batong nakapuwesto roon. Naupo ako at tinanggal ang suot kong sandals at nilublob ang aking paa sa malamig na tubig. Pinagmasdan ko ang pag-agos nito. Napakaraming nangyari mula noong lumipat kami ni Mama ng tirahan, marami akong nadiskubre... ngayon ay hindi ko na mawari kung ano ba ang dapat kong gawin— ang sumabay sa agos o ang gumawa ng sarili kong ilog.

"Nangako ako na hindi na ako babalik dito at hinding hindi na ako muling iiyak, na hindi na ako muling magiging mahina." Nilingon ko ang papalapit na si Laurence habang patuloy pa rin ako sa pagtatampisaw sa tubig. "But you made me realize na mali iyon. I cannot run away, I cannot just forget at kahit ano pang  maskara ang suotin ko, hinding hindi ko na maaalis ang katotohanan na wala na si kuya at kasalanan ko iyon. Paano ko tatakasan ang isang bagay kung hanggang ngayon, maging ang anino ni Daddy ay sumusunod sa akin?"

Muli akong humarap sa tubig at hinintay si Laurence na ipagpatuloy ang gusto niyang sabihin.

"Hanggang ngayon ay hindi ko maramdaman na ama ko siya. Si Daddy, palagi siyang nakasunod sa akin. Binabantayan niya ang bawat kilos ko. Palagi niyang ipinapamukha sa akin na kasalanan ko kung bakit muntikan nang bumagsak ang kompanya dahil namatay ang successor nito, dahil namatay si Kuya. Hindi ko alam kung ano ang tunay na ibig sabihin ng salitang ama until Laurein came. Sinikap kong maging isang mabuting ama sa kanya, sinikap kong maging isang ama na kailanma'y hindi ko nakita kay Daddy."

"Hindi ko alam kung anong mayroon sa inyong dalawa ng daddy mo pero ang masasabi ko lang ay masuwerte ka pa rin kahit paano kasi ay may matatawag kang ama samantalang ako... hanggang pictures lang ni Papa ang nakita ko. Ayon kay Mama, bata pa lang ako noong umalis si Papa at mula noon ay hindi na siya bumalik. Hanggang sa nakarinig na lang kami ng bulung-bulungan na wala na si Papa, na patay na siya. Sana nagkaroon man lang ako ng chance na makita at mahawakan siya. Sana nakausap ko man lang siya, nalaman ko man lang sana ang pakiramdam na may tinatawag na ama." Hindi ko na napigilan ang pagbagsak ng luha ko. Hindi ba't sabi ko, dapat ay masaya kami ngayon pero pareho lang naming binabalikan ang nakaraan— 'yong nakaraan na gusto naming kalimutan.

Naramdaman ko na lamang ang braso ni Laurence na pumulupot sa balikat ko at ang pagdantay ng kanyang baba sa kabilang balikat.

Nagpatuloy ang pagdausdos ng mga luha sa aking pisngi. Sa kauna-unahang pagkakataon ay may nakakita ng mga luha ko.

"Hindi ako sanay ng ganito... ngayon lang ako umiyak ng ganito. Ngayon lang ako umiyak na may nakakakita sa akin, ngayon lang ako umiyak na may dumaramay sa akin. Masarap pala sa pakiramdam ang ganito."

"I'll be here, as you have been there for me." Wika niya at umupo sa tabi ko. Hinawakan niya ang aking pisngi sa pinaling paharap sa kanya.

"Thank you," bulong ko sa kanya bago isandal ang aking ulo sa kanyang balikat. Hindi masamang sumabay sa agos.

"Rence..." tumingala ako para makita siya ngunit nakayuko naman siya dahilan upang magkalapit ang aming mukha... at kasunod noon ay ang paglapat ng aming mga labi. Napapikit na lamang ako sa hindi ko malamang dahilan.

My Miss Blue Rose  (Royal Astra #01 and #1.5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon