Chapter 14

373 102 6
                                    

Bakit kaya 'yong mga gusto natin, hindi tayo gusto?

Bakit kailangang ipilit, hindi na lang kusang magustuhan?

Bakit kaya 'yong mga pinipili tayo, hindi natin pinipili?

Iyan lang ang laman ng isip ko habang naglilibot kami para tumingin-tingin ng mga souvenir. Hindi pa naman kami bumili, sa huling araw na lang daw sabi ni mama. Marami pa raw kaming makikitang mas mura.

Wala ako sa mood talaga pero dahil sa kakulitan ni papa, napapasabay na lang din ako. Ang effortless kasi niya mag-joke. Sobrang benta sa amin.

Sinabayan ako ni mama sa paglalakad habang sinisipa ko ang mga buhangin. Ewan ko kung anong trip nito pero ginagaya niya ang ginagawa ko.

Palubog na ang araw at malamig ang hanging humahampas sa aming balat. Ang ganda ng kulay ng langit dahil sa sinag mula sa araw. Naghahalo ang kahel, pula at lila.

"Anak, naranasan mo na bang ma-in love?"

Napatingin ako sa kaniya. Nakakagulat naman kasi ang tanong nito, eh. Wala man lang paalam.

"Ano, nasaranasan mo na ba?" ulit niya.

"Syempre naman, ma. Tao lang ako, 'no?" defensive na sabi ko.

Baka i-issue pa ako nito, eh. Ganiyan iyan, magugulat ka na lang irereto ka sa anak ng mga kaibigan niya.

"Na-in love din ako noong kabataan ko. Katorse anyos ako noong una akong nagka-boyfriend. Ang sarap nga sa pakiramdam, eh," nakangiti niyang sabi.

Hindi na bago ang kwento ni mama. Naalala kong kinuwento niya ito sa akin noong limang taon pa lang ako. Bata pa lang ako, mulat na ako sa kaharutan ng sanlibutan.

"Tumatakas pa ako sa amin para maki-party sa mga kaibigan ko, kasama pa ang aking nobyo."

Hindi ko nagawa 'yon.

Hindi pa...

"Papalit-palit din ako ng iniibig," malanding sabi niya na parang tinuturuan niya ako.

"Ang harot mo, ma. May asawa't anak ka na," kunwaring inis na sabi ko.

"Alam ko," masungit na sabi niya. "Ang sinasabi ko lang, marami pang lalaki diyan, anak. Marami ka pang makikilalang hindi mo aasahang magiging parte ng buhay mo."

Hindi ko alam kung bakit niya ito sinasabi pero natutuwa ako. Sobrang close kasi namin ni mama. Para nga kaming magkapatid, eh. Alam niya kung anong tibok ng puso ko kahit hindi ko sabihin sa kaniya. Alam niya rin ang mga kwentong-ligaw ko kapag may nanliligaw sa akin.

"Nakita ko ang picture ng lalaki sa camera mo kanina."

Hindi na ako nagulat dahil kinalkal niya ang camera ko kanina habang kumakain kami. Bakit ko pa itatago kung alam na niya? As if namang may itatago, eh, wala nga.

"Base sa mga kuha mo sa kaniya, alam kong gusto mo siya."

Oo, daming stolen shots, eh.

"Siya ba ang dahilan ng staycation mo sa Manila?"

"Ma, kasama ko si Ave—"

"Ng two weeks? I doubt it."

"'Wag ka nga mag-english!"

Binaliwala niya lang ang sinabi ko. "Siya ba ang dahilan ng madalasang pagc-check mo ng phone?"

Hindi ako sumagot. Ang dami niyang napapansin sa akin. Akala ko busy siya sa shop, pero mas busy yata siya sa panonood sa mga kilos ko.

"At lagi kang wala sa mood..." she trailed. "Anak, ayos lang 'yan. Marami ka pang makikilala. Gusto mo ireto kita sa—"

"Ma, 'yan ka na naman. Ayaw ko nga mga reto-reto. Magkaiba tayo ng henerasyon! Hindi na effective 'yan," nakasimangot kong sabi.

Glimmer of HopeWhere stories live. Discover now