Bakit Ba Ang Kulit Mo?

6 11 0
                                    



“Ash!” tawag na naman niya sa pangalan ko. “Huy! Ano ‘yang binabasa mo?” Inilapit niya ang mukha niya sa libro kaya naman ganoon na lang din kalapit ang mukha niya sa mukha ko. “When The Sky Turns Dark?” bahagyang tumagilid pa ang ulo niya kaya naman nagka-untugan kaming dalawa. “Aray naman! Ikaw kasi eh!”

“Kasalanan ko pa?” sabi ko na nakatingin lang sa kanya na hinihimas-himas ang parte ng ulo niya na nauntog sa akin.

“Hmp!” ngumuso siya at umupo sa bakanteng upuan na nasa harapan ko. “Kasama ka sa get-together mamaya?” tanong nito sa akin. Hindi ako tumugon dahil abala ako sa pagliligpit ng mga gamit ko.“Kasama ka ‘di ba?” pag-uulit niya.

“Hindi,” tugon ko at isinukbit na ang bag sa braso ko.

“Ha? Bakit naman? Hindi ka na nga sumama nung nakaraan eh!” Hindi ako tumugon. Tumayo ako at lumabas na sa library, sumunod naman siya. “Huy, Ash! Sumama ka na! Please?” pangungulit na naman niya sa akin.

“Hindi mo ba narinig ‘yung sinabi ko? Hindi nga ako sasama.” iritado nang tugon ko.

“Naman eh! Ngayon ka na nga lang sasama eh.” tumigil ako sa paglalakad at hinarap siya,

“Bakit ba ang kulit mo? Ayaw ko nga.” iritadong sabi ko at nagsimula na uling maglakad.

Pero mabilis naman na hinawakan niya ako sa braso ko na siya na namang naging dahilan ng paghinto ko. “Sumama ka na, please?” magka-dikit pa ang mga palad na nagpa-cute siya sa harapan ko. “Please, Ash?”

Tss.

Nag-iwas ako ng tingin sa kanya dahil baka mahulog na naman ako sa pangungulit niya. Pero, kusang bumaba ang tingin ko sa kanya nang bahagyang hilain niya ang damit ko. “Sama ka na, love.” nang mag-angat siya ng tingin sa akin ay nagtama ang mga mata namin. “Please?” nag-pout pa siya. Mariing ipinikit ko ang mga mata ko bago ako muling tumingin sa kanya.

“Oo na,” sa dulo ay ako pa rin ang talo.

Nakita naman ng dalawang mata ko kung paanong kuminang-kinang ang mga mata niya habang nakatingin sa akin. “Talaga? Yay!” dahil sa sobrang tuwa niya ay niyakap niya ako.

“Sapat na ba na dahilan ‘yon para matuwa ka ng ganyan?” tanong ko dito.

Tumingala siya, “Oo naman! Kasi makakasama na naman kita,” tugon niya. Napailing-iling na lang ako at gumanti ng yakap sa kanya.

Napangiti na lang ako. Araw-araw naman kaming mag-kasama pero nagawa niya pang sabihin ‘yon. Ibang klase. Hinatid ko na siya sa kanila matapos non, para na rin daw makapag-ayos na siya. Ilang beses niya pang inulit sa akin na pumayag daw ako na sumama kaya dapat daw ay simipot ako. Oo, hindi ako mahilig sa mga ganyang bagay. Pero, hindi naman ako ‘yung klase ng tao na hindi tumutupad sa usapan. At isa pa, gusto kong laging nakikita ‘yung ngiti niya.

Sinundo ko siya sa kanila para sabay kaming pumunta sa lugar kung saan gaganapin ‘yung get-together naming magka-kaibigan. Wala akong balak na makisalo sa kanila dahil hindi talaga ako magaling sa mga ganoong bagay, pero sadyang makulit si Heather dahil pinilit ako nito na sumali sa kasiyahang pinagsasaluhan nila. Hindi ko rin naman pinagsisihan ang pag-payag dahil talagang nalibang ako.

Nang matapos ang okasiyon na ‘yon ay bagsak ang katawan ni Heather, dahil sa pagod. At dahil ayaw ko na rin na maistorbo ang mga magulang niya na malamang ay natutulog na sa mga oras na ‘yon, sa condo ko na tinuloy si Heather. May respeto ako kay Heather at alam ng magulang niya ‘yon. At sa loob rin ng tatlong taong relasiyon naming dalawa ay nakuha ko na ang tiwala ng mga magulang niya.



made up lives.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon