Sorry Kasi Ganito Ako

7 11 0
                                    



Mayroon akong mabuting kaibigan, at talaga namang malapit na malapit kami sa isa’t-isa. Halos lahat ng bagay na tungkol sa akin ay alam niya, ganoon din naman ako sa kanya. Ang akala nga ng iba ay mag-kapatid kaming dalawa dahil palagi kaming mag-kasama. Malapit ako sa mga magulang niya, ganoon din siya sa mga magulang ko.

Nasanay ako na lagi siyang nandiyan sa tabi ko. Nasanay ako na lagi lang siyang nandiyan para sa akin.

At alam mo ba? Nang minsang may nanligaw sa akin ay siya pa tuloy itong tuwang-tuwa para sa akin. Dahil sa wakas daw ay magkakaroon na ako ng kasintahan, hindi ko nga alam kung tatanggapin ko ba ‘yun na pamuri o pamintas. Pero, alam ko naman na talagang masaya lang siya para sa akin.

Kapag nag-aya na kumain ang lalaking nanliligaw sa akin ay kasama siya. Kapag nag-aya na manood ng sine ang lalaking nanliligaw sa akin ay kasama siya. Kapag nag-aya ito na lumbas sa kahit anong dahilan ay kasama siya.

Kasama ko siya sa lahat ng bagay.

‘Yun nga lang, kasama ko rin pala siyang unti-unting nahuhulog ang loob doon sa lalaking ‘yun.

Ang akala niya siguro ay hindi ko nahahalata. Kung alam niya lang kung ano ang sinasalamin ng mukha niya sa tuwing mag-kasama kaming tatlo. Kung alam niya lang kung gaano kalaki at katamis ang mga ngiti niya sa tuwing magbibiro ang lalaking nanliligaw sa akin. Kung alam niya lang na nasa kanya ang atensiyon ko sa tuwing mag-kasama kaming tatlo. At kung alam niya lang na nakikita ng dalawang mata ko kung paanong nahulog siya sa lalaking ‘yon.

Kung alam niya lang, ititigil niya kaya? Kung alam niya lang, lalayo ba siya at hahayaan na lang kaming dalawa? Dahil sa akin naman may gusto ang lalaking ‘yun, hindi ba? Isinasama ko lang naman siya sa mga lakad namin, sapat na ba na dahilan ‘yun para mahulog siya sa lalaking ngayo’y iniibig ko na?

Dahil sa takot na baka maagaw niya sa akin ang lalaking ‘yun, sinagot ko na ito. Mababakas sa mukha ng lalaking ‘yun ang sobrang kasiyahan na siya rin namang nararamdaman ko sa mga oras na ‘yun. At kung alam lang ng kaibigan ko na nakikita ko sa gilid ng mga mata ko kung paanong nawala ang mga ngiti niya, lingid na ba sa kaalaman niya na may nalalaman na ako?

“Uhm, M-mica aalis na muna ako ha? Hinahanap na ako sa amin eh,” ‘yan ang sinabi niya matapos niyang makita ang mga mata kong nakatingin sa kanya. “Sige,” ‘yun lang ang tanging itinugon ko nung mga oras na ‘yun. At ni hindi manlang ako gumanti ng yakap sa kanya nang lumapit siya sa akin para bigyan ako ng mahigpit na yakap bago siya umalis.

Nang tuluyan nang maging kami ng lalaking nanliligaw sa akin, nawalan na ako ng oras para sa kanya. Hindi dahil mas inuuna ko ang nobyo ko, sadyang ayaw ko lang na mapalapit pa siya sa kanya. Dahil alam ko na may namumuo nang pagka-gusto sa dibdib niya, at ayaw ko kung saan patungo ‘yun. Kaya hindi ko na siya pinagtutuunan pa ng pansin. Kahit nga na sagutin manlang ang iilan sa mga text niya ay hindi ko ginagawa. At nang minsan siyang pumunta sa bahay namin ay ni hindi ko manlang siya sinalubong ng may galak. Habang siya ay mabilis na lumapit sa akin at ikinulong ako sa mga bisig niya.

At nung mga oras na mahigpit siyang nakayakap sa akin ay aaminin ko, hinanap-hanap ko rin ‘yun. “Anong kailangan mo?” malamig na tanong ko sa kanya. “Namiss lang kita, masama ba na puntahan kita dito dahil don?” siya namang tugon niya. At ‘yan na naman siya. ‘Yung siya na maraming baong kwento sa akin na tahimik ko namang pinakikinggan. Sa mga oras na ‘to, talagang aaminin ko na matagal ko ring hinanap-hanap ang ganito.

“Sorry,” pag-putol ko sa kung anong sinasabi niya. “Ha? Bakit naman?” naguguluhang tanong niya. “Sorry kung naging masama akong kaibigan sa‘yo,” pigil ang mga luhang tugon ko.

Masamang kaibigan naman talaga ako, hindi ba? Kasi mas pinili ko na layuan siya dahil lang sa natatakot akong mawala sa akin ang lalaking nito ko lang nakilala. Mas pinili ko ‘yung lalaki na hindi nga ako sigurado kung talaga bang mahal ako. Mas pinili kong isawalang-bahala ang matagal nang pagka-kaibigan naming dalawa. Ang sama ko, hindi ba?

Lahat-lahat sinabi ko sa kanya, at alam niyo ba? Tinanong ko siya kung totoo ba ang hinala ko na mayroon siyang gusto sa nobyo ko,

“Ano ka ba! Wala akong gusto sa kanya, ano. Gustong-gusto ko ngang sabihin sa‘yo na may nanliligaw na sa akin kaso hindi mo naman sinasagot ang tawag o text ko.”

Pinaliwanag niya sa akin ang lahat, at alam niyo ba? Mali ang lahat ng iniisip ko. Kaya pala ganoon na lang ang saya niya tuwing magkakasama kaming tatlo ay dahil nasisiguro niya daw na magiging masaya ako sa piling ng lalaking ‘yun. Kaya pala ganoon na lang ang ngiti at tawa niya ay dahil masaya siya na mapupunta ako sa taong palaging magpapasaya sa akin. Kaya pala nawala ang mga ngiti sa labi niya nung oras na sinagot ko na ang lalaking ‘yun ay dahil nagbabadya daw na tumulo ang mga luha niya. At kaya siya umalis non ay dahil nahihiya siya na makita siyang umiiyak nang dahil sa tuwa. Ganoon naman talaga siya eh, tuwing iiyak siya ay gusto niya siya lang ang makakakita sa sarili niya, panget kasi siya kapag umiiyak siya.

Pero, ano ang inisip ko? Inisip ko na may gusto siya sa nobyo ko. Nagawa kong pag-isipan ng ganoon ang kaibigan kong walang ibang inisip kung hindi ang kaligayahan ko. Ang sama ko.

“Come on, at least okay na tayo. ‘Wag mong hahayaan na mawala sa‘yo ‘yung kupal na ‘yun ha?” sabi niya na hinahagod ang likod ko habang mahigpit ang pagkakayakap ko sa kanya. “B-bakit?” garalgal ang boses na tugon ko. “Kasi mahal na mahal ka non,” humiwalay ako sa yakap at tiningnan siya. “Paano mo naman nasabi?” napailing siya at muli akong niyakap. “Sa paraan pa lang ng pagtingin niya sa‘yo, alam ko na. Alam mo, kahit kailan manhid ka talaga!”

At pati ba naman ang pagmamahal sa akin ng lalaking iniibig ko ay nagawa kong pagdudahan.

“Sorry kasi ganito ako.”

made up lives.Where stories live. Discover now