Pain And Hatred

5 3 0
                                    


Noon, mahal ka pa niya.
Ngayon, may mahal na siyang iba.

Hindi ko maiwasang mapatitig doon sa status ng friend ko sa Facebook.

“May kagaya kaya ako?” mahinang bigkas ko habang ang tingin ay nandoon pa rin sa status na ‘yon.

Noon, hindi ako naniniwala sa mga ganitong post. Nagagawa ko pa itong tawanan dahil talagang namang nakakatawa ‘yon, hindi ba? Ang nasa isip ko kasi ay nag-iinarte lang ang nag-post or nag-share niyon. Ngunit ngayon, hindi ko na magawang matawa o makaramdam man lang ng pandidiri sa ganoong linyahan. Dahil sa akin mismo nangyari ‘yon.

At heto na naman muli ako, pinipigil ang mga luhang nangbabadyang tumulo. “Ikaw kasi eh,” kinagat ko ang pang-ibabang labi ko upang pigilan ang mga luha ko. “Nakakainis ka,” tuluyan na ngang tumulo ang luha ko.

Naalala mo pa ba? Naalala mo pa kaya ‘yung mga panahong mayroon pang tayo.. at wala pang kayo? Kasi ako, tandang-tanda ko pa ang lahat. Malinaw na malinaw pa sa akin kung paano mo akong niligawan. Malinaw na malinaw pa sa pandinig ko ang magandang boses mo. Malinaw na malinaw pa sa akin ang pakiramdam kung paano mo akong pinasaya noon. At malinaw pa sa akin kung paano kang nahulog sa kanya.

Hindi ko inaakalang magagawa mong saktan ang kagaya kong walang ibang ginawa kung hindi ang mahalin ka. Pero, teka. Ano nga ulit ‘yung sinabi mo sa akin noon? “Ikaw lang ang mamahalin ko, okay?” Isang malaking kasinungalingan.. dahil minahal mo siya.

Akala ko ba ako lang? Akala ko ba wala ka nang iba pang mamahalin? Pero, nasaan ka ngayon? Ang mga salitang binitawan mo sa akin ay nandito pa, pero nasaan ka? Bakit nagawa mo akong iwanan?

Ang sabi mo sa akin noon naiinis ka sa kanya, dahil siya ang parating kasama ko. Ang sabi mo sa akin noon ayaw na ayaw mo sa kanya, kasi malayong-malayo siya sa tipo mong babae. Kaya nga sinabi mo pa sa akin noon kung gaano ka kaswerte sa akin dahil ang sabi mo, lahat ng gusto mo nasa akin na.

Kaya nga naninibago ako sa‘yo nung nakita ko kung gaano ka kasaya nang makita mong kasama ko siya. Akala ko ba naiinis ka sa kanya? Pero bakit ganyan ka kung matingin sa kanya? Nang minsang umalis ako saglit at iniwan kayong dalawa ay nadatnan ko kayong masayang nag-uusap. Akala ko ba ayaw mo sa kanya? Pero bakit ganiyan ka kung maka-ngiti sa kanya? Nag-aalangan pa akong sabihin sa‘yo noon na gusto niyang sumama sa lakad natin, pero nang makita mo siya ay kumurba agad ang malaking ngiti sa labi mo. Totoo ba ang lahat ng sinabi mo? Kasi salungat ng mga ‘yon ang pinapakita mo.

Hanggang sa dumating na nga ang araw na kinatatakutan ko. Alam mo ba kung gaano katinding sakit ang idinulot sa akin ng ginawang pakikipaghiwalay mo? Pero hindi manlang ako nagalit, ano? Alam kong nagulat ka din kung bakit ni wala manlang akong reaksiyon nung sinabi mo sa akin ang totoo.

“Hinihintay ko lang naman na umamin ka eh..” nakatitig sa mga mata mong tugon ko. Sinubukan kong pigilan ang mga luha ko dahil ayaw kong makita mo na nagkakaganito ako ng dahil sa‘yo. “Pero, love? Bakit kailangang gawin mo sa‘kin ‘to? A-akala ko ba ako lang?” hindi ko napigilan ang sarili kong maisatinig ang gustong-gusto kong sabihin sa mga oras na ‘to.

Nag-angat ka ng tingin sa akin pero hindi mo magawang labanan ang mga tingin ko. “I’m sorry.” bigkas mo.

“Tanggap ko sana love eh. Tanggap ko kung ibang babae ang minahal mo at hindi ‘yung malapit sa akin.. M-masakit kasi.”

“I’m sorry.” muling ulit mo. “Sorry kung nahulog ako sa pinsan mo. Pero siya na talaga ang mahal ko, sorry.”

Alam kong alam mo kung ano naging resulta ng ginawa mo sa akin. Hindi na nga ako ang nandiyan sa tabi mo, at hindi na nga ako ang taong mahal mo. Pati ba naman ang pinsan ko, inilayo mo sa akin.

Ngayon mo lang sa akin maririnig ‘to, pero.. kinamumuhian kita.

made up lives.जहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें