Gusto Kita

13 11 0
                                    



Tandang-tanda ko pa kung kailan ako nag-simulang mahulog sa‘yo. Nasa bahay tayo noon ng kaklase natin dahil may tinatapos tayong project. Mayroon akong hindi maintindihan at napansin mo ‘yon. Nakangiting inalok mo pa ako ng tulong mo, at sino naman ako para tumanggi? Habang itinuturo mo sa akin ang hindi ko maintindihan ay sa mukha mo ako nakatingin. Kaya ang ending, wala rin akong naintindihan sa lahat ng pagpapaliwanag mo. Ang akala ko ay titigil ka na at hahayaan na lang ako, pero nagkamali ako. Hindi ka tumigil hangga’t hindi ko lubusang naiintindihan ang bagay na ‘yon.

Hindi ko alam kung paano. Hindi ko alam kung bakit ganon na lang ako kabilis nahulog sa‘yo. Minsan, ako na mismo ang natatakot sa pagiging marupok ng puso ko eh.

Hindi ko lubusang maipaliwanag kung bakit, pero ang alam ko lang.. Gusto kita.

Mula ng araw na ‘yon, lagi na tayong nag-uusap. Kahit kasi na magkaklase tayo ay hindi tayo masyadong nagpapansinan. Kaya masaya ako kasi hindi na tayo kagaya ng dati. Ang kaso nga lang, mas lalong nahuhulog sa‘yo ang loob ko. Sa madalas na pag-uusap natin ay nakita ko ang totoong ugali mo. Napaka-buti mong tao. Hindi lang ang panlabas na anyo mo ang maganda, pati na rin ang kalooban mo. Kaya siguro ganon na lang kabilis na lumalim ang nararamdaman ko para sa‘yo.

Isang araw noon, naglakas-loob ako na umamin ng totoong nararamdaman ko para sa‘yo. “Gusto kita.” ‘yan ang mga salitang binigkas ko noon sa harapan mo. Malinaw pa sa isipan ko ang naging reaksiyon mo. At nang tumugon ka sa pag-amin ko ay sinampal ako ng katotohanang hindi tayo pwede.

Oo nga pala, ano.

Sorry kasi nahulog ako sa‘yo. Sorry kasi hinayaan ko ang sarili ko na mahulog sa‘yo.

Gusto kita, kaso nga lang, girlfriend mo ang pinsan ko.

made up lives.Tempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang