Philip (Part 4)

5.4K 343 181
                                    


Hindi ko alam kung panaginip lang ba ang lahat, pero parang totoo.

Matapos kong mag-ayos, bumalik agad ako sa ospital. Sabi nga ni Kuya Pat, sana natulog muna ako. Buong magdamag na akong gising.

Sumaglit ako ng tambay sa labas ng ospital para sana mag-almusal. Naghihintay ako ng order ko sa eatery malapit sa entrance nang may umupo sa katapat kong upuan.

"O!" Yung lalaking nagbigay sa akin ng pocket watch! "Sa wakas, nagpakita ka rin! Kukunin mo na ba yung relos?"

"Para sa isang tao na walang dahilan para bumalik sa nakaraan, mukhang natuwa ka sa paggamit ng orasan."

Hindi naman gumagana, paano ko magagamit?

"Nakita mo ang pakay mo. Maaga kang nakabalik."

Kumunot ang noo ko. Ano ba'ng sinasabi niya?

"Kung bibigyan ka ng pagkakataong makabalik sa nakaraan, ano ang gagawin mo?"

Sandali nga. Ang tinutukoy ba niya ay yung napanaginipan ko?

Pero paano niya nalaman iyon kung panaginip ko nga?

"Malaking bahagi ng nakaraan ang nabago dahil sa nagawa mo. Hindi mo binabago ang bahagi ng iyong buhay. Binabago mo ang sa iba."

Tumawa ako nang mahina sa sinasabi niya. Hindi ko gaanong nasusundan ang tinutukoy niya pero may idea ako.

Tinutukoy nga siguro niya ang weird na panaginip ko kanina kahit hindi naman ako nakatulog.

"Kung ang pagbabalik sa nakaraan ay nangangahulugang pagbabago ng kasalukuyan, babalik ka upang baguhin iyon?"

Natawa ako nang mapait at napailing. "Wala akong babaguhin sa nakaraan ko. Lahat ng ginawa ko, hindi ko kahit kailan pagsisisihan 'yon."

"May mga pinagsisisihan ang bawat tao minsan sa kanilang mga buhay. Mga kamaliang nais itama. Mga kamaliang nais baguhin."

"Wala nga sabi akong pinagsisisihan," katwiran ko.

"May mga bagay na tumutumbas sa bawat sana at dapat. Mga bagay na kahit ang sariling buhay ay gagawing kapalit, maibalik lang ang sandaling pinagsisisihan."

Napaiwas agad ako ng tingin.

Wala akong dahilan para bumalik. Pero kung sakali mang babalik ako, gusto kong tulungan si Stella. Wala dapat ako rito sa ospital—wala siya rito sa ospital kung hindi niya iyon ginawa.

"Pero yung nangyari. Posible bang makabalik ako sa nakaraan?" tanong ko na lang habang nakatingin sa mesa, iwas sa kanya.

"Kung babalik ka sa nakaraan, ano ang gagawin mo?"

Wala akong dahilan para bumalik sa nakaraan kung posible man. Pero kung babalik nga ako . . .

"Wala akong balak baguhin ang buhay ko. Gusto ko lang maging maayos ang buhay ni Stella. Kahit hindi na para sa akin, kahit para na lang sa kanya."

"Babaguhin mo ang nakaraan ng taong iyon kung sakali mang maayos mo ang buhay niya. Ngunit isusugal mo ba ang pagkakataong ayusin ang buhay niya kapalit ang ngayon?"

Kumunot agad ang noo. Nagtaka ako sa sinabi niya. Anong kapalit ang ngayon?

"Bakit magkakaroon ng kapalit?"

"Nakilala mo siya sa panahon kung saan wala na siyang dahilan upang mabuhay. Kung mabibigyan mo siya ng dahilan upang magpatuloy, malaki ang posibilidad na hindi mo na siya makita pa ulit sa panahong ito. Wala kang dadalawin sa ospital, hindi mo siya makikilala."

Ibig sabihin . . . hindi ko na makikita si Stella?

"Pero kung mababago ko nga ang nakaraan, magiging masaya ba siya sa magiging bagong buhay niya?"

Matipid ang ngiti niya nang tumango. "Malaki ang posibilidad na ganoon nga. Isusugal mo ba ang pagkakataon para lang sa isang bagay na hindi mo rin naman makakamit pagdating ng tamang panahon?"

Bigla akong nabalisa. Gusto ko lang namang maging okay siya. Magkaroon siya ng dahilan kung bakit maganda pa ring mabuhay kahit maraming problema.

"Pero sabi mo, magiging masaya siya kung sakali, di ba?" sabi ko habang nakatulala sa mesa. "Kahit naman siguro hindi na kami magkita ngayon, basta masiguro ko lang na magiging okay siya, okay na rin ako."

"Hindi nito masusuklian ang lahat ng magiging paghihirap mo."

Umiling lang ako sa sinabi niya. "Kung sakaling mabago nga ang nakaraan niya—kung posible mang mabago ang nakaraan—hindi naman 'to tungkol sa akin. Tungkol 'to sa kanya. Sinabi ko na, wala akong babaguhin sa buhay ko. Ano'ng pinagkaiba kung hindi kami magkikita kung sakaling mabago ko ang buhay niya sa kung naroon naman siya sa operating room at nag-aagaw-buhay ngayon?"

Kumurba pababa ang dulo ng labi niya habang tumatango, parang inuunawa pa ang sinabi ko.

"Kahit ang ibig sabihin ng pagtulong mo ay paglimot mo rin sa kanya?"

"Ha?"

Bigla siyang ngumiti sa akin. "Uulitin ko, babaguhin mo ang nakaraan niya. At ang pagbabagong iyon ay hihiling ng kapalit. Hindi mo siya makikita, hindi ka niya makikilala. Walang dahilan upang magtagpo ang landas ninyong dalawa. Malaki ang hinihinging sakripisyo ng oras, at ang bawat sandaling mababago sa nakaraan ay bawat sandaling mababago sa kasalukuyan. Kung magtagumpay ka sa nais mong mangyari, nakahanda ka ba sa pagbabagong iyon? Kung hindi kayo magtatagpo ay hindi ka magkakaron ng alaala kasama siya. Babawiin ng oras ang bawat segundong inilaan mo para lamang sa kanya. Kung ganito ang kasunduan sa pagkakataong ito, susugal ka pa rin ba?"

Ang lalim ng paghugot ko ng hininga sa sinabi niya. Naiintindihan ko naman. Nakilala ko si Stella noong malungkot siya. Napansin ko siya dahil doon. At sinabi ko nga rin kina Tinay na hindi ko rin naman siya papansinin kung hindi siya matamlay gaya ng kung paano ko siya nakilala.

Masaya na ako sa buhay ko, pero siya . . .?

Tumawa ako nang mapait habang umiiling. Lugi pero hayaan na. Kung hihintayin ko na lang siyang mamatay habang may ganito pala akong chance, e di parang tanga.

"Wala namang mawawala sa sarili ko kung susubok ako, di ba?" tanong ko pa.

"Kung iyon ang iyong desisyon." Inilahad niya ang palad sa akin at binawi rin iyon pagkatapos. "Nasa iyo ang orasan. Labing-isang oras, labing-isang pagkakataon. Isipin mo ang tamang panahon at dadalhin ka nito sa pakay mo roon."

Kung hindi ako maaalala ni Stella kapag ginawa ko ito, bibigyan ko siya ng dahilan para maalala niya ako.




End of short prequel





*****



A/N:

Anyway, one of the main reasons kung bakit ayokong si Gelo ang makatuluyan ni Stella ay dahil sa back story ni Philip. Parang Gregory Troye kasi ang magiging labas nito and ang heavy ng WIASA tapos dodoblehin ko pa ang bigat, masyado nang depressing para sa PoV ni Philip hahaha. Although, mas abnormal ang PoV ni Philip, siyempre. (Ayoko lang tangkain kasi dadami ang plot holes hahaha time traveling 'to e)

I know, Gelo is sweet and all, pero hindi ko kayang alisin sa picture ang effort ni Philip na noong mga time na wala silang lahat sa buhay ni Stella, si Philip ang naroon sa darkest moments nito.

Stella had Philip at her worst, Gelo had her at her best. But Gelo chose to break her heart. Charot hahaha 

Love is sacrifice daw, mga dzai hahahaha. #TeamPhilip ako, balakayojan.

----




When It All Starts AgainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon