Chapter 46: Acceptance

4.6K 357 1
                                    


Isang buong araw kaming hindi papasukan ng mga teacher. Paano ba naman kasi? Saan kami magle-lesson? Pinalayas na nga kami sa room.

Bago ako lumabas ng CR, tinuyo ko muna ang sarili ko. Mabuti na lang at mukha na akong matino at hindi mugto ang mata. Walang makeup, walang kahit ano, at higit isang oras na lang, mag-uuwian na.

Panay ang kibit ko kasi ang sikip talaga ng V-neck ni Carisa. Kulang na lang sumabog sa katawan ko. Hindi naman ako mataba, pero medium kasi ang size ko, e extra small lang yata si Carisa. Naka-shorts lang ako na masyadong maikli pero wala akong magagawa kasi naputikan din ang palda ko. Napilitan tuloy akong isampay iyon sa CR. Sigurado naman akong walang magnanakaw niyon doon kasi private school 'to. Malamang na sa housekeeper quarters ko na lang kukunin iyon.

Wala akong ibang nakikitang estudyante sa quadrangle maliban sa ilang lumabas ng room para siguro mag-CR, o malay ko sa iba. Ilang room na lang ang layo ko sa waiting shed nang makita ko silang lahat doon.

Si Chim agad ang una kong hinanap at pinapaypayan siya ni Arlene.

Si Angelo . . . nandoon siya sa may hagdan sa stage.

Halos dalawang metro lang ang layo ng stage sa waiting shed. Hindi sila makatambay sa stage kasi hindi pa yata nalilinis yung putik.

Habang naglalakad ako papalapit, parang gusto ko na lang bumalik sa CR at magtago roon hanggang makabalik ako sa future.

Halos lahat sila nakatingin sa akin. Good news kasi hindi nila ako pinagtatawanan. Pero bad news kasi tumatagos sa kaluluwa ang mga tingin nila.

"Stellaaa mylabs so sweet!" bungad agad ni Carlo. At kahit masaya ang sinabi niya, ang tipid ng ngiti niya sa 'kin. Gusto ko na lang tumakbo palapit sa kanya tapos yakapin siya habang umiiyak.

Inakbayan niya 'ko tapos bahagyang niyakap sa tabi niya. Mabilis niyang hinagod ang balikat ko habang natatawa nang mahina.

Alam kong sinusubukan niya akong i-comfort sa paraan niya at nagpapasalamat ako.

Haaay, Carlo, the best ka talaga.

Pagtingin ko sa harap, nakita ko si Gelo na nakasimangot sa akin at napatayo na sa kinauupuan niya. Mukha pa siyang nagulat.

Ano? Iniisip ba niyang magkukulong ako maghapon sa CR?

"Masikip ba sa 'yo yung uniform ko?" tanong agad ni Carisa nang makalapit kami.

Hindi ba halata? Baka na bakat na nga yung bra ko. Sa baywang ko na lang medyo lumuwang nang kaunti, itatanong pa.

"Hindi, okay lang, Carisa. Salamat ulit," sabi ko na lang. Puno ang waiting shed, hindi ko alam saan ako uupo. Halos magsiksikan na sila roon.

"Doon na lang ako sa hagdan," sabi ko kay Carlo. Binitiwan na niya ako at sinubukan kong humakbang palapit sa puwesto ni Gelo.

Hindi naman siya kumilos, nakatingin lang siya sa 'kin kaya nag-iwas na lang din ako ng tingin.

Feeling ko, bagay talaga kaming magsama. Ayaw sa kanya ng lahat, ayaw sa akin ng lahat. Pero sa lagay na 'to, ayaw niya sa 'kin. At kung di ko siya nakita sa future, malamang na ayaw ko rin sa kanya.

Naupo ako sa pang-apat na baitang ng hagdan. Sa itaas ko lang yung puwesto ni Gelo. Hindi ako makayuko kasi baka mawasak yung suot ko.

Walang pakialam ang iba naming kaklase sa 'kin. May ibang nakatingin pa rin naman sa 'kin pero inilipat din ang tingin pagkatapos. Si Carlo lang ang nakita kong nakangiti sa 'kin nang matipid at nakasampa sa bakod ng waiting shed na sintaas lang ng baywang ko.

When It All Starts AgainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon