Chapter 2: The Chance

26.4K 652 139
                                    

May sapat naman akong pera para makakain ng turon na tig-tres. Maraming murang bilihan ng pagkain sa canteen na pasok pa sa baong dala ko. Ito na ang magiging tanghalian ko para sa araw na 'to. Tatambay lang ako rito sa may bench sa ilalim ng punong santol hanggang mag-ala-una ng hapon. Marami nang estudyante rito sa loob ng campus kapag ganitong oras. Nakikita ko sa paningin ko ang lahat ng nagpapabilad sa araw sa gitna ng quadrangle. Karamihan sa kanila, grupo-grupo—bagay na wala ako.

Alas-diyes pa lang pero parang alas-dose na sa 'kin.

Hindi pa rin nagsi-sink in sa 'kin ang school kahit mag-iisang taon na 'kong pumapasok. Anim na taon din akong huminto sa pag-aaral. Higit kalahating dekada rin.

Bakit ako huminto? Ayoko lang kasing mag-aral. Nakakatamad pumasok, nakakatamad makipagplastikan sa mga kaklaseng hindi ka naman itinuturing na kaibigan. Nakakatamad makipagsabayan sa mga matatalino at magaganda, lalo na kung hindi ka ganoon.

Sa school ko kasi noon, isa ako sa mga pasang-awa. Tipong kailangan pang magmakaawa ng magulang sa teacher, makapasa lang. Ang sabi nila, matalino raw ako, subukan ko lang daw magseryoso. Ayokong maniwala.

Galing ako sa private school, at noong 4th year ako, maise-separate talaga ang mga estudyante.

Sa Category 1 to 5:

1 ay matalino since birth;

2 ay malakas sa teacher;

3 ay malakas kay Lord;

4 ay malakas lang ang loob;

5 ay tanga since birth;

Nasa Category 3 ako.

Nakaka-bad trip lang kasi na ang first honor namin ay nasa Category 2.

Noon, dream ko talagang makapasok sa top students. Pero dahil hindi ako malakas sa teacher, hanggang dream na lang talaga 'yon. At never 'yong nangyari.

Noon, below average student lang ako sa high school. Ngayon, kulang na lang, sambahin ako ng mga classmate ko dahil lagi akong highest sa exam—at wala pa 'kong notes sa lagay na 'yan. Hindi ko tuloy alam kung matalino lang talaga ako o mga engot lang talaga sila.

Ngayon, advanced ako sa mga subject na English at math. Pero noong high school, kulang na lang, lumuhod ang buong pamilya ko sa principal at adviser ko para lang makapasa ako.

Ang average grade ko noon sa math na 75; ngayon, 1.9. Average grade ko noon sa English ay 76.5; ngayon 1.85.

Napaka-basic ng nile-lesson namin kaya ang boring. Idagdag pa ang mga professor na isa ring tamad magturo. 'Yong tipong kahit hindi ka na makinig, mape-perfect mo ang exam.

Siguro, kung buhay pa si Mama, ipinamalita na niya iyan sa buong subdivision namin. Na hindi talaga tanga ang anak niyang tamad lang talaga sa pag-aaral.

"Bakit ba gustong-gusto mong mag-isa?"

Umupo na naman siya sa tabi ko at inakbayan ako.

"Puwede bang dumistansya ka sa 'kin?" masungit na utos ko.

"Oh—kay?" Umurong din siya nang kaunti at tinanggal na niya ang pagkakaakbay sa 'kin.

"Hanggang kailan mo ba 'ko susundan?" naiiritang tanong ko sa kanya dahil paulit-ulit na lang siyang lumalapit sa 'kin kapag tumatambay ako rito sa tambayan ko.

Tiningnan lang niya 'ko tapos tumingin agad sa langit.

"Binibigyan lang kita ng dahilan para hindi mo 'ko makalimutan," sabi niya habang nakangiti.

"Mamamatay ka na ba?" seryoso kong tanong sa kanya.

Kulang na lang, ipagsigawan ng reaksyon niya ang "Ano'ng pinagsasasabi mo?" dahil sa sinabi ko.

When It All Starts AgainWhere stories live. Discover now