Pasilip

2.4K 168 126
                                    

Madalas akong maturingang "gago".

Tiyanak pa lang ako, sutil na ang tawag sa akin ng ermats at erpats ko. Hindi naman ako salbahe pero ang ligalig ko raw na bata. Hindi ako mapakali sa iisang puwesto lamang. Takbo rito, takbo roon. Akyat dito, akyat doon. Ewan ba, basta hindi ako natatahimik sa isang sulok.

Bully rin ako noong elementary pa lang ako. Hindi ako makapapayag na wala akong niyayamot na kapwa bata. Laman din ako palagi ng Guidance office lalo na noong may nanuntok sa aking kaklase tapos sinaksak ko sa braso niya iyong pencil ko.

Kahit hindi naman ako ang direktang may kasalanan, nadadawit pa rin ako kasi pilyo raw ang itsura ko.

Para bang marami raw tumatakbo sa isipan ko kahit hindi ako nagsasalita.

Nadala ko iyon hanggang high school. Ipinasok pa nga ako nina Mamme at Dadde sa Catholic school para raw pumino-pino ang kilos ko. Pangalan pa ng Santo iyong iskul namin tapos puro demonyo naman pala ang pumapasok.

Pero natuto naman akong magdasal ng Angelus noon. Minsan nili-lip sync ko na lang para kunwari ang galing kong magdasal.

Ako pa nga madalas ang naaatasang magdasal sa loob ng classroom namin bago magsimula ang klase.

Puro "Bless us, Oh Lord, and these thy gifts which we are about to receive from thy bounty, through Christ, our Lord. Amen." lang naman ang idinadasal ko pero okay na iyon kaysa wala akong masabi.

Noong kabataan ko kasi, nagdarasal ako pero hindi hardcore. At hindi lang naman ako ang ganoon. Marami kami. Marami tayo.

Pero huwag ninyo akong husgahan dahil doon. May sarili akong pakikipag-usap sa Kaniya na hindi mauunawaan ng iba.

Malaki ang pananampalataya ko sa Kaniya kahit hindi ako palabasa ng bibliya o kahit hindi ko kabisado ang mga mysteries ng rosaryo.

Marami nga akong kakilalang laman palagi ng simbahan pero hindi naman nila isinasabuhay ang pagiging makatao. Pero sabi nga ni Devin Francisco na isang karakter ng otor ng Pagsinta, "Who am I to judge if I'm not a judger?"

May kaniya-kaniya talaga tayong kapangitan sa ugali at pagkatao. May kaniya-kaniyang specialization pagdating sa pagiging siraulo. Iba-ibang istilo't paraan pero lahat ay may naitatagong kasablayan kasi nga "Tao lang".

Tulad ko.

Madalas akong makakuha ng pangit na feedback at palagi ko ring naririnig na ako raw ay sutil, pilyo, gago, walang direksyon ang buhay at kung ano-ano pa.

Akala naman nila'y naka-o-offend iyon, eh immune na immune na naman ako sa ganoon.

Hindi naman ako kulang sa aruga dahil alagang-alaga nga ako ng mga magulang ko. Kumpleto rin daw sa bakuna at vitamins. Solong anak pa ako kaya lahat ng atensyon ay nasa akin talaga.

Paanong gagawin, eh sadyang ganito ako?

Ang madalas magpagalit sa akin ay si Mamme. Pero iyong tatay ko, sobrang kalmado't banayad lang.

Katuwiran niya'y nagdaan na rin siya sa ganoong phase ng buhay kaya inaasahan na niyang mapagdaraanan ko rin iyon.

Iyong nanay ko ang palaging nagtuturo sa aking maging malumanay na lalaki. Huwag daw akong maging balahura at maligalig.

Hindi naman ako ganoon. Gusto niya kasing maging prim and proper ako kahit binatilyo pa lang ako noon. Relihiyosa kasi si Mamme.

Dami pa niyang mga kumare na matitino ang mga anak kaya naikukumpara ako roon. Hindi naman ako naiinis kapag ganoon. Para bang pasok sa kabilang tainga, labas sa kabila. Ganoon palagi ang sistema.

Kalmado (A Stand-alone Novel)Where stories live. Discover now