Relaks 12

360 98 18
                                    

Isinugod namin si Mamme sa pinakamalapit na ospital.

Pagkatapos kasi naming mag-almusal, nauna na akong maligo tapos si Dadde rin at ang pinakahuling mag-prepare papasok ay ang nanay ko dahil marami pa siyang inaasikaso sa kusina.

Normal na araw lang. Ang ganda pa nga ng sikat ng araw. Nagtatawanan pa kaming tatlo habang kumakain kami. Wala, basta ayos na ayos pa.

Dahil ako ang kailangang umalis nang maaga dahil ayaw kong ma-late, kinatok ko sila sa loob ng kuwarto. Tatay ko ang sumilip.

Nasa CR pa raw si Mamme at ang tagal nga raw matapos. Parang nag-aaksaya pa raw ng tubig sa banyo.

Sumigaw na lang ako, "'mme, lalayas na ako!"

Walang sumagot. Iniisip kong baka hindi ako narinig dahil sa lagaslas ng tubig.

Dumiretso ako sa garahe para i-check ang radiator, gulong at kung ano-ano pa sa oto ko nang marinig kong sumigaw ang ama ko mula sa terrace nila sa third floor.

Alam kong kakaiba ang tono n'on kaya mabilisan akong umakyat at literal na natigilan ako nang makitang buhat-buhat na ni Dadde si Mamme, at ang tanging nakabalot lamang sa katawan nito ay ang towel nito.

Walang malay ang nanay ko at nagdudugo ang gilid ng kaniyang hinlalaki sa kanang paa.

"Paandarin mo na makina ng kotse mo. Dali!" natatarantang salita ng erpats ko.

Ang sakit ng sikmura ko no'n. Parang naninigas ako na nanginginig at ang daming katanungang tumatakbo sa utak ko.

Sa unang pagkakataon, nakita ko kung paano umiyak ang tatay kong astigin at palaging kalmado lang habang buhat-buhat niya ang babaeng nagbigay ng kulay sa mundo namin.

Ang nagbigay ng buhay sa amin.

Lowered ang oto ko no'n pero wala na akong pakialam kung mahaklit man ang bumper o masira ang pang-ilalim no'n dahil takbong SLEX ako palabas ng subdivision namin.

Paglabas ko ng highway, panay ang busina ko sa lahat ng mga nakaharang sa kalsada. Hindi ko alam kung ilang beses akong nagmura habang sinusubukang kumalma dahil baka maaksidente pa kami.

"'mme, gising na. Papasok pa kayo ni Dadde sa shop," manginig-nginig kong salita no'n.

Tinapik ko pa nga nang malakas sa hita dahil nakahiga siya roon sa may passenger seat habang ang tatay ko naman ay nasa likodhawak ang kamay niya.

Hindi gumagalaw si Mamme pero may pulso pa raw sabi ng tatay ko.

Ilang minuto lang nang makarating kami sa emergency room ng ospital na malapit sa amin.

Hindi ko magawang tingnan ang mga nurse at doktor na chine-check ang nanay ko. 200 over... putangina, basta sobrang taas ng presyon.

Lumabas muna ako para sumagap ng hangin at para i-text si Adria bago ako bumalik sa loob.

Dumoble ang kaba ko nang marinig na napaihi na si Mamme sa kama at kung ano-ano pang naririnig ko pero parang hindi ko maintindihan kasi punong-puno na ng takot ang dibdib ko.

Putangina.

Ilang minuto na pero wala pa ring malay ang ermats ko kaya nagsimula nang lumabo ang mga mata ko. Hindi ko rin makausap nang maayos si Dadde.

Dadalhin daw sa ICU at ang tanging makapagliligtas lang daw sa nanay ko'y dasal.

Hindi pa rin kami sumuko. Inilaban namin siya. Isip-isip namin noon, kahit pa maging lantang-gulay, basta buhay siya at makauwi pa rin sa amin, okay na okay lang.

Kalmado (A Stand-alone Novel)Where stories live. Discover now