Chapter 17: Ghosted

369 27 0
                                    

[Chapter 17] 

Laglag ang panga ni Sarina habang nakaturo ito kay Alas na ngayon ay nanlalaki rin ang mga matang nakaturo sa kaniya.

Muling pinasadahan ng tingin ni Sarina ang lalaki. Napakaganda ng suot nito. Malayong-malayo sa palagi nitong suot kapag nakikita niya ito sa bahay-aliwan.

Ang dati nitong suot ay madumi, kupas, at puro tahi pa. Ngayon naman ay halatang bago at mamahalin ang tela.

"A-Anong... B-Bakit..." Hindi matapos-tapos ni Sarina ang kaniyang tanong dahil sa nakikita ngayon.

Sinuri niya ang lalaking kaharap ngayon. Ibang iba ito sa Alas na kaniyang kilala. Malinis rin ang mukha nito at halatang bagong ligo pa. Hindi kagaya ng Alas na nakikita niya sa palengke na palaging may uling ang mukha.

"A-Anong ginagawa—" Hindi na natapos ni Sarina ang kaniyang tanong dahil sa pang-ilang pagkakataon ay muling tumakbo papalayo si Alas sa kaniya. Tinatakasan nanaman siya.

Naiwan sa ere ang kamay ni Sarina na nakaturo kay Alas kanina. Nang matauhan ay ibinaba na niya ang kaniyang kamay at napatitig na lamang sa daang tinahak ni Alas para takasan nanaman siya. Hindi na siya nagtangkang habulin pa ito.

Gulong-gulo ang isipan niya. Ang dami niyang tanong. Bakit nakapangmayaman ito? Bakit ang dami nitong ginto sa katawan? Bakit walang uling ang mukha nito? At higit sa lahat ay bakit nasa loob ito ng palasyo?

Napailing si Sarina sa kaniyang mga naiisip. Naupo siya sa damuhan at tumitig sa kalmadong lawa. Iniisip niya parin ang nangyari. Iniisip niya parin kung bakit nasa loob ng palasyo si Alas at ang malala pa ay nakasuot ito ng pang mayamang kasuotan.

Kinabog ba naman ang kaniyang pang-araw-araw na pormahan.

Nagtatrabaho ba ang isang 'yon dito? Isa ba 'tong prinsipe? Isang opisyal? Ano?

Napapakunot ang noo ni Sarina dahil sa dami ng hulang pumapasok sa kaniyang isipan. Hindi niya maintindihan ang nangyayari. Mayaman ba si Alas? Kung ganoon ay bakit ito nagpapanggap bilang mahirap? Bakit ito nagpapanggap na manghahakot at tuwing gabi ay lumuluwas ng palasyo? Bakit ito nakatambay lagi sa bahay-aliwan?

Napailing muli siya. Kahit saang parte niya tignan ay hindi niya maintindihan. Sa palagay niya ay maliliwanagan lamang siya kapag si Alas na mismo ang nagpaliwanag ng nangyayari sa kaniya.

Tama!

Napatayo na siya. Si Alas lang ang makakapagpaliwanag ng lahat sa kaniya. Kaya naman matutulog na siya at bukas na bukas rin ay sisiguraduhin niyang uulanin niya ng tanong si Alas. Sisiguraduhin niyang hindi ito makakatakas sa kaniya. Napangisi nalang siya at naglakad na pabalik sa kusina para matulog at tapusin na ang araw niya.

**********

Sa kabilang banda ay halos atakihin sa puso si Alas nang makita ang bago niyang kaibigan na si Pogi sa lawang iyon. Napakabilis ng tibok ng kaniyang puso. Habol niya rin ang kaniyang paghinga dahil sa mabilis na pagtakbo.

Napasandal siya sa dinging ng palasyo habang nakahawak sa kaniyang dibdib. Hindi siya makapaniwala na makikita niya si Pogi sa lawang iyon. At hindi siya makapaniwala na maaabutan siya ni Pogi sa kaniyang kasuotang pantulog.

Ngayon palang ay nababahala na siya sa iniisip nito sa kaniya ngayon. Nabisto na siya. Natatakot na siyang magpakita ulit rito. Galit ba ito sa kaniya? Syempre magagalit ito sa kaniya. Niloko niya ito. Niloko niya ito at itinago ang tunay niyang pagkatao. Sino ang hindi magagalit doon?

Napakagat labi si Alas sa naisip niyang iyon. Oo nga, baka galit na nga sa kaniya ang ginoo dahil sa kaniyang ginawa. Napanguso na lamang siya at napayuko. Wala na siyang mukhang maihaharap kay Pogi. Lagot siya.

The Royal ChefWhere stories live. Discover now