Chapter 34: Regained

455 32 11
                                    

[Chapter 34]

Tahimik na pumasok si Joaquin sa loob ng silid ng kaniyang pinsan. Dumaan siya sa balkonahe sapagkat maraming bantay ang nakatayo sa labas dahil sa kalagayan ngayon ng kanilang mahal na hari.

Nang makapasok siya sa silid ay gumuhit sa kaniyang labi ang malawak na ngisi. Nadatnan niya ang kaniyang pinsan sa kama kung saan ngayon ay nakatali ang mga kurtina kung kaya't nakikita niya ito ng maayos at malinaw. Nakapikit ito at may benda sa ulo.

Kinuha niya ang maliit na paso sa kaniyang paanan. Napangisi siya ng malapad at malakas itong ibinato sa nakaratay niyang pinsan.

Ngunit kagaya ng inaasahan ay mabilis na umangat ang kamay ng kaniyang pinsan at mabilis na nasalo ang maliit na paso gamit ang isa nitong kamay. Dumilat ito at masama siyang tinitigan.

"Sabi na nga ba! HAHAHAHAHA!" Tawa niya sa mahinang boses upang hindi marinig ng mga bantay sa labas. Naglakad siya palapit sa kama ng pinsan at malakas itong hinampas sa braso, hindi alintana ang kalagayan nito. "Hanggang kailan ka magpapanggap na ikaw ay wala parin malay-tao?" Nakapamewang niyang tanong dito.

Isang linggo nang nakaratay sa kama ang kaniyang pinsan. Nababahala na ang mga tao pati na ang mga miyembro ng kanilang samahan. Pati siya ay nag-aalala rin kaya gabi-gabi niya itong binibisita ng palihim. Nakakasabay niya palagi ang maliit na ginoong palaging kinakausap ang nagpapanggap na wala paring malay na kaniyang pinsan.

Oo, alam niyang gising na ito at nagpapanggap lamang. Noong una nga ay nagtataka pa siya at naguguluhan. Akala niya ay tulog talaga ito. Ngunit nitong mga nagdaang araw ay napapansin niyang may kakaiba rito. Sa tuwing umaalis ang maliit na ginoo ay umaalis na rin siya kaya hindi niya mapatunayan ang kaniyang hula na may kakaiba rito.

Ngunit iba ang nangyari noong ika-limang gabing pagkaratay ng kaniyang pinsan na si Alastair sa kama.

Noong umalis ang maliit na ginoo, nagpaiwan siya sa dilim upang pagmasdan at patunayan ang kaniyang hinuha. At hindi nga siya nagkamali.

Doon niya nakumpirma na gising na pala ang si Alastair dahil bigla na lamang itong dumilat at napahawak sa sarili nitong noo at napakagat-labi.

Hindi niya mawari kung bakit ito nagpapanggap. May binubuo ba itong plano?

"Kailan ka pa nagising?" Taas-kilay niyang tanong kay Alastair na ngayon ay malamig na nakatingin lamang sa kisame.

"Matagal na." Maikling sagot nito saka ito naupo sa kama at pinaikot-ikot ang sariling leeg. "Apat na araw na akong gising."

Natawa si Joaquin sa narinig. Tama nga talaga ang kanilang hula. "Masamang damo ka talaga. Nagawa mong magising matapos lamang ang tatlong araw? Sa lakas ng tama ng iyong ulo at sa lason na pumasok sa iyong katawan ay may tsansa na isang linggo kang mawawalan ng malay o ang malala pa ay isang buwan."

Wala namang reaksyon si Alastair at malamig lamang na tinignan siya. Pati siya ay namamangha rin sa kaniya katawan. Matapos ang nangyari sa kaniya ay magigising siya agad matapos lamang ang tatlong araw.

"Umalis ka na sapagkat papasok siya rito."

Napangisi si Joaquin at naupo na lamang sa kama, sa tabi ni Alastair. "Sino?" Nang-aasar nitong tanong kahit na alam naman na niya kung sino ang tinutukoy nito.

"Wala kang pakealam," malamig nitong tugon saka siya malakas na sinipa paalis sa kama.

Natatawa namang umiwas si Joaquin sa mga paa niro. Pabagsak na lamang siyang nahiga sa kama upang hindi siya tuluyang masipa nito. "Iyon bang ginoong palaging bumibisita sa iyo tuwing gabi? Iyong ginoong palagi kang hinahalikan sa iyong noo bago umalis?" Nang-aasar niyang tanong sa kaniyang pinsan na bigla na lamang natigilan.

The Royal ChefWhere stories live. Discover now