17

41 2 0
                                    

“Sigurado ka ba talaga dito?” paniniguro ni Alicia. Noong nakaraan niya pa ako hindi tinitigilan sa katatanong.

“Yes. Ano ka ba, babalik naman ako sa amin.” Tumingin ako sa malayo at napangiti ng maliit, “gusto ko lang malinawan.”

Ramdam ko ang biglaan at nang-uusig niyang tingin.

“Hindi ka ba nakokonsensya sa ginawa mo sa mga magulang mo?” Natigilan ako at unti-unting bumaling sa kanya. “Mahal na mahal ka ng mga magulang mo, Astrid. Tapos umalis ka ng walang pasabi.”

Napayuko ako. Tama siya, mahal na mahal ako ng mga magulang ko, ganoon din naman ako sa kanila. Kaya nga ginagawa ko kung saan sila sasaya, yun nga lang ay ako naman ang naghihirap.

Mahal na mahal ako ng mga magulang ko tapos ginagawa ko lang to sa kanila?

“Babalik naman ako.”

***

Malaya. Iyan ang pakiramdam ko habang nandito ako kasama si Alicia. Malaya ako sa buhay ko, walang nagdidikta sa akin at walang istorbo. Pero hindi ko na kayang ikaila sa sarili ko na may kulang, na may nawawala.

Ilang araw na ako dito at ilang araw na din akong pinag-o-overthink ni Alicia. Hindi kumpleto ang araw niya kapag hindi ako natatanong ng bagay-bagay tungkol kay ano.

“Teh!” Bungad ni Alicia nang makita ako sa labas ng bahay niya, nakaupo sa kahoy na bench. “What if…” Sinamaan ko siya ng tingin ngunit ngitian niya lang ako ng matamis. “Biglang magpakita dito si Gabriel, ano gagawin mo?”

“Anong klaseng tanong iyan?” tanong ko habang nakangiwi sa kanya.

Humalakhak naman ito at naupo sa tabi ko. “Sagutin mo na lang kasi. E ano nga gagawin mo?” tanong niya ulit.

“May dapat ba akong gawin?” tanong ko pabalik.

Sumimangot naman siya. “Let's say, pinapauwi ka na niya. Sasama ka ba pauwi?”

Umiling ako. Ayoko nga. Ayoko makasama yon pauwi ano. Baka kung ano pa ang magawa ko. Habang nandito ako nag-stay sa bahay ni Alicia sa bundok, marami akong nalaman sa sarili ko. Kung ano ang mga napapansin ko sa sarili ko noong nasa bahay pa ako, napatibay ng mga realization ko simula nung lumayo ako.

“Uuwi rin naman ako. Hindi ko kailangan sumabay sa kanya pauwi,” sagot ko.

Tumaas ang kilay niya, “tanga, isasabay kita pauwi. Ilang araw na lang babalik ka na sa inyo.”

Napasimangot ako. “Ano ba yan! Bawal ba patagalin na nandito ako?” Umiling siya habang nakangisi. Mala-demonyo na naman ang ngisi nito, may binabalak to malamang. “Bakit mo naitanong sa akin yung mga yon?” tanong ko.

Natahimik naman siya at pinagdikit ang labi. “Uhm…” pinaglaruan niya ang daliri, “siya kasi e…”

Napanganga ako sa naging reaksyon niya. Kahit na hindi siya magsalita ay alam ko na kaagad ang nangyari. Hindi na ako magugulat kung biglang sumulpot yon dito dahil isinuko ni Alicia ang location ko kay Gabriel! 

“Sayang kasi yung strawberry wine na kapalit ng location mo,” ngumuso ito at yumuko. “Paborito ko yon e…”

Natampal ko na lang noo ko dahil sa narinig. Kung ganoon ay alam niya na kung nasaan ako. Hindi malabo na sabihin niya rin kila mommy ang nalaman niya. Saka wine ang kapalit ng location ko, talagang hindi yon kayang hindi-an ni Alicia.

***

Time flies so fast, ngayon na ang flight namin pauwi. All those day have passed by in a swift, hindi nagpakita si Gabriel. It's not that I am expecting him to show up, ha!

Ayaw ko pa umuwi kila mommy, gusto ko muna lumayo. Buti na lang ay pumayag si Alicia na doon muna ako sa condo niya.

Nang lumapag ang eroplano ay nakaramdam ako ng paglulumo. Ngayon na nakabalik na ako, hindi malabo na makasalubong ko siya. Yun ay kung lalabas ako.

Nakabalik na ako, baka mamaya lang o sa mga susunod na araw ay pati ang mga problema at pasakit ko sa buhay ay babalik na din.

Nang makarating kami sa condo niya ay nakaramdam ako ng antok. Itinabi ko sa gilid ang maleta at humilata ako sa kama nang hindi pa nagpapalit ng damit.

Ang sarap ng tulog ko, wala akong pakialam sa paligid. Naalimpungatan ako nang may marinig akong kung anong komusyon sa labas. Kusang napahawak ang kamay ko sa aking bibig at pinunasan iyon. Nakatulog pala ako ng nakanganga.

Pupungas-pungas akong napaupo sa kama nang bumukas pabalibag ang pintuan ng kwarto na kinaroroonan ko.

“Babaliwin mo ba ako?!” Napanganga ako sa narinig. Kumurap-kurap pa ako para siguruhin ang aking nakikita. Pota bakit may anghel dito?! Natulog lang ako, tapos nakakakita na ako ng anghel?

Bumukas ang bibig ko, “gago, natulog lang ako. Bakit parang patay na ako?” Nakatalikod siya sa liwanag, hindi ko makita ang mukha ng anghel sa harapan ko ngunit napansin ko ang kunot ng kanyang noo.

Dahan-dahan ay inilapit nito ang mukha sa akin, dahilan para makita ko ang mukha nito. Nanlalaki ang mga mata ko at napa-atras ako. Bakit ganito naman kaaga?! Kauuwi ko lang, kakabalik ko lang!

“Uwi na, Astrid.” Napalunok ako sabay atras sa kama. Alicia, patulong naman! “Oras na para umuwi.”

Malamlam ang kanyang mga mata habang nakatitig sa akin. Bumaba ang tingin ko sa mga braso niya na nakatukod sa kama para suportahan ang bigat niya habang naka-lean sa akin.

“Tama na ang pagtatago mo. Isipin mo naman ang mga magulang mo.” Napayuko ako kasabay ng pag-gapang ng guiltiness sa akin. “Halika na… Iuuwi na kita.”

Pumasok mula sa kwarto si Alicia. Nang magtagpo ang paningin namin ay sinamaan ko ito ng tingin. “Sorry, makulit kasi masyado yan si Gabriel. Ayaw magpapigil e sabi ko nga natutulog ka.”

Lumayo si Gabriel sa akin at tumayo ng maayos. Napatingin siya sa maleta ko na nasa gilid. Hinawakan niya yon at tumingin sa akin ulit.

“Tatayo ka ba o bubuhatin kita?” Napakamot ako sa ulo ko na gulo-gulo ang buhok. Imbis na suklayin ko ito gamit ang kamay ay lalo ko lang itong ginulo at inis na tumayo. Agad niya namang hinawakan ang braso ko na para bang tatakbo ako para tumakas.

Nilingon ko si Alicia na malapit sa pinto at nakatitig sa amin na para bang isang magandang palabas ang pinanonood niya.

“Thanks sa pag-ampon. Nakahinga ako kahit papaano,” sabi ko habang nakangiti. Naramdaman ko naman na nanigas ng lalaking may hawak sa braso ko.

Pinaalis na kami ni Alicia. Hawak-hawak ni Gabriel ang maleta ko, binitawan niya ang braso ko at sinuklay ng marahan ang buhok ko kahit na nagkakasabit-sabit ito sa mahahaba niyang daliri.

Mahaba ang pasensya niya sa pagsuklay sa buhok ko habang naglalakad kami papunta sa elevator. Hindi niya pinigtas ang buhok ko kahit pa naka-buhol yon.

Nang makapasok kami sa elevator ay inayos niya ang pagkakalugay ng buhok ko.

Hinarap niya ako, “can we talk about us?” Napakamot siya sa batok niya, “kung hindi ka pa handa sa ngayon, maghihintay ako.”

BEGIN AGAINWhere stories live. Discover now