CHAPTER 14

11 3 0
                                    

#ThePlaygirlsTale

CHAPTER 14

CARIEDEE ANDERSEN

Sobra ang kaba na nararamdaman ko habang papalapit na kami sa bahay nila Chris. Kilala ko si Dad kaya naman hindi ko maiwasang hindi kabahan sa mga pwede niyang gawin. Hindi man siya iyong tipong masalita na tao pero kapag nagalit siya, matindi.

Naramdaman ko ang paghawak ni Mom sa aking kamay kaya napatingin ako sa kanya. Magkatabi kaming nakaupo sa back seat ng kotse.

"Maayos ba ang pakiramdam mo, Anak?" tanong ni Mom sa akin.

Marahang umiling-iling ako. Hindi okay ang pakiramdam ko kaya nagsabi ako ng totoo.

Naramdaman ko ang pahigpit nang hawak sa akin ni Mom.

"Huwag kang masyadong mag-alala, kung anuman ang mangyari ay nandito lang kami na pamilya mo," pagpapagaan ng loob sa akin ni mom. "Hindi ka namin pababayaan kahit ano pa ang mangyari," dagdag pa niya.

Napatango-tango na lamang ako ng marahan sa sinabi ni Mom.

Mas lalong lumalakas at bumibilis ang tibok ng puso ko. Hinihiling ko na sana ay maging maayos lang ang lahat.

Lumipas pa ang maraming minuto at huminto na ang kotseng sinasakyan namin. Tumingin ako sa labas ng bintana at nakita kong nasa tapat na kami ng gate ng bahay nila Chris.

Inalalayan ako ni mommy sa paglabas ng kotse. Napatingin ako sa isa pa naming kotse kung saan doon nakasakay si daddy na kakalabas lamang mula sa kotse at ang mga kapatid ko.

Tumingin sa akin si daddy. Kaagad naman akong napayuko. Hiyang-hiya ako sa kanya. Kung tutuusin, kasalanan ko ang lahat ng ito kung bakit nangyayari. Naging padalos-dalos ako sa mga naging aksyon ko at hindi iniisip ang kahahantungan gaya na lamang nito.

Si Daddy ang unang lumapit sa gate at nagpatunog ng doorbell. Lumabas naman ang guard at kinausap siya. Pamaya-maya ay pinapasok na kaming lahat sa loob.

Gusto kong lamunin na lamang ng lupa habang naglalakad kami sa malawak na garden at palapit sa malaking bahay nila Chris para hindi na mangyari pa ang nasa isip ko. Mas lalong dumadagundong sa kaba ang aking puso. Pakiramdam ko, mawawalan ako ng malay anumang oras dahil sa matinding kaba na nararamdaman ko.

Nakarating na kami sa harapan ng bahay nila Chris. Si Dad pa rin ang nangunguna sa aming lahat at siyang malakas ang loob na pumindot ulit ng doorbell.

Ilang sandali lang ay pinagbuksan kami ng katulong.

"Si Chris ang sadya namin." Sobrang seryoso si Dad habang kinakausap ang katulong.

Matapos ang sandaling pag-uusap ay binuksan na ng katulong ang malaking pintuan at pinapasok kami. Iniwan niya rin kami para tawagin si Chris.

Napatingin kaming lahat sa hagdanan nang makarinig kami ng mga yabag. Nakita namin si Chris na nakasuot lamang ng roba at kasama niya si Eugena. Seryoso ang mukha ni Chris na nakatingin sa amin habang napapangisi naman si Eugena.

Nakagat ko ang ibabang labi ko. Hindi ko maitatanggi na nasaktan ako na makita silang dalawa at ang ayos nila.

"Nasaan ang mommy at daddy mo?" seryosong tanong ni Dad kay Chris nang makababa sila ni Eugena sa hagdanan at lumapit sa amin.

Naramdaman kong hinawakan nang mahigpit ni mommy ang kanang kamay ko. Napatingin ako sa kanya. Nakita ko ang pag-aalala sa mukha niya. Napilitan na lamang akong ngumiti.

"Wala sila dito," malamig na tugon ni Chris. "Ano bang meron at napasugod kayong lahat?" tanong pa niya.

Hindi sumagot si daddy sa tanong ni Chris. Diretsahan lamang itong nakatingin sa ex-boyfriend ko.

The Playgirl's Tale (Romance, Drama) - FINWhere stories live. Discover now