9. The Recruits

33.5K 1.6K 75
                                    

Nakakailang. Unang beses simula nang magdalaga ako na maghubad ako sa harap ng maraming tao. Marami na para saakin ang apat dama na naghihintay na hubarin ko ang nangangamoy at napakadumi kong damit. Nakatalikod pa ako dahil hindi ako sanay na pinapanood habang nagtatanggal ng kasuotan. Narinig kong naghagikgikan pa ang mga dama dahil sa pangingilang ko.

"Miss Ali, napakaganda po ang hubog ng iyong katawan kaya wala pong dahilan para mahiya ka. Narito po kami para tulungan kang maglinis ng katawan at manamit ng naayon sa iyong posisyon sa kahariang ito." Malumanay na pagkakasabi ng isang dama. Hinuha ko'y ang pinakabatang dama ang nagsabi no'n.

Namula ako sa sinabi nito at mas lalo akong nailang. Alam ko namang maganda ang hubog ng aking katawan pero hindi ko inisip ni isang beses na maghuhubad ako sa harap ng apat na dama.

"Dito na po Miss Ali." Anang pinakamatanda sa apat na hula ko'y nasa edad limampo pataas dahil na namumuti na nitong mga buhok.

Nakatakip ang dalawa kong kamay sa mga pribado kong bahagi saka umikot at mabilis na lumusong sa malaking batya na gawa sa marmol. May mga nakalutang pang talulot ng rosas sa maligamgam na tubig na hinaluan ng gatas at mabangong langis ng lavender. Napasandal ako sa dulo ng mamahaling bath tub at kaagad namang hinawi ng isang dama ang aking buhok. Naamoy ko pa ang inilagay nitong likido na animo'y bagong pitas na mga prutas sa sobrang bango. Minasahe nito ang nangangati kong anit dahilan para mapapikit ako. Napakaginhawa sa pakiramdam. Ito ang unang pagkakataon na naramdaman ko ang ganitong ginhawa, napayapa pansamantala ang aking isip habang sinasabon ang marumi kong kutis. Nakaabang naman ang dalawa pang dama sa di kalayuan. Hawak ng isa ang malaking puting tuwalya at isang roba habang hawak ng isa pa ang isang kulay puting kasuotang tingin ko ay gawa sa mamahaling tela.

"Miss," tawag ko sa damang nagmamasahe sa aking anit.

"Dama po Miss Ali. Dama lang ang pwede mong itawag saamin." Pagtatama naman nito.

Kumunot ang noo ko sa sinabi ng dama. May diskriminasyon parin pala sa impyerno. "Dama," hindi na ako tumutol sa kagustuhan ng dama, "sa tingin mo anong magaganap kaya hawak ng isang dama ang mamahaling kasuotang 'yon?"

"Mamaya na po kayo ipapakilala sa buong kaharian at sa nasasakupan. Kaya po kayo bibihisan para sa okasyon Miss Ali." Sagot ng damang nanghihilod sa aking paa.

Napapikit uli ako. Hindi ko alam kung magugustuhan ko ang mga susunod pang kaganapan. Parang wala lang siguradong direksyon ang buhay ko at wala pa akong sisimulang plano hangga't hindi ko nalalaman ang takbo ng buhay dito. Daig ko pa ang isang bagong panganak. Walang magulang. Walang titingin sa mga kamalian ko at walang magtatama. Wala akong susunding direksyon at wala akong susundang yapak. Hindi ko alam kung hanggang kailan ako hihinga dahil una sa lahat, wala pa akong seguridad na tinatawag. Nasa kawalan ako. Sa isang parang na pinaliligiran ng mga bulaklak at mababangis na hayop. I can be dead anytime.

"M-Miss Ali, bihis na po kayo. Magsisimula na ang kasiyahan sa kastilyo maya-maya lang. Bawal po kasi ang mahuli." Tila nag-alinlangan pa ang dalagitang dama na gisingin ako sa pagkakaidlip. Sumalubong ang inosenteng ngiti nito saakin.

Tila may kumurot sa dibdib ko nang makita ko ang mga ngiti niya -bukal, walang lihim na tinatago at may halong pag-aalala. Naramdaman kong iba nga talaga ako sa kanila. Nakakulong ako sa poot, sa paghihiganti at takot samantalang sila'y masaya at nahanap na ang kapayapaan sa kahariang ito.

Anong meron sa lugar na 'to at gan'to na lang kagiliw ang mga mukha ng tao? Nagkamali ba ako ng kilala sa tinatawag nilang floating island of death?

Agad akong tumayo. Muling nanumbalik ang pagkailang ko nang mapagtanto kong wala akong saplot. Sinalubong ako ng isang dama na may hawak na tuwalya nang humakbang ako paangat sa batya. Nakasabit sa isa nitong braso ang robang susuotin ko kapag natuyo na ako.

Deathbound [Published Under Cloak Pop Fiction]Where stories live. Discover now