9

4.3K 243 42
                                    

A/N: Sorry guys natagalan. Masyadong grabe yung writer's block ko. HAHAHAH. May isinulat akong chapter tapos di ko nagustuhan so I opted to rewrite it.

Kaiden

Marahang hinihimas ni Kaiden ang likuran ni Victory, sinusubukang patahanin ito. Simula nang pagdating nito sa parlor kanina pa ito umiiyak. Sinubukan naman ni Kaiden ang lahat ng powers niya para mapatawa ito ngunit ni-isa walang nagwagi.

Napabuntong hininga si Kaiden.

"Ano ba naman kasi ang sinabi ko sa'yo?" tanong ni Karen kay Victory. "Hay nako Victory, napakatanga mo naman kasi para tanggapin ulit 'yang boyfriend mo na ninakawan kana."

"Oo na alam ko naman nang mali ko 'di ba? Hindi mo na kailangang ipamukha sa akin," bulyaw ni Victory sa kaibigan nito.

Umupo si Mamang Teresa sa tabi ni Victory at hinimas rin ang likuran nito.

"Mamang, sorry," hagulgol ni Victory sa amo nito. "Akala ko kasi mapapabago ko siya."

Naging tahimik lang si Mamang Teresa at ilang beses ring narinig ni Kaiden na bumuntong hininga ito. Parang iniisip kung paano sosolusyonan ang mga nangyayari.

"Hindi ko sinasabing mali si Karen, pero may punto siya," pangaral ni Mamang. "Dapat noong unang beses na niloko ka niya at ninakawan, alam mo na na maaaring ulitin niya 'to ulet. Sinabihan naman kita noong sabi mong sinusuyo ka niya ulit 'di ba? Suportado kita kung saan ka masaya pero kung pa-ulit-ulit kang magpapaloko, ako na mismo ang ang babatok sa'yo para matauhan ka."

"Sorry...M-maamang..B-bakit ba paulit-ulit na nangyayari 'to?" lumakas ang hagulgol ni Victory nang yakapin siya ni Mamang.

"Sabi ko nga, fool me once, shame on you, fool me twice shame on me," pagpasok ni Jen sa usapan.

Napalingon naman si Mamang sa gawi nito, "May kulang d'yan, e," saad ni Mamang. "Sa tingin ko kasi sadyang may mga taong mabilis lang talaga magpatawad. Fool me twice, shame on me? Siguro pinararating niyan na dapat natuto ka na noong naloko ka na niya. Pero paano kapag yung taong nasaktan, bukal lang talaga sa kanya ang magpatawad? Kaso dapat din iniisip mo yung taong nanloko sa'yo. Hindi mo mapapabago ang isang tao ng ganon ka bilis."

"Hindi ko talaga alam...akala ko talaga...ayaw ko na magmahal. Nasasaktan lang ako," saad ni Victory habang pinupunasan ang mga luha sa pisngi nito.

"Victory, tandaan mo...Hindi mo obligasyon na baguhin ang isang tao. Hindi mo kasalanan na nagmahal ka....Hindi mo rin kasalanan na pinagkatiwalaan mo siya. Siya ang dapat mahiya. Siya ang gumawa ng kasalanan sa'yo. 'Wag na 'wag mong iisipin na mali ang magmahal. Ang mali ay ang taong minahal mo..." pangaral muli ni Mamang.

Napayuko si Kaiden nang makaramdam siya ng kirot sa puso niya.

'Wag na 'wag mong iisipin na mali ang magmahal. Ang mali ay ang taong minahal mo.

Hindi na bago kay Kaiden ang makarinig ng mga ganitong linya kay Mamang Teresa ngunit isa nanaman itong tatandaan ni Kaiden. Hindi naman kasi talaga mali ang magmahal.

"Thank you, Mamang...Naliwanagan na ako," tumatahan na sabi ni Victory. Napangiti naman si Kaiden nang makitang iba na ang itsura nito kumpara nang tumakbo ito papunta sa kanila.

Naalala ni Kaiden nang mawala ang "relasyon" nila ni Dennis. Hindi na 'yon nasundan dahil natakot na siyang magmahal ulit at bigyang prayoridad ang mga lalake. Ngunit may bahagi ng puso ni Kaiden na hinahanap-hanap ang kilig at pakiramdam ng may taong parating nakakaalala sa'yo.

Labing-pitong taong gulang pa lang si Kaiden. Normal lang naman na maghanap siya ng boyfriend 'di ba?

Tumayo si Mamang at binigyan sila isa-isa ng tingin, "Tayong mga bakla, madalas gamitin lang tayo sa pansariling kagustuhan ng mga tao. Pero ilang beses kong sinabi sa inyo na 'wag na 'wag ninyong hahayaang ibaba ang dignidad ninyo. Kahit anong sabihin nila tungkol sa mga kagaya natin, mahalaga paring taas-noo nating hinaharap ang mga problema natin at alam nating wala tayong tinatapakang tao. Kung may problema kayo sa pag-ibig, normal lang 'yan kahit sa mga heterosexual relationships. Ang hindi normal ay ang patuloy na magpakabulag kahit harap-harapan na tayong niloloko. Maliit na lang ang posibilidad na magkaanak tayo...kaya ang natatanging mamahalin natin ay ang pamilya natin, mga kaibigan natin at higit sa lahat ang sarili natin. Respeto at pagmamahal sa sarili ang pinakamahalaga sa lahat."

DYOSA (TRANS)Where stories live. Discover now