Chapter Six

29.1K 692 18
                                    


Chapter Six

Eliz

MAGTATATLONG ARAW na magmula nang huli kong makita ang aroganteng lalaking kumupkop sa akin sa lugar na ito.

Ang sabi sa akin noon ni Manang Pising ay pumunta lang ito ng bayan. Hindi ko alam kung saang bayan ba siya nagtungo pero hindi naman posible na aabutin siya ng higit tatlong araw para lang pumunta sa isang bayan na posibleng malapit-lapit lang naman sa isla at hanggang ngayon ay hindi pa rin bumabalik.

Huwag mong sabihing nami-miss mo na ang estrangherong iyon, Eliz?

Mabilis akong napailing sa nakakatuwang ideya na pumasok sa isip ko.

Hindi ko siya nami-miss mas lalong wala sa plano ko na muling makita ang mukha niya dahil halata naman sa kanya na hindi niya ako gusto dito sa teritoryo niya. Idagdag mo pang hindi ko pa rin nalilimutan ang mga akusasyon na binigay niya sa akin noong huli.

Nagtataka lang talaga ako kung gaano ba kalayo ang lugar na ito sa Maynila at paano ako makakabalik sa lugar namin nang hindi na magku-krus ang landas namin ng lalaki na iyon.

Oo. Alam kong kahit na may pagkabrusko ang lalaking iyon, utang na loob ko pa rin sa kanya ang buhay ko. Pero sa kalagayan ko ngayon na walang maalala na kahit ano tungkol sa huling nangyari sa akin at paano ako napadpad sa lugar na 'to, hindi pa rin magiging ligtas sa akin na magtiwala sa mga taong nakatira dito sa isla, partikular sa lalaking iyon.

Sa mga nakalipas ding araw, pilit kong inaalala ang mga nangyari. Pero sa tuwing ginagawa ko iyon ay lalo lang sumasakit ang ulo ko at mas lalo lang akong nahihirapang bawiin ang mga bagay na posibleng nawala sa akin dahil sa amnesia na nararanasan ko ngayon.

"Manang Pising," tawag ko sa matanda na kasalukuyang nagpupunas ng mga dahoon ng saging na ginagamit nilang plato para sa mga trabahador ng isla.

"Ano iyon, Monique?"

"May malapit po bang tindahan dito sa isla na may telepono na p'wede ko hong tawagan?"

"Telepono?"

"Oho. Gusto ko lang ho sanang makumusta ang mga magulang ko. Baka ho nag-aalala na sila sa pagkawala ko."

Napansin ang pag-aalangan sa mukha ng matanda na sagutin ang tanong ko.

Oo nga pala. Bakit ko nakalimutan?

Amo pala ni Manang Pising ang aroganteng lalaking 'yon. Kaya posibleng sinabihan niya si Manang na huwag akong paalisin dito sa may kubo.

Hindi ko gustong magtanim ng pagdududa kay Manang Pising. Dahil sa tatlong araw na panunuluyan ko dito magmula nang magkamalay ako, naging mabuti naman ang pagtrato niya sa akin. Minsan nga, hindi ko maiwasan na maalala sa kanya si mama dahil sa pagigiging sobrang maasikaso nito. Idagdag mo pa na isa lang akong dayuhan na walang maalala sa kanilang isla.

Pero kung magiging hadlang din si Manang Pising para makabalik ako sa amin dahil na rin sa utos ng lalaki na iyon, wala akong ibang magagawa kundi pagdudahan ang kabutihan na pinapakita nito sa akin.

"Imposible iyang sinasabi mo, hija, dahil malayo tayo sa kabihasnan," sagot sa akin ni Manang maya-maya.

Sinasabi ko na nga ba, sa isip ko.

"Gano'n ho ba?" nasabi ko na lang.

"Pasensya ka na, Monique. Kung mayro'n lang kami no'n sa bahay ay ipapahiram ko agad sa'yo. Magulang din ako kaya alam ko ang posibleng nararamdaman ng mga magulang mo ngayon. Hintayin na lang natin ang senyorito para siya na ang magbigay ng kailangan mo."

Breaking the Rules (Mondragon Series #3)Där berättelser lever. Upptäck nu