Chapter Thirty Eight

21.3K 667 111
                                    


Chapter Thirty Eight

Eliz

NAGISING AKO mula sa mahimbing na pagtulog nang may maramdaman akong malamig na tubig na bumagsak sa mukha ko kasabay ng paglabas ng isang malakas na tili dahil sa gulat at lamig noon at napabangon mula sa pagkakasalampak ng katawan ko sa sahig.

"Mabuti naman at nagising ka na."

Napalingon-lingon ako sa paligid nang may marinig akong isang pamilyar na malaki at malalim na boses.

Pero kahit ilang beses ko pang ipikit-sara ang mga mata ko, wala akong ibang makita kundi kadiliman. Saka ko napansin ang hindi komportableng pakiramdam sa may bandang mata ko dahil sa piring na mahigpit na tumatakip sa paningin ko.

"Sino kayo?" malakas na sigaw ko, pilit pinapatapang at tatag ang tono ng pananalita ko kahit pa nga nararamdaman ko ang matinding panginginig ng labi at katawan ko dahil sa pinaghalong takot at ginaw mula sa tubig kanina.

"Kailangan mo pa bang malaman kung sino kami?"

Malakas akong napasinghap nang may maramdaman akong isang magaspang na kamay na humawak sa baba ko saka iyon marahas na iningat at bago binaling-baling ng may hawak sa akin ang mukha ko na tila ba may ini-inspeksyon ito na kung ano sa mukha ko.

"Ang tagal-tagal mo kaming pinahirapang babae ka," mahina ngunit may ngitngit at galit sa boses na wika ng lalaki. "Pinaniwala mo pa kaming na-dispatya ka na ng mga bata ko tapos malalaman-laman namin na buhay ka pa pala at ang Mondragon na kasama mo!"

"Ano bang kailangan n'yo sa akin?" Sinubukan ko ulit magtaas ng boses sa kanila at akmang magsasabi pa ng ibang bagay nang may maramdam akong isang malakas na sampal sa pisngi ko na nagpabagsak muli sa akin sa sahig.

Kung kanina ay nanginginig lang ang buong katawan ko sa takot, ngayon ay nararamdaman ko na rin ang nginig ng mga kalamnan ko sa mga posiblidad na p'wedeng gawin ng tao na 'to sa akin o kung sino pang kasama niya dito sa lugar kung saan nila ako dinala dahil nasisiguro kong hindi lang siya mag-isa nang makuha niya ako sa mansyon nila Gael.

"Kung ako sa'yo, pag-aaralan kong magbigay galang sa may hawak ng buhay mo ngayon," pagbabanta pa ng nanampal sa akin. "At kung sa tingin mo ay may makakatulong na naman sa'yo na Mondragon, p'wes, nagkakamali ka."

"W-wala akong natatandaang ginawa sa inyo..." halos mabasag na ang boses ko nang banggitin ang mga bagay na 'to dahil na rin sa sakit ng pisngi na nakuha ko at dahil na rin sa pinipigil kong pagbagsak ng luha sa mga mata ko. "Dayo lang ako sa isla. Ano bang kailangan n'yo sa akin?"

"Sa'yo, wala," sagot pa nito saka nagpatuloy. "Pero sa Eros Mondragon na iyon, malaki ang kailangan namin."

Sinasabi ko na nga ba! Si Eros talaga ang pakay nila! sigaw ko sa isip ko.

"Kung hindi lang kasi naging madaldal ang bibig mo, hindi ka naman talaga sana madadamay dito. Kung sana natuto kang lumugar at hindi na nanghimasok sa mga nangyayari sa Alta Pueblo at tumulong sa Mondragon na iyon, hindi ka sana malalagay sa sitwasyon na 'to," paliwanag pa ng malalim na boses na iyon. "Ilang buwan na naming ginagawa ang pagnanakaw dito sa isla. Malaki ang kinikita namin sa mga naangkat naming produkto. Tapos darating ka para sirain ang negosyo namin?"

"Hindi sa inyo ang mga ninanakaw n'yo kundi sa mga Mondragon at iba pang taga-isla!"

Hindi ko malaman kung saan ba nanggagaling iyong lakas ng loob ko na sumagot-sagot sa lalaki na 'to kahit pa nga nasaktan na niya ako kanina no'ng sinubukan kong sumagot sa kanya.

Breaking the Rules (Mondragon Series #3)Where stories live. Discover now