Part 21

1.6K 30 0
                                    


"MUKHANG gusto ka ni Lola Loreta, alam mo ba hindi iyan basta-basta pumapayag na magpatuloy ng lalaki dito sa transient house pero ikaw nakumbinsi mo siya" ang tila hindi makapaniwala pero masayang komento ni Aling Nenet kinagabihan habang abala siya sa paghahanda ng hapunan.

Ngumiti siya. "Baka naramdaman ni Lola na mapagkakatiwalaan naman si Paul. Saka maulan rin kasi, baka mahirapan siyang maghanap ng matutuluyan kaya pinakiusapan ko na ng mabuti si Lola" aniya.

Tumango-tango si Aling Nenet saka humigop ng kape sa tasang hawak nito. "Oo nga pala, sasaglitin ko lang iyong attic, baka may kailangang linisin ng kaunti. Nakakahiya naman sa gwapong bisita, maiwan na kita" anitong inubos ang kape saka iniwan sa sink ang tasa.

"Sige ho Aling Nenet" ang tanging sagot niya.

PASADO alas siyete na nang gabi nang marating ni Paul ang Baguio. Nakangiti pa niyang sinulyapan ang bouquet ng purple roses na binili niya sa nadaanang papasara ng flowershop. At nang maisip ang dahilan kung kaya ganoong kulay ang ibinibigay niya kay Jessica, napangiti siya.

Alam niyang bihira ang mga taong naniniwala sa love at first sight. At aminado siyang ganoon siya noon. Pero iba ang nangyari sa kanya nang una niyang makita si Jessica sa Richardson University.

Siguro mahirap ipaliwanag o bigyan ng justification ang nararamdaman niya para sa dalaga. Kung paano niya ipaliliwanag na nahulog na siya rito nang una niya itong makita apat na taon na ang nakalipas? Dahil kung hindi, bakit nakaramdam siya ng matinding panghihinayang na sana ay wala si Andrea noon sa buhay niya?

Mali iyon alam niya. At dahil nga mas pinili niyang maging tama, sa dakong huli ay nasaktan lang siya. Kaya naisip niyang kung minsan pala iyong iniisip nating mali, iyon ang mas tamang piliin dahil sa dakong huli, iyon ang magdadala sa atin sa tama.

Pero sa kabilang banda naman, masaya siya at nakapaghintay siya. Hindi siya nagmadali sa kabila ng maraming babaeng naireto na sa kanya ng mga magulang niya. Dahil kung hindi, baka sa pagkakataong ito ay mapilitan siyang gumawa ng mali para lang masunod ang nararamdaman niyang sa tingin niya ay mas tama.

MATAGAL nang nanatiling nakatitig si Jessica sa harapan ng salamin sa loob ng kanyang kwarto. Pinagmamasdan ang sarili niyang repleksyon saka lang natawa nang maalala kung paanong ininsulto ni Daniel ang ayos niya.

Si Daniel ay kabaligtaran ni Paul kung tutuusin. Alam niyang mali ang magkumpara pero hindi niya mapigilan. Iyon ay sa paraan lang naman ng pagtingin ng mga ito sa kanya. Iba kasi ang nararamdaman niya kapag tinitingnan siya noon ni Daniel. Iyon bang tipong, parang wala lang? Pero kay Paul, kayang iparamdam kahit ng mga mata lang nito na siya ang pinakamagandang babae sa buong mundo. At naniniwala siya doon hindi dahil iyon na ang paniniwala niya noon pa kundi dahil tuluyan na ngang nalusaw ang insecurity na natanim sa isipan niya nang iwanan siya ng dati niyang nobyo. Dahil ayon narin dito, para siyang manang kung mag-ayos. Napangiti siya saka sinimulang tuyuin ang basa niyang buhok gamit ang twalya. Pagkatapos ay sinuklay iyon ay hinayaang nakalugay lang.

At dahil nga malamig gaya ng dati ay skinny jeans ang isinuot niya. Pero dahil maulan ay mas pinili niyang ipares doon ang kulay pula niyang turtle-neck sweatshirt. Hinubad niya ang suot na salamin saka sinimulan ang pag-aayos. Powder at manipis lang na lipstick, hindi niya maintindihan kung bakit gusto niyang maging maayos sa paningin ni Paul pero dahil nga aminado naman siyang crush niya ang binata, iyon nalang ang tinitingnan niyang anggulo.

Palabas na siya ng kwarto nang maunahan siya ng magkakasunod na katok sa pinto. Noon biglang kumabog ang dibdib niya saka iyon nagmamadaling binuksan. Gaya ng inaasahan, si Aling Nenet.

"Woowww! Ang ganda mo naman Jessica!" ang humahanga nitong sabi saka siya sinuyod ng tingin mula ulo hanggang paa.

Nahihiya siyang napangiti. "Thank you po Aling Nenet" aniya.

"Nandoon na sa sala ang bisita, hinihintay ka" parang nahulaan na ng ginang na iyon ang hinihintay niyang marinig.

Tumango siya. "Sige po susunod na ako" aniya pagkatapos.

NANG matanawang papalapit si Jessica ay kusang napatayo si Paul. Mabilis na biglang niragasa ng kaba ang dibdib niya kaya magkakasunod ang ginawa niyang paghinga. Iyon ang unang pagkakataong nakita niyang nakalugay ang buhok ng dalaga, bagaman suot parin nito ang eyeglasses nito. Hindi iyon nakabawas sa natural nitong pang-akit at bagkus na nakadagdag pa. Dahil bukod sa itiman nitong buhok, nagkaroon din iyon ng magandang contrast hindi lang sa mestisahin nitong kutis kundi maging sa suot nitong pangitaas na pula ang kulay.

"H-Hi!" aniyang pinanginigan pa ng tinig nang makalapit sa kanya ang dalaga.

Maganda ang ngiting pumunit sa mga labi ni Jessica kaya naman hindi biro ang ginawa niyang pagpipigil para lang huwag itong mahalikan at mayakap ng mahigpit. "Hello, kumusta ang biyahe?" anitong tinanggap ang bouquet na inaabot niya. "thank you" ang dalagang sinulyapan muna ang mga bulaklak saka nangingislap ang mga matang muli siyang tiningala.

"Ang ganda mo Jess" nang hindi makapagpigil ay buong paghanga niyang sabi.

Nakita niya ang matinding pamumula ng mukha ng dalaga dahil sa sinabi niyang iyon. At malaking bahagi ng puso niya ang natuwa. "S-Salamat" anitong bahagya pang pinanginigan ng tinig. "halika na, kanina pa ready ang hapunan" anitong nagpatiuna na sa kusina.

ESPERANDO SERIES BOOK 3: PURPLE ROSES (UNEDITED_TO BE PUBLISHED BY PHR)Where stories live. Discover now