Part 24

1.6K 37 0
                                    


ALAS KUWATRO ng madaling araw ay bumalik na si Jessica sa kwarto niya. Alam niyang hindi magugustuhan ni Lola Loreta ang makita siyang nagpalipas ng magdamag kasama si Paul. Dahil una sa lahat, ipinakiusap lang niya ang pagtuloy doon ng binata.

Pasado alas seis nang gisingin siya ng magkakasunod na katok sa pinto. Si Aling Nenet, maganda ang ngiti nitong bumungad sa kanya. "Mag-ayos kana at kanina pa nakahanda ang almusal" anito sa kanya.

Nagtatanong ang mga matang tinitigan niya ang ginang. "A-Ano ho?" iyon kasi ang unang pagkakataong ginising siya ni Aling Nenet para isabay ng almusal.

Ngumiti lang ang ginang sa kanya. "Bilisan mo at ikaw nalang ang kulang" anitong iniwan na siya pagkatapos.

Parang natauhan naman nagmamadali siyang kumilos dahil sa narinig. Noon niya naalala si Paul. Baka nagugutom na ito at hindi manlang niya naipaghanda ng agahan. Paano naman kasi napasarap ng husto ang tulog niya dahil sa pagod. Nang maalala ang dahilan kung bakit siya napagod ay agad ring nag-init ang kanyang mukha.

"Good morning!" ang masayang mukha ni Paul ang unang nabungaran niya sa kusina. Nakatayo kasi ito sa may tabi ni Lola Loreta at abala sa pag-aasikaso sa matanda. "halika na, para makapag-prepare na tayo paluwas ng Manila" anitong hinila ang silyang uupuan niya.

Nag-iinit ang mga pisngi siyang napasunod. Sandali niyang sinulyapan si Lola Loreta na masaya ang bukas ng mukha habang nakatingin sa kanya. Ganoon rin si Aling Nenet na ngiting-ngiti.

"Masarap magluto ang nobyo mo hija, siguradong maaalagaan ka niya. Parang si Lorenzo noon" si Lola Loreta nang makaupo siya ay magana ng kumakain.

Nagtatanong ang mga mata niyang nilingon si Paul na nakaupo na sa tabi niya. "S-Sinabi mo?"

Maganda ang pagkakangiting nagkibit ng balikat ang binata. "Bakit kailangan pa bang itago?" anito sa masayang tinig.

Nagbuka siya ng bibig para magsalita pero naunahan siya ni Aling Nenet. "Oo nga naman! Walang kailangang itago lalo na kung nagmamahalan naman kayo. Alam mo ba Jessica ang totoong pagmamahal dumarating iyan sa pinaka-hindi mo inaasahang panahon at pagkakataon. Kaya tama lang na hindi kana pinakawalan nitong si pogi, kasi walang babagay sa'yo kundi siya lang!" ang mahabang litanya ng babaeng katiwala saka sumubo ng pagkain.

Hindi siya nakapagsalita. Totoo naman kasi iyon kaya nahihiya nalang siyang napangiti. Maganda ang kislap sa mga mata ni Paul nang magtama ang kanilang paningin. Sa isang iglap nakita niya ang magandang hinaharap kasama ito. Kaya tama lang ang desisyon niyag tanggapin ang iniaalok nitong kasal, dahil gaya narin ng sinabi ni Aling Nenet. Walang ibang babagay sa kanya, si Paul lang, kaya ganoon ang na-envision niya sa mga mata ng binata.

Gaya narin ng gustong mangyari ni Paul. Matapos nilang mag-agahan ay gumayak na sila paluwas ng Maynila. Nakakatuwang isiping dumating siya sa bahay na iyon na parang galit sa mundo. Pero aalis siyang ibang-iba na ngayon. Ang nangyari ay parang nagpunta siya doon para hintayin lang ang pagdating ng isang hindi inaasahang pag-ibig.

"Mag-iingat kayo at sana hindi ito ang una at huling pagbisita mo rito. Ninyong dalawa, nandito lang ako, naghihintay" ang makahulugang sabi ni Lola Loreta saka mabait silang nginitian.

Humaplos ang sinabing iyon ng matanda sa puso niya kaya naman walang pagdadalawang isip niya itong niyakap saka hinalikan sa noo. "Pangako babalikan ko po kayo" totoo iyon sa loob niya saka binalingan si Aling Nenet na nakangiti habang nakamata lang. "mauuna na po kami, salamat po sa lahat" aniya sa ginang na tumango lang.

Quarter to seven ng gabi nang marating nila ang Maynila. Kanina habang nasa byahe sila ni Paul ay tinawagan niya ang nanay niya na pauwi na siya at may kasama. Masaya siyang sinalubong ng mga kapatid niya, lalo na ang mga dala niyang pasalubong para sa mga ito. Sa sala ay naiwang nag-uusap ang tatay niya at si Paul. Habang siya naman ay sa kusina nagtuloy at tinulungan sa paghahanda ng mesa ang nanay niya.

"Umamin ka nga sa akin Jessica" ang nanay niyang ibinaba ang bandehado ng kanin sa mesa.

Nagbuntong-hininga siya saka sinulyapan ang ina. "Plano na po naming magpakasal ni Paul" aniya sa ina.

Napamulagat sa inamin niyang iyon si Rosalyn. "A-Ano?"

Tumango siya. "Nakapag-decide na po ako nay" giit niya dahil nahuhulaan na niya ang susunod na posibleng sabihin ng ina.

Naiiling na pinagmasdan siya ng nanay niya. "Alam mo bang hindi lang dalawang beses nang nanggaling dito sa Daniel sa loob ng dalawang linggong nasa Baguio ka?" mababa ang tinig na balita nito sa kanya.

Nagkibit lang siya ng balikat sa narinig. Hindi naman na siya interesado kahit pa anong sabihin ng nanay niya tungkol kay Daniel. "Hindi na po ako makikipagbalikan sa kanya, hindi ko na siya mahal" amin niya sa totoong nararamdaman.

"At si Paul? Huwag mong sabihin sa aking nagawa mo siyang mahalin sa ganoon kaikling panahon lang? Teka, gaano na pala kayo katagal na magkakilala?"

"One month" aniya.

"Tapos magpapakasal ka sa kanya? Nababaliw kana bang bata ka?"

"Bakit si Daniel nay, hindi po ba ang tagal niya kong niligawan pero wala rin kinahinatnan ang lahat? Saka isa pa, mabuting tao si Paul" pagbibigay paliwanag niya.

"Wala naman akong sinabing masama siyang tao. Ang tanong kasi diyan anak, kung mahal mo ba?"

ESPERANDO SERIES BOOK 3: PURPLE ROSES (UNEDITED_TO BE PUBLISHED BY PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon