THIRTY THREE - MAID

40.9K 971 23
                                    

GABRIELLA’S P.O.V.


LULAN NA KAMI ng sasakyan papunta sa bahay ng magulang ni James. Gusto sana akong ihatid ni James ngunit sinabihan siya ng mama niya na ’wag na dahil nga may trabaho rin siya. Ayaw pa sana niyang pumayag, pero kinumbinsi ko na rin para maaga siyang makapasok.
Narito ako sa likod katabi ang mama niya habang ang papa naman niya ay nasa front seat katabi ng driver. Kung may makakakita lang sa akin ay tiyak na matatawa, para kasi akong tuod na steady lang na nakaupo at hindi alam kung gagalaw ba. Naiilang kasi akong makatabi ito, lalo’t halata naman na napipilitan lamang ito.
“Marunong ka ba sa mga gawaing bahay?” pukaw ng mama ni James na nakatingin pa rin sa bintana, ako siguro ang tinatanong.
“Medyo lang po,” nahihiya kong sabi. Narinig ko siyang pumalatak at tila hindi nagustuhan ang sinagot ko.
“Ano bang nagustuhan sa ’yo ng anak ko, lahat yata wala kang alam. Buti pa si Stella, kahit anak mayaman ay alam ang gawain sa bahay. Tsk,” panlalait sa akin nito. Hindi ko pinansin iyon kundi ang tumatak sa akin ay ang Stella na halatang gustong-gusto niya.
“Sino po ba ’yong Stella?” curious at mahina kong tanong. Napansin ko na umangat ang sulok ng labi niya sa porma na tila may binabalak.
“Stella Samson ang babaeng pinangakuan ni—” Naputol ang sasabihin niya nang suwayin siya ng asawa niya.
“Michelle, tama na. Baka kapag nalaman pa iyan ng anak mo, baka lalo itong magalit sa atin . . .” makahulugang sabi ng papa ni James habang nakatalikod na sinaway ang asawa na tila nainis naman.
Hindi na muling nagsalita ang mama ni James kaya tumahimik na sa loob ng sasakyan.
Habang nasa byahe at tahimik na, ako naman ay nakatingin na lang sa dinaraanan namin dahil nalilibang ako sa mga nakikita kong magagandang lugar. Malayo na rin ang narating namin mula sa bahay ni James. Kahit na inaantok ay pinigilan kong matulog dahil nakakahiya naman lalo’t sila ay mga gising.
Ilang sandali lang din ay lumiko ang kotse papasok sa malaking gate. Akala ko ay narito na kami bahay nila, pero nakamali ako dahil para pala kaming pumasok sa isang hacienda na napakalayo ng gate sa bahay. Marami kaming puno na nadaraanan, iba’t ibang klase siya ang mga ito. Mayroong mga trabahante na nagsisiyukuan nang dumaan ang sasakyan na sinasakyan ko, dahil siguro alam nila na magulang ni James ang sakay.
Malapit na yata kami, dahil natatanaw ko na ang mansyon nila na napakalaki. Nakita ko rin ang paglabas ng mga kasambahay at mga nagsiayos ng tayo upang salubungin kami.
Paghinto ng sasakyan ay may lumapit sa bawat pintuan para pagbuksan kami. Dahan-dahan akong bumaba, bitbit ang gym bag na dala ko. Mabigat siya ngunit hindi ko pinahalata. Kukunin sana ito ng isang bodyguard, ngunit pinigil iyon ng mama ni James kaya nagpasalamat na lang ako rito at humakbang para lumapit na sa mga nakaharap na kasambahay. 
“Everyone, listen to me,” pumapalakpak na tawag-atensyon ng mama ni James sa lahat ng tauhan nila. “Siya ang bagong kasambahay na makakasama n’yo.” Nagulat ako sa sinabi niya dahil alam naman nitong buntis ako. Tsaka sabi niya bakasyon ang ipupunta ko? 
“Pero, Mama. Hindi na—” Hindi na ako pinatapos nito sa pagsasalita at inilapit ang bibig sa tainga ko.
“’Wag na ’wag mo akong matawag na mama dahil hindi kita anak,” mariin niyang banta sa akin na ikinayuko ko ng ulo. “Hindi ba gusto mong magustuhan kita?” Napatango ako dahil hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko. Gusto kong umiyak, pero ayoko naman na kaawaan. 
“Pwes, ipakita mo na masunurin ka. Dahil ang gusto ko sa magiging asawa ni James ay marunong sa gawaing bahay, hindi tatamad-tamad!” pagkasabi niya no’n ay umayos na ito ng tayo at tumingin sa kasambahay para ipaalam kung ano ang ipapagawa sa akin.
“Ituro n’yo sa kanya ang magiging kwarto niya, pagkatapos ay isabak n’yo na sa gawain.” Pagkatapos niyang magbilin ay umalis na siya, para pumasok sa loob at iniwan ako. ’Yong papa naman ni James ay kanina pa nakapasok kaya hindi niya alam ang nangyari. 
Lumapit ang mga kasambahay sa akin at tiningnan ako mula ulo hanggang paa.
“Swerte mo naman para sa isang kasambahay, kasabay pa ng amo sa isang sasakyan . . .” mapanghusgang sabi ng isa na kulot ang buhok, halata mo na probinsyana siya na matapang ang mukha.
“Tama na ’yan, Rose. Dalhin n’yo na ang babaeng iyan sa kwarto niya at ituro mo na ang gagawin niya,” sabi ng nakasalamin na matanda at tumalikod na.
“Makakapagtrabaho ba ito?” sabi no’ng isa na may pagkamorena na kasing edad siguro nitong rose na kulot. Tumingin siya sa tiyan ko, bago bumaling sa mga kasama. “Kung malaki na ang tiyan? Bakit kasi nagawa pang mag-apply kung nagpabuntis din pala. Tsk. Malandi na talaga ang kabataan ngayon . . .” mataray na sabi nito na nakairap sa akin. Naputol lang ang pagsisiyasat nila sa akin nang may dumating na medyo matanda, pero mababakasan mo ang maamo niyang mukha.
“Ano ba iyang pinagkakaguluhan n’yo? Hala, sige, magsipasok na at ipaghanda si señiora at señior nang makakain,” masungit nitong sabi na kinaalis ng mga katulong. Hahakbang na rin sana ako nang pigilan niya ako. Tumingin ako sa kanya at nagulat ako nang makita na nakangiti ito sa akin, hindi tulad kanina na masungit ito sa kasambahay.
“Ikaw ba ’yong girlfriend ni Jam?” Napakunot ako sa sinabi nito. 
Sino ’yon?
“Sino pong Jam?” takang tanong ko.
“Si James ang ibig kong sabihin.” Napangiti naman ako nang maunawaan ko na ang tinutukoy nito. Tumango ako rito bilang sagot habang nakangiti.
“Talaga? Naku, ’yong batang iyon talaga, hindi na ako binabalitaan,” napapailing na sabi nito. 
“Bakit po Jam ang tawag n’yo sa kanya? Matagal n’yo na po bang kilala si James?” nakangiti kong tanong dito. Inakay naman ako nito maglakad papasok habang tinutulungan ako sa pagbuhat ng bag ko.
“Oo, hija. Bata pa lang iyon ay ako na ang nag-alaga, kaya alam na alam ko na ang likaw ng bituka no’n,” nakangiti niya sabi. Mahahalata mo sa kanya na napamahal din siya kay James. “Kaya Jam ang tawag ko sa kanya dahil mahilig iyon sa jam na pang palaman. At ’yong pangalan naman niya ay hindi naman nagkakalayo, kaya iyon na ang tawag ko sa kanya.” Tumango-tango naman ako sa kwento nito at napangiti dahil tiyak na marami akong malalaman sa kanya. “Alam mo ba na walang kahilig-hilig iyon sa babae, sabi niya kasi na sakit sa ulo raw ang mga iyon at hindi pa raw niya nahahanap ang tinitibok ng puso niya. Kaya nga nang tumawag siya at sabihin niya na may babae na raw siya na mamahalin, talagang natuwa ako. Itatanong ko sana kung sino iyon pero biglang naputol na ang tawag niya,” nagtatampo nitong sabi na ikinangiti ko.
“Kailan po ba niya sinabi iyon sa inyo?” curious kong tanong. 
“Mga eleven or twelve years old na yata siya noon? Oo tama, gano’n nga.” Napahinto naman ako sa sinabi nito, parang biglang sumakit ang puso ko sa kaalaman na hindi ako iyon. Dahil kung dose pa lang siya na sinabi iyon, kakapanganak pa lang sa akin ni inay ng mga panahon na iyon. Kung ganon ay hindi ako ang sinasabi na mapupusuan nito? Pero sabi niya naman ay mahal niya ako?
“Hija, okay ka lang ba?” Nagulat pa ako sa biglang pagtapik sa akin ni Nanay—Nanay na lang ang itatawag ko sa kanya, mabait kasi siya sa akin. Ngumiti naman ako para sabihin na okay lang, pero sa totoo lang nalilito, nanlalata, at nasasaktan ako sa nalaman ko.
“Okay lang po ako, may naalala lang po.” Mapait akong ngumiti sa kanya. Tumango naman siya, ngunit alam ko na hindi siya nakumbinsi sa alibi ko. “Wala na po ba siyang ibang naikwento sa inyo?” gusto ko pang malaman ang lahat dahil kahit sigurado na hindi ako iyon, magtitiwala pa rin ako kay James at panghahawakan ko ang sinabi niya.
“Wala na, hija. Hindi pa kasi ulit siya nagparamdam sa amin simula nang isalin sa kanya ang posisyon ng lolo nito.” Bata pa lang pala ay nasa kamay na niya ang tungkulin na iyon? “Oo nga pala, bakit ikaw lang ang narito? Nasa’n ang batang iyon?” nagtataka nitong tanong at tumingin pa sa likod. 
“Sabi po niya susunod na lang daw po siya,” magalang kong sabi na ikinatango niya. 
“Nita, dalhin mo na ang babaeng iyan sa maid’s room at pagtrabahuhin mo na,” bungad sa amin ng mama ni James na nasa sala pala. 
“Huh? Señora, kasintahan ito ng señiorito. Bakit—” naguguluhang sabi ni Nanay, Nita pala ang pangalan niya. Halata mo ang pagtutol nito sa gusto ng mama ni James.
“’Wag mo akong pangunahan, Nita. Kung anong gusto kong gawin sa kanya, gagawin ko,” masungit nitong sabi.
“Bahala kayo. Pero ’pag oras na malaman niya ito, tiyak na lalo niya kayong kasusuklaman,” mariin na sabi ni Nanay Nita. Hanga ako kasi mahahalata mo na kaya niyang sagot-sagutin ang mama ni James. 
Nakita ko naman ang pag-iwas ng tingin ng mama ni James dahil sa sinabi ni Nanay Nita.
“Basta! Gawin mo na lang ang sinabi ko.” Pagkasabi ng mama ni James no’n ay umalis na ito sa harapan namin at nagpunta sa kung saan.
Humarap sa akin si Nanay Nita na may pag-aalala sa mukha.
“Bakit hindi mo agad sinabi na gano’n pala ang ginawa sayo ni Señora Michelle? At bakit ba pumayag ka?” nababahala nitong sabi na kinababa ng ulo ko. 
“Hindi ko rin naman po ine-expect na ganito pala ang gusto ng mama ni James. Sabi po niya kasi sa harap namin ni James na baka raw gusto ko po magbakasyon, kaya pumayag po ako. Pero ayos lang naman po ito, kung kailangan ko po paghirapan para magustuhan nila ako para sa anak nila ay gagawin ko,” may determinasyon na sabi ko. Nagbuntonghininga siya at humawak sa kamay ko bago tumingin sa mga mata ko.
“Okay. Basta sasabihin mo kapag pagod ka na, ha? Lalo’t buntis ka pa naman, baka mapahamak kayo ng baby mo.” Ngumiti naman ako nang kay tamis at tumango. “Napakaswerte naman sa ’yo ng alaga ko at nakatagpo siya ng katulad mo,” papuri nitong sabi na kinahiya ko. 
“Halika na at baka mapagalitan pa ulit tayo,” aya nito sa akin at nag-umpisa na siyang humakbang, sumunod na rin ako papunta sa sinasabi niyang room.

TAGAKTAK NA ANG pawis ko habang naglalaba sa likod. Umalis si Nanay Nita para bumili ng gulay sa palengke. Ako naman ang inutusan ng kasambahay na sina Marie at Rose na labhan ang lahat ng ito. Isang punong-puno na kumot, kurtina, at sangkaterbang damit. Sabi nila ay pinapalabhan daw ito ng mama ni James kaya hindi na ako tumutol. Nananakit na ang likod at nagugutom na ako, hindi pa kasi nila ako inaaya na kumain.
Tumingin ako sa kamay ko na may sugat na kakakusot, naalala ko si Nanay no’ng dati na naglalaba siya. Dapat tutulungan ko siya sa paglalaba pero sinaway niya lang ako. 
Naalala ko pa ang mga sinabi niya sa akin . . .
“Anak, kaya ko na ito! Kahit na magkandakuba-kuba ako para sa inyo, gagawin ko. Kaya ’wag mo nang ipilit ang gusto mo dahil baka magsugat pa ang kamay mo, alam mo naman na alergic ka dito. Kaya sige na, tapusin mo na ang home work mo, para naman kapag nakapagtapos ka ay sulit na iyon para sa paghihirap ko . . .” nakangiti niyang sabi iyon, kaya kahit na pagod na ako ay ginanahan ako. 
Nasampay ko na ang lahat ng nalabhan ko at nakangiti na tiningnan ito. Ayos!
Niligpit ko na ang lahat ng pinaggamitan ko at pumasok na sa loob. Grabe, hapon na pala, hindi man lang ako nakakain ng tanghalian. Nasaan kaya si Nanay Nita? Hindi ko pa siya nakikita simula nang umalis siya papuntang palengke.
Pagpasok ko sa loob ay nakita ko ang humahangos na si Marie palapit sa akin.
“Hoy, ikaw! Sabi ng señora, ilipat mo raw sa guest room ang gamit mo. Bilis!” utos nito sa akin kaya tumalima na ako dahil halatang hindi sila mapakali.
“Sige, bakit nga pala ako pinapalipat?” sabi ko habang bitbit ang bag ko, buti at hindi ko inalis sa bag ang gamit ko.
“Ewan, ’wag ka na ngang magtanong. Hubarin mo na rin ang damit pangkatulong mo, tsaka mo na lang ulit isuot kapag may inutos na sa ’yo, sa ngayon magpahinga ka na lang,” nagmamadali nitong sabi at iniwan ako sa tapat ng guest room. 
Ano kayang himala at pinagpahinga nila ako? Pero ayos na rin iyon dahil talagang napagod ako. 
Pumasok na ako sa loob ng kwarto at nilapag ang bag sa sahig. Nanlalata na naupo ako sa kama at nilibot ang tingin sa buong kwarto. Puro black at white ang kulay ng dingding, maganda siya dahil halos lahat ng gamit ay puro antique.
Binuksan ko ang bag at kumuha ng pamalit. Nanlalata na ako, pakiramdam ko ay binugbog ang katawan ko. Kaya pagkatapos magpalit, diretso sa higaan na ako at nakatulog agad.


© MinieMendz

The Mafia Lord James Esteban (Self Published)Where stories live. Discover now