"Kumusta naman ang training mo para sa competition, 'nak?" tanong ng tatay ni Nico na si Nicholas na bitbit ang isang malaking kawa, "Kailan nga ba ulit 'yun?"
"Sa susunod na pong linggo, 'Pa," tugon ni Nico habang dala ang isang malaking kaldero na sa tingin niya ay wala namang laman dahil sa gaan nito. Napakalaki ng kaldero na iyon na sa tantiya niya ay pwede nang magkasya ang dalawang maliit na bata. Ibinaba niya muna ito sa sahig dahil gagamitin pa ito ng nanay niya para makapagsaing ng kanin para sa mga customers.
May pag-aari kasing maliit na canteen ang mga magulang ni Nico, at kung minsan ay tumutulong siya roon kapag wala siyang pasok.
Tumango-tango ang tatay niya. "Mabuti na lang talaga at may scholarship para sa mga student atheletes na katulad mo, ano? Hindi namin kaya ang tuition doon sa Faircastle, pero nakapag-aral ka pa rin doon. Kaya ha, dapat pag-igihan mo. Tapos member ka pa nung ano ba 'yun..." Tinawag ng tatay niya ang nanay niyang nagluluto sa loob ng kusina, "Mahal, ano nga ulit 'yung nasalihan ng anak mo?"
Natawa na lamang si Nico sa tatay niya habang tinatakpan ang mga tray ng mga bagong-lutong ulam. "Papa, Paramount Class po iyon..."
"Ah, tama... Iyon pala 'yun," tumatawang tugon ng tatay niya na katulad niya ay malaki rin ang pangangatawan. Pero kung si Nico ay parang sa atleta na talaga ang hubog, ang tatay niya naman ay medyo may katabaan na dala na rin ng pagtanda at bahagyang pagpapabaya sa sarili, "Basta ha, gagalingan mo palagi. Gusto kong makapagtapos ka, para magkaroon ka ng magandang buhay. Huwag kang tutulad sa 'kin... Hindi nakapagtapos."
Umiling-iling na lamang si Nico at pabirong hinampas ng bimpo ang tatay niya. "Nagdadrama ka na naman, Papa. Hindi bagay sa'yo.... Tumigil ka nga diyan at pagtatawanan ka na naman ni Mama kapag narinig ka..."
Muling tumawa ang tatay ni Nico, "Oo na, oo na... Ay anak, nasaan na nga pala 'yung malaking kaldero?"
"Inilapag ko po sa sahig, 'Pa..." tugon ni Nico habang pinupunasan ang ilang mga plato sa mesa, "Wala namang laman 'yan. Hindi pa ba kayo nagsaing?"
"Sabi ng nanay mo nagsaing na siya..." Nagtaka ang tatay niya habang palapit sa malaking kaldero na iyon. Pero dahil sa sinabi ng anak na wala iyong laman, basta niyang hinawakan ang dambuhalang lutuan.
Pero hindi niya iyon nabuhat, at napamura na lamang ang tatay ni Nico dahil sa init at bigat ng lalagyan na iyon.
"Anak naman!" sigaw ng tatay niya sa kanya, "Ano ba 'tong sinasabi mong walang laman ang kaldero eh punong-puno na ng bagong-saing na kanin... Diyaskeng bata ito, oo... Pinagtitripan pa ako... Ang init-init na nung kaldero, tapos sobrang bigat pa. Tapos sasabihin mong walang laman? Batukan kita diyan eh."
Nagsalubong ang mga kilay ni Nico dahil sa pagkalito. Sigurado siyang walang laman ang kalderong iyon nang buhatin niya kanina. Hindi naman kasi siya nabigatan, at hindi rin siya napaso habang dala iyon.
Napatingin siya sa mga kamay niya, at napaisip nang saglit. Hindi nagtagal, sumilay ang isang ngiti sa mukha niya.
********
Habang namimili ng mga supplies niya sa grocery, hindi mapigilan ni Vladimir na mapaisip habang naaalala ang naging pag-uusap nila ni Jacob sa library. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lamang ang pagpupumilit nito na ilihim niya ang nalaman, at kung bakit pilit na hinahanap ni Jacob ang mga pangalan na iyon.
Gumawa rin ng kaunting pagsasaliksik si Vladimir, at nadiskubre niyang mga dating miyembro ng Paramount ang mga lalaking sinisearch ni Jacob. Hindi na nagpatuloy pa sa pagreresearch niya si Vladimir dahil una, wala naman siyang pakialam kung sino ang mga iyon, at pangalawa, maging siya ay wala na ring mahanap na impormasyon tungkol sa kanila.

YOU ARE READING
The Paramount Code (The Odd Ones, Book 1)
Science Fiction(This is a winner of Wattys 2020 under the Science Fiction category.) A group of students discover their unique abilities, and go through a mysterious journey of knowing the truth about their school, their power, and themselves. ******** Jacob neve...