029. Unfinished Business

4.5K 321 74
                                    

"Sigurado ba kayong hindi niyo pa nakikita si Lara?" tanong ni Benjamin sa mga staff ng Paramount Program na ipinatawag niya sa isang meeting noong umagang iyon.

Isa-isang itinanggi ng lahat ng naroon na nakita nila ang doktor sa Paramount Clinic, kaya hindi mapigilan nina Benjamin at Daniel na bigyan ang isa't isa ng isang nagtatakang tingin.

"Base sa CCTV video na nakuha, si Helga ang kasunod na dumating ni Doc Lara sa building. Pero hindi naman nagtagal si Helga doon at umalis rin," ani ng isa sa mga faculty members na staff rin ng Paramount Program, "Ang sabi niya sa akin, nanggaling siya roon para sana puntahan si Daniel. Pero nang makatanggap siya ng tawag na wala naman siya doon, umalis na lang daw siya. Pagkatapos noon, wala nang ibang pumasok sa building maliban sa mga miyembro ng Paramount Class, pero nangyari iyon limang oras pagkatapos huling makita si Dr. Trinidad sa building."

Dahil walang makuhang sagot mula sa ibang mga miyembro ng Paramount Program, tinapos din agad ni Benjamin ang emergency meeting. Pinalabas niya na ang lahat, maliban kay Daniel na sinabihan niyang manatili.

Nagsalubong ang mga kilay ni Daniel habang pilit na iniisip kung ano marahil ang nangyari sa doktor. "Saan naman kaya nagpunta si Lara?"

Isang seryosong ekspresyon ang nasa mukha ni Benjamin habang nakatanaw sa bintana. "Sa tingin mo, may kaugnayan kaya si Helga sa nangyari?"

Biglang kinabahan si Daniel, pero pilit niyang kinontrol ang ekspresyon sa mukha niya. "Paano niyo naman po nasabi 'yun?"

"Isa ring metahuman kagaya natin si Helga, so I know she is also capable of doing things that normal human beings cannot do. Kaya ko nga kayo inilagay dito sa school at binigyan ng mga matataas na posisyon. Maliban sa akin, kayo lang ang mga faculty members na katulad kong isa ring metahuman. Lahat ng mga staff ng Paramount Program at ng buong faculty, maliban sa'yo at kay Helga, walang kaalam-alam na binuo ang Paramount Class para sa mga taong katulad natin na may mga kakaibang kakayahan," napahinga nang malalim si Benjamin, "Pero kahit pa pareho kayong may mga posisyon dito sa school, hindi mo maiaalis sa akin ang magduda, lalo na ngayon... You see, I heard the rumors going around... Meron daw anay sa mismong loob ng organisasyon... And that person wants to destroy everything we built."

Tumango-tango ang class adviser. "Pero bakit po si Helga ang pinagdududahan ninyo?"

"I know you better than her, Daniel. Mas nagtitiwala ako sa'yo kaysa sa kanya, at alam mo 'yan. Isa pa, there is this unsettling feeling that I have when she is around," hinarap siya ni Benjamin, "Gusto kong bantayan mo si Helga... I want you to keep an eye on everything she does, and if you see anything suspicious... Sabihin mo kaagad sa 'kin. The goal of the Paramount Program... I am close to achieving it, Daniel. I cannot let anybody ruin this development for the organization. Naiintindihan mo ba ako?"

Daniel nodded, with a serious expression on his face. "Opo, Sir Benjamin."

********

Nanggaling noon si Gwen sa kwarto niya sa Paramount Building para kumuha ng ilang notes. Habang pababa sa unang palapag ng building, nakarinig siya ng pag-iyak mula sa Paramount clinic. Napatingin siya sa paligid para alamin kung may ibang tao roon maliban sa kanya, pero nang mapagtantong wala naman ay agad na naglakad ang dalaga papunta sa clinic.

Habang papalapit, mas lalong lumakas ang mga pag-iyak na naririnig niya kaya bigla siyang nakaramdam ng kaba.

Nang mapatigil siya sa tapat ng pinto ng clinic, pinagmasdan niya ito. Hindi na siya nagdalawang-isip at pumasok agad sa loob. Iyon nga lang, labis niyang ipinagtaka nang wala siyang maabutan sa loob.

Wala doon si Dr. Lara Trinidad, at imposible naman may pumasok doon na ibang tao kaya hindi niya mapigilang magtaka dahil sigurado siya sa narinig niyang mga iyak kanina.

The Paramount Code (The Odd Ones, Book 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon