Kabanata 17

86.6K 2.6K 1.4K
                                    

TREVOR

"EVO!"

Dinig na dinig ko pa rin ang malakas na pagsigaw ni Lei habang bakas sa tono nito ang paghihinagpis. Kahit ako ay nanatiling tulala at walang kibo habang nakikita ko pa nang paulit-ulit sa isip ko kung paano humampas at tumilapon ang manipis na katawan ni Evo sa kalsada.

Sinubukan ko itong habulin pero masyadong mabilis ang mga pangyayari at hindi ko siya nailigtas, hindi ko nailigtas si Evo, hindi ko nailigtas ang anak ko.

Mabilis akong lumapit dito at hindi ko malaman kung paano ko dadamputin ang walang malay na katawan nito habang naliligo sa sarili niyang dugo. Nagkagulo ang mga tao gayon din ang maingay na pagdating ng ambulansya. Nanginginig ang kamay ko nang buhatin ko ito at natataranta ako kung saan ko ito ilalagay hanggang sa lapitan ako ng mga rescue. Hindi ko alam kung paano o anong nangyari. Masyadong mabilis ang pangyayari.

"Lei!" Narinig ko ang boses ni Trey at doon ko nakita na pilit na gumagapang patayo si Lei. Hindi ko siya nagawang lingunin, pero kita ko sa mga mata niya na puno iyon ng paghihinagpis at pangungulila.

Hindi ko akalain na may ibang bagay pa ang kaya siyang saktan, higit sa paraan kung paano ko siya pinaparusahan, pero imbis na matuwa, ako mismo ang nasasaktan na makita siyang nanlulumo sa sakit habang iniisip ang nangyari kay Evo.

"E-Evo—E-Evo . . . a-anak . . ."

Naghuhumikahos na lumapit at sumakay ng ambulansya si Lei na hindi alintana ang lagay niya at mga sugat niya sa sobrang pag-aalala sa anak. Nakita ko pa kung paano niya hawakan ang kamay ni Evo at hinagod nang marahan ang duguang pisngi nito. Umiwas ako ng tingin sa kaniya at hindi ko matagalan na titigan ang mukha niya na naliligo sa luha at sipon habang bakas ang sakit at panginginig sa mga labi niya.

Nasasaktan at naiinis ako, hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Basta ang alam ko, gusto kong sumama, gusto kong malaman ang kondisyon ni Evo kaya umakyat ako sa loob ng ambulansya. Pero isang paa pa lang ang naitutukod ko nang may tumulak agad sa akin.

Nag-angat ako ng tingin para alamin kung sino iyon nang sumalubong sa akin ang galit at matatalim na tingin ni Lei habang nagtatagis ang bagang niya. Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa mga tingin niya at kusang nanigas ang buo kong katawan.

Ibang-iba ang mga tingin niya ngayon kumpara sa kung paano niya ako tingnan sa tuwing sinasaktan ko siya. Hindi ko malaman kung matatakot ba ako, kikilabutan o masasaktan. Hindi ko maipaliwanag na halos ikatulala ko sa gulat ang mga tingin niya sa akin.

Natauhan lang ako nang mapagtanto kong wala na ang ambulansya, pero nanatili pa rin akong nakatanaw sa kawalan.

"Sir, hindi ko sinasadya. Bigla kasing tumawid ang bata." Nagpanting ang tainga ko nang marinig ang sinasabi ng isang lalaki na siyang bumunggo sa anak ko. Naikuyumos ko ang kamao ko at hindi ko na pigilan na suntukin ito.

"Gago ka! Anong hindi sinasadya! Papatayin kitang hayop ka!" Hindi ko napigilan ang umuusbong na galit at inis sa puso ko. Ibinuhos ko ang lahat ng kirot at takot na nabubuo sa akin sa pagsuntok dito.

"Trev, stop it!" sigaw ni Cassie at naramdaman ko ang paghila sa akin ng mga tao. Hindi ako nangiming tingnan ang duguang mukha ng lalaki at puno ng pakikiusap. Wala ako sa sariling napa-atras at naiwilig ang ulo ko nang makita ko ang mukha ni Lei sa isip ko. 'Yong mukha niya na puno ng pagmamakaawa na ibalik ko na si Evo.

S-si Evo? Si Evo, kailangan ko siyang puntahan, kailangan kong makita ang anak ko.

Nagmamadali kong tinungo ang sasakyan ko nang maramdaman kong may nakasunod sa akin. Nakita ko si Cassie na tila balisa rin.

His Bad WaysTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon