Kabanata 18

86.8K 2.8K 414
                                    

LEI

SA MULING PAGKAKATAON ay napamulat ako at umaasa na panaginip lang ang lahat, na pagbangon ko ay sasalubong sa akin ang matamis na ngiti ni Evo. Na babatiin ako nito ng isang masiglang good morning habang binobola niya ako, na ako ang pinakamaganda at the best na mama sa buong mundo, pero kahit anong pikit ko, kahit anong tanggi ko, hindi na no'n mababago ang katotohanan na wala na siya, na iniwan niya na ako. At kahit kailan hindi ko na ulit makikita ang matatamis na ngiti niya, hindi ko na maririnig ang malakas na pagtawa niya at wala na . . . wala na ang taong nangako sa akin na ako ang unang magiging pasahero niya sa oras na maging piloto na siya.

Lahat ng 'yon ay naglaho na lang sa isang iglap. Wala akong lakas para maglakad at wala rin akong ganang kumain. Ang tanging alam ko lang ay manatili sa tabi ni Evo sa mga nalalabi niyang oras.

Hanggang ngayon, naninikip pa rin ang dibdib ko at nanatiling sariwa sa akin ang mga huling sandali na nakasama ko siya. Kung alam ko lang, sana sinulit ko na ang lahat ng oras na iyon, sana hindi ko inalis ang mga tingin ko sa kaniya at sana ibinigay ko na ang lahat ng gusto niya. Bagay na kahit anong gawin ko ay hindi ko na maibabalik, hindi ko na ulit mauulit ang mga oras na kasama ko pa siya.

Napapikit ako nang mariin para huminga nang malalim. Hindi ko na marinig ang pagpintig ng sarili kong puso habang nakatitig sa namumutlang mukha ni Evo.

"Lei, kumain ka muna kahit kaunti lang." Nilapitan ako ni Sister Jen at marahan na hinawakan ang balikat ko, pero hindi ko ito nilingon o sinagot man lang.

Wala akong gustong kausapin na kahit na sino, wala akong lakas para magsalita o umiyak sa harap ng ibang tao, na kahit ang mga luha ko ay parang nabato na rin at ayaw nang magsipatak. Ang tanging gusto ko lang ay makasama ang anak ko. Sana . . . sana hindi na lang kasi ako sinagip ni Trey, sana hinayaan niya na lang din akong mabunggo ng isa pang sasakyan edi sana, magkasama kami ngayon, sana hindi ako naiwan mag-isa.

Mahigpit kong naikuyumos ang kamao ko nang muling manumbalik sa isip ko kung paano ito tumakbo hanggang sa mabundol ito ng sasakyan at wala . . . wala akong nagawa para sagapin ito. Napakawala kong kwentang ina, napakawala kong silbi at hindi ko siya nagawang iligtas.

"Anak, huwag mong pabayaan ang sarili mo. Iiwan ko na lang ito rito, ah," nag-aalalang sabi ni Sister Jen na siyang tumayong ina sa akin. Pinakiusapan ko si Trey na gusto ko ang burol ni Evo ay dito sa probinsya, gusto kong bigyan ng tahimik na lamay ang anak ko, walang kahit na sino o ano mang ugnayan sa mga Del Valle. Gusto kong masolo ito sa mga huling oras niya. Kung pagiging makasarili ang tawag doon, sana noon ko pa pala ginawa, sana noon pa ako naging makasarili edi sana buhay pa siya ngayon at kasama kong tumatawa, malayo sa kahit na sino.

"Papasukin n'yo ako! Ano ba? Sabing bitiwan n'yo ako! Alam kong nandito ang mag-ina ko!"

"Huwag kang gumawa ng eskandalo dito. Nasa kumbento tayo."

"Then let me in!"

Nagpanting ang tainga ko nang marinig ang pamilyar na boses na iyon. Nagpupumilit siyang pumasok sa loob kahit pa binawalan na siya ng mga madre sa labas pa lang ng kumbento, pero sadyang matigas ang ulo niya at dinig ko ang bawat hakbang niya patungo sa direksyon namin ni Evo.

Mariin akong napapikit pero mas tumindi lang ang silakbo ng damdamin ko nang manumbalik sa akin ang mga nangyari. Mas hindi ko maramdaman ang sarili kong puso at mas nangingibabaw sa akin ang galit nang marinig ko pa lang ang boses niya.

"Hanggang d'yan ka lang."

Hindi ko napigilan ang magsalita nang maramdaman kong ilang hakbang na lang ay malalapitan niya na ang anak ko.

Naramdaman ko ang gulat niya sa tono ng pananalita ko at kasabay no'n ay ang pagtigil niya na siyang ikinamulat ng mga mata ko at nanatili ang atensyon ko sa maamong mukhang ni Evo.

"Lei, karapatan kong makita si Evo. Bakit dito mo siya dinala? Hinintay ko kayo, dapat sa bahay natin iburol—"

"Umalis ka na," mariin at malamig kong utos sa kaniya na ikinatahimik niya at ramdam ko na ang pagkumbinsi sa kaniya ng mga madre para lisanin ang kumbento.

"Hindi ako aalis hangga't hindi ko naiuuwi ng bahay si Evo," mariin niyang sabi, tulad ng tono niya sa tuwing gusto niya akong pasunurin sa mga gusto niya, sa tuwing gusto niya akong takutin at ipagawa sa akin kung ano man ang sasabihin niya, pero wala akong maramdaman na kahit na anong takot o kaba man lang at sa halip ay mas tumitindi ang pagkamuhi ko sa kaniya, na kahit sarili ko ay hindi ko mahanap sa mga oras na ito.

Naramdaman ko ang muling paghakbang ni Trevor palapit sa amin kaya walang sabi akong tumayo at kasabay no'n ay mabilis kong dinampot ang maliit na kutsilyo na kasama ng pagkain na iniwan ni Sister Jen. Mabilis ko iyong itinutok sa lalamunan ni Trevor at kamuntikan na itong bumaon kung hindi siya tumigil sa paghakbang.

Kita ko sa mga mata niya ang gulat at mukhang hindi niya inaasahan na gagawin iyon, pero imbis na maawa at kabahan habang nakatitig sa mga mata niya ay mas tumindi ang tila paghinto ng puso ko sa pagpintig.

"Le-Lei . . ." gulat at nakikiusap niyang tawag sa pangalan ko, pero hindi ko iyon pinansin at mas higit ko pang tinitigan ang mga mata niya.

"Subukan mong lumapit at ikaw ang susunod na paglalamayan."

Mariin kong isinampal sa mukha niya ang bawat letra at gusto kong maramdaman niya ang bawat hinagpis at galit ko sa kaniya. Gusto kong malaman niya na hindi ako natatakot sa kahit na anong sasabihin niya, na walang halaga ang bawat salita niya para diktahan ulit ako at malaman niya na wala na akong katatakutan pa muli dahil siya mismo ang bumawi sa akin nito.

"No, you can't do tha—" Humakbang ako palapit sa kaniya at mas hinigpitan ko ang pagkakahawak ko sa kutsilyo para sana ibaon iyon sa lalamunan niya nang may humawak sa pulso ko at hinila ako palayo. Nagpumiglas ako sa pagkakahawak ni Trey at nagulat si Trevor nang itutok ko pa rin ang kutsilyo sa lalamunan niya.

"Lei, ibaba mo 'yan," pakiusap ni Trey, pero hindi ko iyon pinansin at nanatili ang tingin ko kay Trevor.

"Lei, anak ko rin si Evo. Hayaan mo akong makita siya. Hindi lang ikaw ang nawalan, ako rin. Nahihirapan akong tang—"

"Pwes, wala akong pakialam! Wala kang karapatan para hawakan o makita man lang ang anak ko. Tandaan mo 'yan, Trevor. Hindi ako papayag na malapitan at makita mo siya sa mga huling sandali niya. Magkakamatayan muna tayo, bago mo magawa iyon, mamatay muna ako bago mo masulyapan ang anak ko."

Naghihimutok kong singhal sa kaniya at akmang susugurin ko na siya nang mahigpit akong pinigilan ni Trey habang dinig ko pa ang hiyawan ng mga tao sa paligid namin.

"Just let me—"

"Trevor, umalis ka na lang. Please? Hindi nakakatulong kung ipipilit mo ang gusto mo sa sitwasyon ngayon," pakiusap ni Trey habang pigil pigil pa rin ako nito na gustong-gustong saksakin si Trevor. Literal na nagdidilim ang paningin ko habang nakatitig ako sa kaniya.

Nanumbalik ang lahat ng mga kahayupang ginawa niya sa akin, sa amin ni Evo sa loob ng limang taon at wala akong ibang gustong gawin kundi iparamdam sa kaniya ang lahat ng sakit na ibinigay niya.

Pagsisihan mo Trevor ang lahat ng ginawa mo, lahat-lahat, at sisiguraduhin kong araw-araw mo iyong pagdurusahan.

🦋🦋🦋
CreepyPervy

His Bad WaysTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon