Chapter 27

10.6K 247 8
                                    

LEAVING 

Agad din kaming lumabas nang magkayayaan na ang ibang players na umuwi. Ilang minuto din iyon matapos lumabas ni Clay. Kanya-kanya na silang pihit sa kung saan man sila dadaan pauwi sa kanilang mga bahay. Iginala ko pa ang aking mga mata, nagbabakasakali na makita si Clay. Ngunit bigo akong lumingon kay George na kanina pa ako tinatawag. 

"Kanino ka sasabay? Nandyan ang van. Ipapahatid kita sa driver." Aniya nang makalapit siya sa akin. 

Nilingon ko si Eurie na nasa tabi ko atsaka muling binalingan si George. "Hinahanap ko lang si Clay. Sa kanya ako sasabay." 

Tumango-tango lang si George sa pahayag ko. Iginala pa niya ang kanyang mga mata ngunit biglang kumunot ang kanyang noo nang napadako ang kanyang tingin sa parking lot. Sinundan ko ang direksyon kung saan siya nakatingin at agad kong naaninag si Clay na nakasandal sa hood ng kanyang sasakyan. 

Ilang dipa lang ang layo namin sa kanya ngunit batid ko na malalim ang iniisip niya. Iniikot-ikot niya sa kanyang kamay ang cellphone niya habang nakatingala at mariin na nakapikit. Bahagyang kumunot ang noo ko dahil sa sitwasyon na iyon ni Clay. 

"Ano'ng meron, dude? Nagawa ba siya ng music video?" Mula sa aking likuran ay narinig ko ang maliit na boses ni Kevin. Nahimigan ko ang panunuya niya sa kanyang boses. 

Sa halip na gatungan ang pang-aalaska niya ay naglakad na ako papunta sa pwesto ni Clay. Nasa likuran ko ang tahimik na sila Eurie, George at Mikel. Naririnig ko pa ang pagsipol ni Kevin sa bawat babaeng nadadaanan namin. 

Tumayo ako sa harapan niya at pinagmasdan ko ang kanyang mukha habang nakapikit. Hinawakan ko ang tila hindi mapakali na kamay niyang nagpapaikot sa kanyang cellphone. Noon lang siya nagmulat ng kanyang mga mata at naramdaman ko ang lamig sa kanyang pagtitig. 

Ngumiti ako sa kanya nang magtama ang mga mata naming dalawa. Pilit na ngiti ang sumalubong sa akin mula sa kanya. Umayos siya ng tayo. Muli niyang tiningnan ang kanyang cellphone pagkatapos ay inilagay ito sa kanyang bulsa. 

Bumuntong-hininga siya bago muling bumaling sa akin ng tingin. "Let's go." Aniya pagkatapos ay pinatunog ang kanyang sasakyan. 

Walang lingong likod niya akong tinalikuran at tuloy-tuloy lang ang pagpasok niya sa kotse. Nanatili akong nakatayo doon ng ilang segundo. Nang nilingon ko sila Eurie ay bakas sa kanilang mukha ang kagustuhang magtanong. Nagkibit-balikat na lang ako atsaka mabilis na nagmartsa sa gilid ng sasakyan ni Clay. 

Mabilis akong nagpaalam kina Eurie dahil alam kong naghihintay sa loob ng sasakyan si Clay. Naging mabilis lang ang byahe namin pauwi. Hindi din umimik si Clay sa buong oras ng paghahatid niya sa akin. Magtatanong sana ako ngunit agad ko din na itinikom ang aking bibig. 

Nang nakarating kami sa tapat ng bahay ay umalingawngaw ang nakakabinging katahimikan mula sa aming dalawa. Tanging ang tunog lang ng makina ng sasakyan ang maririnig. Dahan-dahan kong kinalas ang seatbelt na nakapulupot sa akin. 

Bago ko buksan ang pintuan mula sa passenger's seat ay muli ko pang nilingon si Clay. Diretso lang ang tingin niya sa kalsada habang ang dalawang kamay ay hindi tinatanggal sa manibela. 

Hello GoodbyeWhere stories live. Discover now