Kabanata 13

258 23 15
                                    

Ingay mula sa tren at busina ng mga sasakyan ang tanging maririnig sa labas ng kotse habang tahimik na binabaybay nina Vice at Alena ang daan tungo sa isa sa mga kompanya ni Don Gonzalo.

Ngayong gabi na kasi ang nasabing pagtitipon ng mga negosyanteng kinabibilangan ni Mr. Kim, kung kaya't pupunta sila Vice ngayon sa opisina ng kanyang lolo upang kunin ang opisyal nilang imbitasyon.

Nakaupo lang ng diretso si Alena at nakatingin sa daan habang makailang beses naman siyang tinitignan ni Vice na siyang nagmamaneho.

"Saan ka pala nanggaling kagabi? Nakatulog na tuloy kami ni Anning sa kakahintay sayo," tanong ni Vice kay Alena upang mabasag ang nakakailang na katahimikan na kanina niya pa napapansin simula nang magising siya.

Sandali namang nilingon ng sang'gre si Vice bago agad na napaiwas nang makitang kanina pa pala ito nakatingin sa kanya. "Lumabas lamang ako upang magnilay-nilay," sagot nito at inalalang muli ang di-inaasahang tagpo nila ng nakakatandang kapatid.

"Hindi mo ma-iaalis sa amin ang mag-alala sayo, Alena. Ikaw ang aming bunsong kapatid, at ayaw lang naming malagay ka sa kapahamaka—" tila nakuryente naman si Amihan nang hawakan niya ang mga kamay ni Alena. Hindi niya natapos ang kanyang sasabihin dahil bigla siyang nakaramdam ng kakaibang kilabot sa kanyang buong katawan.

Bahagya namang nakaramdam ng kaba si Alena nang makita ang reaksiyon ng kanyang kapatid. Alam niyang sa kanilang apat, si Amihan ang mas makapangyarihan pagdating sa mga pangitain o mga pangyayaring maaaring mangyari sa hinaharap.

Hinawakan niya ang magkabilang balikat ng kapatid na tila natulala sa kanyang kintatayuan. Kahit kinakabahan ay tinignan niya ito ng diretso sa mga mata. "Bakit Amihan? Ano ang iyong nakita?"

Agad na napaiwas ng tingin si Amihan at napahawak sa kanyang dibdib. Hindi naman mawari ni Alena ang kanyang dapat maramdaman habang hinihintay ang sagot ng kanyang kapatid. Hinawakan niyang muli ang mga kamay nito at inulit ang kanyang tanong.

"Amihan, sabihin mo sa akin. Ano ang iyong nakita sa iyong pangitain?" tanong ni Alena dahilan para tignan na siya ng kapatid. Makikita sa mga mata nito ang pag-aalinlangan kung dapat ba niyang sabihin ang kanyang mga nasaksihan.

"Hindi ako nakakasiguro sa aking mga nakita, ngunit nararamdaman ko na unti-unting nanghihina ang iyong puso dulot sa pagkawala ng iyong brilyante," giit ni Amihan ng puno ng pag-aalala. "Alena, kailangan niyong mag-ingat. Lalong lalo na ang iyong mga makakasama."

Napakunot naman ang noo ni Alena sa kanyang mga narinig. "Ang aking mga makakasama? Amihan, ano ang iyong ibig sabihin?"

"Tulad ng aking sinabi, hindi ako nakakasiguro sa aking mga natunghayan pero ramdam ko ang panganib na paparating," tugon ni Amihan at mas hinigpitan ang paghawak niya sa kamay ng kanyang bunsong kapatid. "Mag-iingat ka, Alena. Mangako kang mag-iingat ka."

At sa isang iglap ay biglang lumakas ang ihip ng hangin at bumalik sa dati nitong takbo ang buong paligid, habang naiwan namang nakatulala si Alena at napahawak na lamang sa kanyang puso.

"Kamahalan," pagtawag sa kanya ni Vice upang bumalik ito sa kanyang ulirat. Kanina pa pala siya paulit-ulit na tinatawag nito ngunit mukhang wala talaga siya sa kanyang sarili. "Ayos ka lang ba? Masama bang pakiramdam mo?" tanong ni Vice at bahagyang dinampian ng palad ang kanyang noo.

Tila nagulat naman ang mahal na sang'gre nang dumampi ang balat ni Vice sa kanya. Kahit kailan ay ayaw nitong may humahawak sa kanyang ibang tao ngunit pagdating kay Vice ay palaging kakaiba ang kanyang pakiramdam.

Ang Mahiwagang PusoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon