Kabanata 30

222 27 10
                                    

Unti-unting naging kulay kahel na may pinaghalong morado na ang kaninang asul na kalangitan. Tila sinisigaw nito ang pagtatapos ng araw na iyon.

Suot ang mga napakasimpleng kasuotan, masayang sinalubong ng mga taga-isla ang bagong kasal. Nangibabaw ang palakpakan at hiyawan nang matapos ang buong seremonya. Hawak kamay na naglakad sa nagliliparang mga talulot ng bulaklak ang bagong mag-asawa na hindi maalis ang ngiti sa kanilang mukha. "Mabuhay, ang bagong kasal!" paulit-ulit na sigaw ng mga taga-isla na hindi rin magkamayaw sa pagngiti at pagbati.

Masaya silang pinagmasdan ni Vice habang pumapalakpak din kasabay nila. Ilang sandali ring nakatuon ang kanyang atensiyon sa bagong kasal hanggang sa unti-unti siyang napatingin sa kanyang katabi. Mula sa mahaba nitong buhok, sa mga berde nitong mata na nakatingin sa bagong mag-asawa, ang matangos nitong ilong, at malambot nitong labi. Napangiti si Vice sa kanyang sarili dahil batid niyang nahanap na niya ang babaeng nais niyang makasama habambuhay.

Palihim niya lamang na pinagmasdan si Alena habang abala ang lahat sa pagsalubong at pagbati sa bagong kasal. Sa pagkakataong iyon, ay nais niya sana itong yakapin at halikan dahil sa kaligayahang sinisigaw ng kanyang puso. Ngunit unti-unti ring nagulo ang isipan ni Vice nang maalala niya ang pag-uusap nila ni Alena kaninang umaga.

"Ipahahatid na kita sa iyong tahanan upang ikaw ay makapagpahinga na muna," pagpapatuloy ni Alena at pinakiusapan si Vhong na samahan si Mang Armando pabalik sa bahay nito.

Walang imik naman siyang pinagmasdan ni Vice hanggang sa naiwan silang dalawa sa silungan kung saan gaganapin ang kasal. Mula sa tila seryosong awra ng mukha nito kanina ay unti-unting napangiti si Alena nang magtapat ang kanilang mga mata ni Vice. Ngunit batid ng huli na sa likod ng ngiting iyon, ay may hindi pa sinasabi sa kanya si Alena.

"Kanina pa kita hinahanap. Yayayain na sana kitang mananghalian. Ngunit huwag kang mag-alala, si Anne naman ang nagluto," tawa ni Alena dahilan para unti-unti ring mapangiti si Vice.

Agad namang naglakad palapit si Alena sa kanyang kaharap, at dahan-dahang inilibot ang kanyang kamay si leeg ni Vice hanggang sa ilang pulgada na lamang ang layo ng kanilang mga mukha, "Bakit ganyan ka na naman makatingin?" ang boses nito ay malambing at tila nang-aakit.

Marahan namang napailing si Vice at napangiti lang ng kaunti, "Sobrang saya ko lang kasi kasama kita ngayon."

"Iyan ba ang iyong paraan upang makakuha ulit ng halik mula sa akin?" ngiti ni Alena at bahagyang napakagat ng kanyang labi.

Natawa naman si Vice dahil nagiging pilya na rin si Alena katulad niya, "Kung gayon, pagbibigyan kita mamaya. Ngunit ngayon, kinakailangan mo na munang mananghalian upang hindi ka na mabilis na mapagod katulad ng kagabi."

Pareho naman silang natawa dahil sa sinabi ni Alena. "Kaya tayo na, at kanina pa naghihintay sa atin sina Anne," pagpapatuloy nito at hinawakan na ang kamay ni Vice.

Ngunit bago pa man sila makaalis sa silungan ay maingat siyang pinigilan ng huli. "Alena, sandali. M-May gusto lang sana akong tanungin."

"Ano iyon, mahal ko?" kalmadong tanong ni Alena at pilit na ikinukubli ang kanyang kaba. Akala niya ay nakaiwas na siya sa mga posibleng katanungan sa kanya ni Vice.

"K-Kaya ba tayo nandito dahil kay Mang Armando? Dahil nanggaling din siya sa mundo niyo?" tanong ni Vice nang mapagtanto na kaya malugod silang tinanggap ng mga taga-isla dahil may kasapi itong encantado na nanggaling sa mundo nila ni Alena.

Hindi naman agad nakasagot ang sang'gre at unti-unting binitawan ang kamay ni Vice. "Tulad ng sinabi ko sayo kahapon, limitado lamang ang maaring ibigay na tulong ng aking mga kapatid. Kaya kinailangan ko rin ng tulong mula sa ibang nilalang na nanggaling sa aming mundo. Sina Amihan ang nagdala sa atin dito dahil batid nilang nandito si Armando. At siya ang tumulong sa atin upang gumaling ka noong bigla ka nalang nawalan ng malay."

Ang Mahiwagang PusoTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang