Kabanata 20

234 33 11
                                    

Hindi agad nakapagsalita si Alena at nanatili lamang siyang nakatayo habang kaharap ang kanyang nakakatandang kapatid. Hindi niya akalaing makikita niya ito sa pagkakataong iyon.

"Hindi mo manlang ba ako babatiin?" seryosong sambit ni Pirena habang suot ang nagbabagang pulang kasuotan. Napataas rin ang kilay nito dahil bakas sa mukha ni Alena ang sobrang pagkabigla.

"P-Pirena," tila natauhan naman bigla si Alena at sinalubong ng mahigpit na yakap ang kanyang nakakatandang kapatid. "Anong ginagawa mo dito? Batid ba ito ni Ina Minea, o nila Amihan at Danaya?"

Napangiti naman si Pirena at hinawakan ang magkabilang pisngi ng kanilang bunso, "Tanging sila Amihan at Danaya lamang ang nakakaalam. Kaya wag kang mag-alala dahil sinigurado kong hindi malalaman ni Ina na narito ako ngayon. Kusa lamang akong nagpunta rito upang alamin ang iyong kalagayan at kamustahin ang paghahanap mo sa iyong nawawalang brilyante."

Unti-unti naman napayuko si Alena dahil tila nakakalimutan niya na ang tungkol doon. Nais niyang bumalik sa kanilang mundo ngunit pilit na nilalayo ng tadhana ang brilyanteng nasa ilalim ng kanyang pangangalaga.

"Alena, sabihin mo sa aking malapit na itong mapasaiyo muli," giit ni Pirena at hinawakan ang dalawang kamay ng kanyang kapatid. Hindi ito makatingin sa kanya kaya bigla siyang nangamba.

Napahinga ng malalim si Alena at dahan-dahang tinignan sa mga mata si Pirena. "Hindi ko batid kung kailan ko ito maibabalik sa ilalim ng aking pangangalaga. Ang huling balitang aking natanggap ay nasa Timog na ang kinaroroonan nito."

Napabitiw naman si Pirena at tila biglang uminit ang kanyang ulo dahil sa nalaman, "Ano ang iyong ibig sabihin? Anong hindi mo batid kung kailan mo maibabalik ang iyong brilyante? Alena, baka iyong nakakalimutan na ikaw ay unti-unti ng nauubusan ng panahon! May hangganan rin ang aming kakayahang pagtakpan ka mula sa ating Ina."

"Pirena, pakiusap. Baka may makarinig sayo," pagsusumamo ni Alena dahil sa takot na magising ang iba pa niyang mga kasama sa bahay.

"Alam mo! Kasalanan ito ng tagalupang iyon! Kung hindi dahil sa kanyang pagiging ganid ay hindi ito mangyayari sa iyo ngayon. Sana hindi nalang ako nakinig kina Amihan at tuluyan ko ng pinaslang ang magnanakaw na iyon bilang parusa!" galit na sambit ni Pirena habang pilit siyang pinapakalma ni Alena.

"Pirena, maniwala ka. Maaring nagkamali siya ngunit hindi siya masamang tao. Nagawa niya lamang iyon dahil sa matinding pangangailangan," tila pagtatanggol ni Alena kay Vice dahilan para kunot-noo siyang tinitigan ni Pirena. "Kaya pakiusap, wag na wag mo siyang sasaktan."

Sandali silang natahimik hanggang sa magsalitang muli si sang'gre Pirena, "Alena, ano na naman ba ang nangyayari sa iyo? Tapatin mo nga ako, muli na naman bang lumalambot ang iyong puso para sa mga sakim at abusadong mga tagalupa?"

Hindi naman agad nakasagot si Alena at unti-unting napaiwas ng tingin. Pinagmasdan naman siya ni Pirena, mula sa ayos ng buhok nito hanggang sa kanyang pananamit. Sa panahon ng pananatili ni Alena sa lupa ay tila unti-unti na siyang nagmumukhang tao kesa sa isang sang'gre.

"Nakalimutan mo na ba ang mga ginawa nilang kalapastanganan noon na tila pinagpapatuloy pa rin nila hanggang ngayon? Ilang ulit ko bang dapat sabihin sa iyo na ang mga tao ay mapanlilang, Alena. Hindi dapat sila pinagkakatiwalaan. Batid mong wala itong magandang maidudulot sa iyo."

"Alam ko," giit ni Alena at sandaling napatingin sa paligid sa takot na may makakakita o makakarinig sa kanila. Napansin naman ito ng nakakatandang kapatid kaya pasimple niyang ikinumpas ang kanyang kamay at ginamit ang kanyang kakayahang lumikha ng hindi nakikitang kalasag para hindi marinig ng iba ang kanilang pinag-uusapan.

"Ngunit Pirena, hindi lahat ng tagalupa ay katulad ng iyong inaakala. Katulad ng ibang nilalang, ay mayroon rin silang pagkakaiba. Oo, may mga masasama ngunit mayroon rin namang mabubuti. At ang mga tagalupang kasama ko ngayon ay nabibilang sa mga mabubuting taong iyon. Mayroon silang isang salita at tinutulungan nila akong maibalik ang brilyante."

Ang Mahiwagang PusoWhere stories live. Discover now