Kabanata 24

170 36 20
                                    

Tahimik ang buong silid. Tulog na tulog na si Anne habang kabaliktaran naman ang sitwasyon ni Vice. Kahit inaapoy ng lagnat ay gising na gising pa rin ito upang bantayan si Alena.

Kakatapos lamang nilang mag-usap ni Dominic kanina at nagpasalamat si Vice na buong puso silang tinanggap sa tahanan nito. Nagpasalamat rin siya sa malaking tulong ni Manang Tasing at sa tatlong magsasakang nakakita sa kanila.

Napahinga ng malalim si Vice saka ibinaling ang tingin kay Alena. Maputla ito at wala pa ring malay ngunit batid niyang tumitibok na ulit ang puso nito.

Paulit-ulit na bumabalik kay Vice ang mga pangyayari kanina. Nalagay sa panganib si Alena dahil unti-unti na itong nanghihina at nawawalan ng kapangyarihan. Hindi mapigilan ni Vice na sisihin ang kanyang sarili dahil naranasan ng sang'gre ang matinding paghihirap ng dahil sa kagagawan niya. Kasalanan niya ang lahat. Kasalanan niya kung bakit muntik ng mawala si Alena. Kung hindi lamang niya kinuha ang brilyante noon ay tiyak na hindi ito malalagay sa ganong kalagayan ngayon.

Napatingin si Vice sa bintana at tanaw niya ngayon ang maliwanag na buwan at ang repleksiyon nito sa karagatan. Hinawakan niya ang pisngi ni Alena at muli itong ginawaran ng halik sa noo bago dahan-dahang tumayo at naglakad patungo sa pinto. Ngunit bago siya tuluyang makalabas ng silid, sandali niyang nilingon muli si Alena. Ngayon gabi, kailangan niyang makahanap ng paraan upang matulungan ito at tuluyang mailigtas sa kapahamakan.

Nang makalabas si Vice ng bahay ay agad siyang tumakbo patungo sa dalampasigan. Humahangos at pinagpapawisan siyang napahinto sa tapat ng tubig. Madilim ang buong paligid at tanging ang liwanag ng buwan lamang ang nagsisilbing ilaw.

Batid niyang isang malaking katangahan ang kanyang gagawin ngunit sa mga oras na iyon ay wala na siyang pakialam. Buong lakas niyang hinila ang nakita niyang maliit na bangka patungo sa tubig at tila desidido na siyang lakbayin ang karagatan patungo sa Davao nang mag-isa para mahanap at maibalik lamang ang nawawalang brilyante ni Alena.

Akmang sasampa na siya sa maliit na bangka nang marinig niya ang sunod-sunod na pagtahol mula sa kanyang likuran. Gulat siyang napalingon at tumambad sa kanya ang isang lobong kayumanggi ang balahibo. Agad na napahawak si Vice sa dalawang sagwan dahil sa takot.

Ngunit mas lalong tumindi ang takot na kanyang nararamdaman nang nagbago ang anyo nito. Mula sa isang malaking lobo, bigla nalang itong naging napakagandang nilalang na nakasuot ng dilaw na talukbong. Tila binuhusan ng malamig na yelo ang buong katauhan ni Vice nang mapagtanto kung sino ang nasa kanyang harapan.

"Ano sa tingin mo ang binabalak mong gawin, tagalupa?" panimula ni Danaya at mabilis na napaatras si Vice. Napalunok siya sa takot dahil tulad ng una nilang pagkikita ni Alena ay nakakasindak rin ang tingin sa kanya ng nakakatanda nitong kapatid na si sang'gre Danaya. "Ito ba ang nakikita mong paraan para makabawi sa kasalanang iyong nagawa? Nais mong lakbayin ang karagatan upang maibalik ang kinuha mong brilyante mula sa aking kapatid? Sa tingin mo ba makakaya mo itong gawin ng matagumpay?"

Hindi naman agad nakasagot si Vice dahil sa gulat at matinding takot. Palapit ng palapit sa kanya si Danaya habang tila pinapatay siya nito sa pamamagitan ng kanyang nakakasindak at matalim na tingin. "Mga hangal at hibang lamang ang maniniwala na magagawa mo iyon. Isa ka lamang pangkaraniwang tagalupa, kaya wag mong iiisipin na makakaya mo ang lahat ng bagay na nais mong gawin."

"Alam ko," pagsasalita ni Vice dahil tila tumagos sa kanyang pagkatao ang mga salitang binitawan ni Danaya. "Alam ko na hindi ko magagawa ang lahat ng bagay dahil wala naman akong kakayahan tulad ninyo. Pero para kay Alena, pagsisikapin kong gawin yon, kahit ano pa ang pwedeng mangyari o kahit gaano pa kahirap at ka-imposible. Basta para sa kanya."

Ang Mahiwagang PusoWhere stories live. Discover now