Kabanata 31

190 28 16
                                    

Biglang nagising si Vice dahil sa ingay at tila kaguluhang naririnig niya mula sa labas ng kanilang maliit na kubo. Pikit-mata niyang kinapa ang kabilang bahagi ng kanilang higaan ngunit agad siyang napamulat nang mapagtantong wala na roon ang kanyang katabi. Inakala ni Vice na nauna lamang itong bumangon kanina at naghahanda na ngayon ng kanilang almusal.

"Alena?" tila inaantok pa niyang pagtawag dito nang makalabas siya ng kanilang silid. Napakamot naman si Vice ng kanyang ulo nang hindi niya ito naabutan sa kanilang maliit na sala o maging sa kusina.

Muli niyang tinawag ang pangalan ni Alena hanggang sa napagdesisyunan niyang lumabas na ng kanilang kubo upang alamin kung ano ang pinagkakaguluhan ng mga tao sa labas.

"Nakita niyo ba si Alena?" pagsalubong ni Vice kay Vhong nang makita niya itong lumabas din galing sa sarili nilang kubo. Kasunod naman nito si Anne na nagpupungay-pungay pa ng mga mata at halatang kakagising lang din.

Pag-iling lamang ang sinagot ni Vhong kay Vice bago sandaling hinarang ang aleng tumatakbo tungo sa dalampasigan. "Ano pong nangyayari?" naguguluhang tanong ni Vhong sa kanya.

"Nasira daw ng malakas na alon ang lahat ng mga bangkang ginagamit namin para pumalaot. Walang natira kahit isa," bakas sa mukha ng babae ang pagkagulat at pag-aalala, lalo na't kinakailangan nila ng bangka para sa kanilang pangingisda at sa tuwing nais nilang pumunta sa bayan.

"Nasira ng malakas na alon?" sa pagkakataong iyon ay nag-iba agad ang kutob ni Vice sa mga naging pangyayari. Dahil dito ay agad silang pumunta sa dalampasigan at tumambad sa kanila ang halos dalawampung bangkang nasira dulot ng malakas na alon. Ang iba naman ay pinaghinalaan nilang tinangay ng mabagsik na hangin mula sa dagat.

"Nasan si Alena?" muli niyang tanong kina Anne at Vhong, at agad siyang nilamon ng matinding kaba.

"Bakit sa amin mo hinahanap? Diba kayo naman tong magkasama simula pa kahapon?" pagkibit-balikat ni Vhong at tinignan si Anne na tila pinagtatagpi na ang mga kaganapan.

"Baks, hindi ako sigurado sa naiisip ko ngayon pero posible kayang si—" hindi na natapos ni Anne ang kanyang sasabihin nang mabilis na tumakbo si Vice pabalik sa kubong pansamantala nilang tinitirhan.

"Alena!" muli niyang hinalughog ang bawat sulok ng maliit na bahay kasama sina Vhong at Anne ngunit kahit anino ng sang'gre ay hindi nila makita. Nagtanong-tanong din sila sa mga taga-islang malapit sa kanilang kubo ngunit maging sila ay wala ring ideya kung nasaan ngayon si Alena.

Akmang papasok muli si Anne sa munting tahanang tinitirhan nila ni Vice nang mapahinto siya labas. Napahawak siya sa kanyang bibig dahil sa gulat at mabilis na tinawag ang kanyang kaibigan, "V-Vice, I think you have to see this!"

Agad na lumapit si Vice kay Anne habang nakasunod sa kanya si Vhong. At pareho silang natigilan nang mapansin ang mga patak ng dugo na tila natuyo na sa puting buhangin. "I-It's hers, isn't it?" hindi makapaniwalang tanong ni Anne habang natulala lamang si Vice dahil sa kanyang nakikita.

"Alena, anong nangyari sayo?" ang tanong na paulit-ulit na tumatakbo sa isipan ni Vice hanggang sa tuluyan na siyang binalot ng matinding takot.

"Si Mang Armando! Posibleng may alam siya kung anong nangyari at kung saan nagpunta ang mahal na sang'gre," dahil sa suhestiyon ni Vhong ay mabilis na nagtungo ang tatlo sa kubo kung saan naroroon ang matandang encantado.

Sunod-sunod na katok sa pinto ang pinakawalan ni Vice hanggang sa buksan na ito ng matanda. "Nasan po si Alena?!" agarang tanong ni Vice at binigyan siya ng matanda ng isang makahulugang tingin.

Kalmado lamang ang mukha nito ngunit bakas sa kanyang mga mata na hindi rin siya natutuwa sa mga nangyayari, "Sa aking palagay ay batid mo na ang kinaroroonan ng mahal ng sang'gre."

Ang Mahiwagang PusoWhere stories live. Discover now