Kabanata 26

244 40 20
                                    

Napuno ng tawanan at kuwentuhan ang buong lamesa nang maghapunan silang lahat sa malaking bahay nina Dominic. Si Lia at Vice ang madalas na bumibida sa hapagkainan dahil sa nakakatuwa nilang mga kuwento at biro. Kahit pa bago pa lang silang magkakilala ay tila komportable na sila sa isa't-isa. Hindi naman mapigilan ni Anne, Vhong, Dominic, at Manang Tasing ang sobrang matawa dahil aliw na aliw rin sila sa dalawa.

Habang pilit at tipid na ngiti lamang ang naipapakita ni Alena dahil tila siya lang ang hindi talaga natutuwa sa kanyang natutunghayan. Magkatabing nakaupo sina Lia at Vice, habang magkatapat naman sila ng huli. Gayunpaman, hindi siya nito magawang tignan at nakatuon lamang ang atensiyon sa kanyang katabi o sa iba nilang mga kasama.

Naiinis rin si Alena dahil pinakiusapan pa ni Lia si Manang Tasing na magluto ng iba't ibang pagkaing-dagat katulad ng inihaw na isda, adobong pusit, at sinabawang sugpo. Maluha-luha pang tinignan ni Alena ang pagluto ng mga ito kanina sa kusina.

"Naku, Manang Tasing! Amoy palang po talaga, ulam na! Maraming salamat at pinagbigyan niyo po ako ni Doms. Matagal-tagal na rin ho kasi akong hindi nakatikim ng seafood na kasing-sariwa ng mga 'to. At ang mahal pa masyado ng mga ganito abroad," masiglang turan ni Lia habang hinahalo ni Manang Tasing ang adobong pusit at hinihintay na maluto ang inihaw na isda.

Hindi naman mawari ni Alena ang kanyang mararamdaman nang makita kung gaano katakam si Lia sa mga pagkaing-dagat na ihahain nila para sa kanilang hapunan. Nais niyang sabunutan ang may pakana nito ngunit alam niyang wala naman na siyang magagawa.

"Nawa'y matahimik pa rin ang inyong mga kaluluwa, at gabayan kayo ni Bathala sa paglangoy niyo patungong Devas," mangiyak-ngiyak niyang bulong sa mga sugpong kakatapos lang hugasan ni Lia. Hindi naman ito napansin ng mga kasama niya sa kusina dahil abala rin ang mga ito sa kani-kanilang ginagawa.

Ngunit lingid sa kaalaman ni Alena ay may isang tao palang nakarinig at nakakita ng kanyang ginawa. Natunghayan na niya ito noon nang una pa lang silang nagkakilala ni Alena, kaya palihim siyang napangiti at nagkunwari na lamang na hindi niya napansin ang ginawa ng sang'gre.

Tanging kanin, mga gulay at prutas lang ang piniling kainin ni Alena sa mga hinain nila Manang Tasing para sa hapunan. Hindi katulad ng mga taong kasama niya, hindi siya nakakaramdam ng gutom kaya ayos lang na hindi siya kumain ng marami.

Natapos ang kanilang munting salu-salo nang hindi pa rin siya kinakausap o tinitignan ni Vice. Nainis naman si Alena sa kanyang sarili dahil tila malaking problema para sa kanya ang hindi siya pinapansin ng huli. Dapat nga ay magpasalamat pa siya dahil wala ng asungot na nangungulit o nang-aasar pa sa kanya, ngunit bakit niya ito hinahanap-hanap?

Palihim lamang na pinagmamasdan ni Alena si Vice at Lia na masayang nagkukuwentuhan kasama sina Anne at Vhong, habang katabi niya naman si Dominic na abala sa pagbabasa ng libro.
Minungkahi kasi ni Lia na tumambay muna sila at mag-inuman saglit sa sala ng bahay bago tuluyang magpahinga at matulog. Sumang-ayon naman ang iba dahil hindi pa sila dinadalaw ng antok.

Ilang minuto na ang nakalipas simula nang magkuwentuhan sila ngunit hindi pa rin makuhang tignan ni Vice si Alena. Mayamaya ay nagitla silang lahat nang biglang tumayo si Anne, "Oh my gosh! Now I know why you look so familiar!" turo niya kay Lia na napangiti lang. Napansin rin kasi nito na kanina pa siya tinititigan ng huli.

"Kahawig mo si Bea!" kunot-noo namang nakatingin kay Anne ang lahat maliban kay Vice na nanlaki ang mga mata sa sinabi ng kaibigan.

"Sinong Bea?" biglang nagtaka si Lia at napatingin rin sa katabing si Vice.

"Vice's supposed fiancée! Yung babaeng ipapakasal sana sa kanya ng lolo niya a few years ago," maligalig na sagot ni Anne dahilan para pandilatan siya ng matalik niyang kaibigan.

Ang Mahiwagang PusoWhere stories live. Discover now