Kabanata 21

210 27 18
                                    

Bahagyang makulimlim ang kalangitan nang tuluyang makaalis ang pinakamalaking pampasaherong barko sa daungan ng Maynila. Medyo malakas rin ang hampas ng alon ngunit hindi ito sapat para kanselahin ang mga nakatakdang biyahe ng iilang sasakyang pandagat.

Kasalukuyang nasa loob ng isang cabin sa barkong iyon sina Alena, Vice, at Anne, kasama si Vhong na kakagaling lang sa reception area ng barko upang kumuha ng extrang kumot at unan para sa kanilang apat, "Mahaba-haba rin yung pila sa labas kaya medyo natagalan," nakangiti niyang giit at isa-isang inabot ang mga dala nitong unan at kumot sa mga kasama.

Nagpasalamat naman ang tatlo habang abala sa pag-aayos ng kani-kanilang mga kagamitan. "Hindi talaga ako nag expect na ganito pala karami ang bumabiyahe sa barko araw-araw," dagdag ni Vhong at napansin ang biglang pagtahimik ni Vice sa isang sulok. "O brad, okay ka lang ba?"

Dahil dito ay napatingin sa kanyang gawi sina Anne at Alena. Hindi sila nagsalita at hinintay lamang ang sagot ni Vice. Tila natauhan naman ang huli nang tawagin siya ulit ni Vhong habang tinatapik ang kanyang balikat. "Ha? M-May sinasabi ka ba?"

Bahagya namang natawa si Vhong dahil mukhang balisa ang masungit na kaibigan ni Anne, "Wala, tinatanong lang kita kung ayos ka lang ba?"

"O-Oo naman. Ayos lang ako," pagtango ni Vice at impit na napangiti. Sandali siyang pinagmasdan ni Alena at akmang lalapit ito sa kanya nang magsalita siyang muli, "Magpapahangin lang muna ako saglit," paalam ni Vice sa mga kasama bago magsimulang maglakad palabas ng kanilang silid.

"Teka. Sigurado bang okay lang yon?" nagtatakang tanong ni Vhong kay Anne ngunit bago pa man ito makasagot ay naglakad na rin si Alena patungo sa pinto at tuluyan na ring lumabas. Naiwan naman ang dalawa sa loob at sandaling nagkatinginan.

"Don't worry about them. They'll be fine," payak na sagot ni Anne kay Vhong dahil batid niyang sinundan ng sang'gre ang kanyang kaibigan.













Sa kabila ng bahagyang malakas na ihip ng hangin, marami pa ring pasahero ang piniling tumambay pansamantala sa labas ng kani-kanilang mga cabin. Maliban sa ingay na dulot ng makina ng barko ay maririnig rin mula sa kinatatayuan ni Vice ang tawa at hagikhik ng iilang batang naglalaro kasama ang kani-kanilang mga magulang.

"Sayang at tila hindi kaaya-aya ang panahon ngayong hapon. Nais ko pa naman sanang pagmasdan ang paglubog ng araw mula dito," biglang pagsalita ng kanyang katabi. Nakatayo lamang sila at nakahawak sa handrail ng barko habang tanaw ang malawak na karagatan.

Sandali silang nagkatinginang dalawa hanggang si Alena rin mismo ang unang umiwas. "S-Sorry," nag-aalinlangang sambit ni Vice at bahagyang napayuko. "Sorry sa mga nasabi ko noong isang gabi, at pati na rin sa pag-iwas ko sayo nitong mga nakaraang araw."

Hindi naman makatingin sa kanya si Alena at nanatili lamang na nakatanaw sa malawak na anyong-tubig. "Wag mo na iyong intindihin. Wala ka namang dapat ihingi ng kapatawaran, dahil maging ako ay may mga naging pagkukulang din. Dapat sinabi ko rin sa inyo ang mga nagawa kong hakbang sa paghahanap natin ng aking brilyante."

Sandali naman silang natahimik hanggang sa bigla nalang natawa si Vice dahil sa kanyang napagtanto. "May nakakatawa ba sa aking mga sinabi?" taas kilay na tanong ni Alena dahil mukhang bumabalik na naman ang pambebwesit sa kanya ni Vice.

Napailing lamang ang huli at hindi maalis-alis ang ngiti sa kanyang labi, "Wala, kamahalan. Bigla ko lang kasing narealize na para pala tayong mga bata kung mag-away at magtampuhan."

Ang Mahiwagang PusoWhere stories live. Discover now