Kabanata 32

219 25 27
                                    

Katahimikan ang tanging nangibabaw sa buong isla habang patuloy ang pagbagsak ng mahinang ulan. Ngunit hindi katulad kanina ay tila kalmado na ang ihip ng hangin at hampas ng alon sa dalampasigan.

Gayunpaman, hindi makakaila na malaki at malawak ang naging pinsala ng sakunang nangyari dulot ng matinding galit at paghihiganti ng apat na mahiwagang sang'gre kasama ang kanilang ina.

Walang natira sa napakalaking mansiyon ni Don Hidalgo. Ang lahat ng mamahaling yate at barko sa daungan nito ay tuluyan ng tumaob at lumubog. Nagkalat rin sa kalupaan ang iilang bangkay ng mga taong nasawi sa pribadong islang iyon, kabilang na ang makapangyarihang politiko na si Don Hidalgo.

Agad na dumating ang tulong para sa mga trabahador na nakaligtas ngunit nang tanungin sila patungkol sa mga nangyari ay wala silang masagot dahil inisip nalang nila na isa lang itong malaking sakuna dulot ng kalikasan, at hindi dahil sa mga nilalang na nababasa lamang nila sa mga alamat.

Sa kabilang banda, hindi matigil ang pagluha ni Alena habang mahigpit na niyayakap ang walang buhay na si Vice. Kasalukuyan silang nasa Encantadia o sa kaharian ng kanilang inang si Minea. Maging ang kalangitan at kapaligiran doon ay tila nakikiisa rin sa paghihinagpis ng sang'gre.

"Ssheda! Hindi maari! Kailangan niyang mabuhay. Parang awa niyo na! Gawin niyo ang lahat! Buhayin niyo siya! Pakiusap!"

Namumutla at nakahimlay lamang ang walang buhay na katawan ni Vice sa malambot na higaang pinapaligiran ng mga paru-paru habang tahimik na pinagmamasdan nina Pirena, Amihan, at Danaya ang kanilang nagdadalamhating kapatid.

"Ive sanctre (patay na siya), Alena. Patawad pero wala na tayong magagawa pa," marahang paghawak ni Amihan sa balikat ng kanyang kapatid upang dahan-dahang itong ilayo kay Vice.

Sumunod naman dito si Danaya at inalalayan din ang si Alena, "Minsan may mga bagay na hindi nakalaan para satin. At kapag dumating ang panahon na napagtanto natin ito. Wala tayong ibang magagawa kundi ang kusang bumitaw."

Maging si Reyna Minea ay walang imik lamang na nakatingin sa kanyang bunsong anak hanggang sa unti-unti niya rin itong nilapitan. "Alena, anak, kinakailangan mo na siyang bitawan," marahan ring paghawak ni Minea sa balikat ni Alena ngunit patuloy lamang ito sa pagluha at napailing.

"H-Hindi ko siya maaring iwan, ina. Nangako kaming hindi namin iiwan ang isa't-isa," mas mahigpit pang pagyakap ni Alena kay Vice.

Sa halip na magalit sa ginawang paglihim ni Alena tungkol sa nawawala nitong brilyante, buong puso pa ring tinanggap ni Reyna Minea ang pagkukulang ng kanyang anak. Nadismaya man siya sa mga nangyari, sa pagkakataong iyon ay nangibabaw pa rin ang nararamdaman niyang awa para kay Alena.

"Kung maari ko lamang akuin ang lahat ng sakit at pagdadalamhating nararamdaman mo ngayon, gagawin ko. Gagawin ko iyon para sa'yo, anak. Ramdam ko ang iyong paghihinagpis, ngunit kailangan na nating tanggapin ang katotohanan," marahang paghagod ni Minea sa likod ni Alena upang patigilin na ito sa pagluha.

"H-Hindi dapat ito nangyari sa kanya, ina. Kung hindi dahil sa akin, hindi niya sana sinapit ang ganitong kapalaran," mahigpit na pagyakap ni Alena kay Minea at doon na siya muling lumuha.

"Alena, anak, hindi nararapat na sisihin mo ang iyong sarili," napayuko lamang ang tatlo pang sang'gre dahil maging sila ay nagdadalamhati rin pa sa kanilang pinakamamahal na kapatid.

"B-Batid kong malaki ang kasalanan ko sa inyo, ina. Hindi ko nagampanan ng maayos ang aking tungkulin na bantayan ang brilyante na nasa ilalim ng aking pangangalaga. Binigo ko kayo bilang isang sang'gre at binigo ko rin kayo bilang isang anak," patuloy na pag-iyak ni Alena hanggang sa diretso siyang tumingin sa kanyang ina.

Ang Mahiwagang PusoWhere stories live. Discover now